Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Ang Buhay at Ministeryo ni Hesus
Audio Course Purchase

Search Course

Type at least 3 characters to search

Search through all lessons and sections in this course

Searching...

No results found

No matches for ""

Try different keywords or check your spelling

results found

Lesson 7: Pag-ibig Tulad ni Jesus

39 min read

by Randall McElwain


Mga Layunin ng Aralin

Kapag natapos ang araling ito, ang mag-aaral ay dapat:

(1) Kilalanin ang pagiging sentral ng pagmamahal/pag-ibig sa buhay at ministeryo ni Jesus.

(2) Nauunawaan na ang pagmamahal/pag-ibig sa Dios ay may kalakip na relasyon sa Dios, kaalaman sa Salita ng Dios at pagtitiwala sa kalooban ng Dios.

(3) Gayahin ang pagmamahal/pag-ibig ni Jesus para sa mga tao sa ministeryo.

(4) Pahalagahan ang kahalagahan ng nagpapatuloy na pagsuko sa Dios.

(5) Ipakita ang karakter ni Jesus sa pang-araw-araw na buhay.

Prinsipyo para sa Ministeryo

Ang pag-ibig na tulad ni Cristo ang ating motibasyon para sa ministeryong tulad ni Cristo.

Pasimula

Ang buong buhay at ministeryo ni Jesus ay dahil sa pag-ibig. Paulit-ulit na ipinakita niya na ang pag-ibig sa Dios at pag-ibig sa iba ang nasa sentro ng kanyang buhay at ministeryo.  Kung susundan natin ang halimbawa ni Jesus, pag-ibig din ang dapat maging sentro ng ating buhay at ministeryo.  Walang ibang lugar na ito’y mas malinaw kaysa sa talinhaga ng Mabuting Samaritano.

Basahin ang Lucas 10:25-37.

Bago niya ibigay ang talinhagang ito, sinabi ni Jesus na “itinago ng Dios ang mga bagay na ito sa mga matatalino at nakauunawa at inihayag ang mga ito sa mga bata.”[1] Ito ay nagtuturo ng mahalagang leksiyon tungkol sa espirituwal na pag-unawa.  Ang pag-unawa sa mga espirituwal na katotohanan ay nangangailangan ng higit pa sa pag-aaral na pangkaisipan; nangangailangan ito ng espirituwal na rebelasyon. Ang katotohanan ng Dios ay simple lamang para maunawaan ng isang bata subali’t ito’y sobrang malalim para sa isang iskolar.

Paano ito nangyari? Itinatago ba ng Dios ang katotohanan sa mga taong nagnanais dito? May dalawang prinsipyo sa sagot:

  1. Inihahayag lamang ang espirituwal na katotohanan sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.  Isinulat ni Pablo na “walang sinumang nakauunawa sa kaisipan ng Dios maliban sa Espiritu ng Dios.” Dahil dito, kailangan tayong “turuan ng Espiritu, na nagbibigay kahulugan sa mga espirituwal na katotohanan para sa mga espirituwal.”[2]
  2. Ang espirituwal na katotohanan ay inihahayag lamang sa mga tagapakinig na handang tumanggap. Ipinagpatuloy pa ni Pablo, “Ang natural na tao ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Dios, dahil kahangalan ang mga ito sa kanya, at hindi niya nauunawaan ang mga ito dahil ang mga ito ay nauunawaan lamang ayon sa espiritu.”[3]

Ang talinhaga ng tagapaghasik ay nagpapakita na ang attitude ng tagapakinig ang nagtatakda sa pagiging mabunga ng binhi.[4] Tanging ang mga handang tumanggap sa katotohanan ang makauunawa sa katotohanan na kanilang naririnig.

Ang abogado sa Lucas 10:25 ay isang ilustrasyon sa tunay-na-buhay ng ikalawang prinsipyo.  Ang tanong ng hukom ay hindi nagmula sa kauhawan sa katotohanan, kundi sa pagnanais na mabitag si Jesus; nais niyang “ilagay sa pagsubok si  Jesus.” Matapos niyang marinig ang sagot ni Jesus, ang tugon ng hukom ay hindi ang tugon ng isang matabang lupa.  Sa halip, muli siyang nagtanong, na “nagnanais na bigyang katwiran ang kanyang sarili.”

Alam na ng hukom ang sagot sa kanyang tanong, “Ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” Nasusulat sa Batas ang sagot, “Mahalin mo ang Panginoon mong Dios nang iyong buong puso, ng buong kaluluwa at ng buo mong lakas at ng buo mong pag-iisip at ang iyong kapwa tulad ng iyong sarili.”

Ito ang puso ng modelo ni Jesus para sa atin.  Ang mamuhay at magministeryo ng tulad ni Jesus, dapat nating mahalin ang Dios at mahalin ang ating kapwa tulad ng pagmamahal ni Cristo.  Kung walang pag-ibig na tulad ni Cristo,  ang alinman sa ibang aralin sa kursong ito ay wala nang halaga. Ang pananalangin, pangunguna, pagtuturo at pangangaral—kung walang pag-ibig, walang alinman sa mga bagay na ito ang mahalaga.

Marahil ito’y tila napakasimple.  Maaari mong sabihin, “Siyempre, dapat nating mahalin ang Dios at mahalin ang mga tao. Alam ko na ‘yan!” Subali’t sa pang-araw-araw na dalahin ng ministeryo, maaaring mawala sa atin ang puso ng pagmamahal.  Posibleng paglingkuran natin ang mga miyembro ng iglesya nang hindi sila minamahal.  Posibleng pagsilbihan/paglingkuran ang ating mga pamilya nang hindi sila minamahal.  Posibleng tumupad ng gawaing Kristiyano nang hindi minamahal ang Dios. Ang ating motibasyon sa ministeryong Kristiyano ay ang pag-ibig na tulad kay Cristo.


[1] Lucas 10:21.

[2] 1 Cor. 2:11, 13.

[3] 1 Cor. 2:14.

[4] Mateo 13:1-23. Pansinin lalo na ang 13:12. Ang sinumang tumatanggap ng katotohanan ay tumatanggap na lalo pang maraming katotohanan: “sa sinumang mayroon, sa kanya mas marami pang ibibigay.” Ang sinumang tumatanggi sa katotohanan ay bulag maging sa katotohanang narinig na niya: “at sa kanya na wala pa, kahit ang nasa kanya na ay aalisin pa.”

Pagmamahal sa Dios tulad ng Pag-ibig ni Jesus

Ang paglilingkod ni Jesus sa sangkatauhan ay motivated ng kanyang pag-ibig sa Ama. Upang maiwasan ang burnout at pagkabigo sa ministeryo, ang ating paglilingkod sa mga tao ay dapat udyok ng pag-ibig sa Dios.  Ang ministeryo nang walang pag-ibig sa Dios ay magiging hungkag at walang bunga.

May tatlong aspeto ng pag-ibig ni Jesus para sa Ama ang dapat magsilbing modelo para sa atin: relasyon, kaalaman at pagtitiwala.

Pinanatili ni Jesus ang kanyang Malapit na Relasyon sa Kanyang Ama

Paulit-ulit, ang mga Ebanghelyo ay nagpakita ng malapit na relasyon ni Jesus sa kanyang Ama.  Ito ay nakikita sa:

  • Ang pangungusap ni Jesus sa kanyang mga magulang, “Hindi ba ninyo nababatid na dapat ako’y nasa bahay ng aking Ama?”[1]
  • Ang malapit na panalangin ni Jesus sa Juan 17.
  • Ang paghihinagpis ni Jesus sa krus, “Dios ko, Dios ko, bakit mo ako pinabayaan?”[2]

Sa garden ng Gethesemane, tinukoy ni Jesus ang Dios gamit ang malapit na salita sa isang pamilya, “Abba, Ama.”[3] Ito ang lengguwahe ng Anak na may katiyakan sa kanyang relasyon sa kanyang Ama.

Ang tradisyunal na panalangin ng mga Judio ay gumagamit ng maraming pangalan para sa Dios: Dios ni Abraham, Isaac at Jacob; Dios ng aming mga Ama; Ang Pinagpala; Ang Makapangyarihan; Manunubos ng Israel.  Ginamit ni Jesus ang intimate na pangalang Abba.  Namuhay si Jesus sa intimate na relasyon sa kanyang Ama.

Ginugol ni Kenneth E. Bailey ang maraming taon sa pagtuturo sa Gitnang Silangan.  Isinulat niya na ‘abba’ ang unang salitang natututuhan ng mga bata sa Gitnang Silangan. Abba ang pangalan ginagamit ng bata para sa kanyang Ama.

Sinasabi ni Pablo na bilang mga anak ng Panginoon, tayo man ay may pribilehiyo na “umiyak, ‘Abba! Ama!’”[4] Hindi natin sinasamba ang Dios na nananatiling malayo.  Sa halip, tulad ni Jesus tayo’y nabubuhay nang may katiyakan at komportable sa pag-ibig ng ating Ama.

Bilang mga pastor maaari tayong matukso na sukatin ang ating sarili gamit ang tayumpay ng ating ministeryo. Kung ang ating kahalagahan ay nagmumula sa laki ng ating iglesya, sa approval ng ating kongregasyon, o sa pagkilala ng ating mga kasamahan, tayo ay matutuksong isakripisyo ang integridad para sa tagumpay. Tayo ay panghihinaan ng loob kapag ang ating mga pagsisikap ay nabigo.  Gayunman kung tayo ay nagtitiwala na minamahal tayo ng ating Abba anuman ang ating tagumpay, maaari nating iwan ang mga resulta sa Kanya.  Ang Kanyang pag-ibig ay hindi nakadepende sa ating mga ginagawa.

Nalalaman ni Jesus ang Kalooban ng Kanyang Ama

Sa dulo ng kanyang ministeryo sa mundo, nagpatotoo si Jesus, “Natupad ko na ang gawaing ipinagkaloob mo upang tuparin ko.”[5] Alam ni Jesus kung ano ang dahilan ng Ama sa pagsusugo sa kanya at itinalaga niya ang kanyang buhay sa pagtupad sa misyong ito.

Sa kanyang pagiging tao, natutuhan ni Jesus ang kalooban ng Ama sa pamamagitan ng pananalangin at sa pamamagitan ng Salita. Sa pamamagitan ng panalangin natagpuan ni Jesus ang kalooban ng Ama. 

Natutuhan din ni Jesus ang kalooban ng Ama sa pamamagitan ng Salita. Sa Capernaum, binuod ni Jesus ang kanyang misyon bilang katuparan ng mga propesiya ni Isaias.[6] Nang sagutin niya ang mga mensaherong nagmula kay Juan Bautisa, ginamit si Jesus ang mga salita ni Isaias bilang ebidensiya para sa kanyang ministeryo bilang Mesiyas.[7] Alam ni Jesus ang Salita.

Sa buong Bagong Tipan, makikita natin ang mga Kristiyanong tumutukoy sa Kasulatan bilang tugon sa mga paghihirap. Sa pagharap sa pagiging martir, ang huling sermon ni Esteban ay pangunahing  binubuo ng Kasulatang Lumang Tipan at ang katuparan nito kay Cristo Jesus.[8] Nang utusan ng mga lider na Judio ang mga Kristiyano na itigil ang pagpapahayag ng mensahe ni Jesus, nagsama-sama ang iglesya upang manalangin.  Ang kanilang panalangin ay naglalaman ng mahabang pagbanggit mula sa Awit 2.[9] Alam ng mga unang mananampalataya ang Kasulatan.  Ito ang kanilang natural na lengguwahe para sa pangangaral at sa pananalangin.[10]

Sa kabuuan ng kasaysayan ng iglesya, ang mga mangangaral na bumago sa mundo ay mga lalaki ng Salita. Nagpatotoo si Martin Luther sa Diet of Worms, “Ako ay alipin ng Kasulatan at ang aking budhi ay bihag ng Salita ng Dios.” Inilarawan ni John Wesley ang kanyang sarili bilang “Lalaki ng Isang Aklat.” Sinabi ni Charles Spurgeon na ang mga mangangaral ay dapat kumain ng mga Salita hanggang sa “ang mismong essence/kahulugan ng Biblia ay umaagos na mula sa iyo.” Gumugol si Hudson Taylor ng napakaraming oras sa Salita kaya’t ayon sa isang manunulat, “Ang Biblia ay ang kapaligiran kung saan nabuhay si Taylor.” Binago ng mga lalaking ito ang kanilang mundo dahil ipinangaral nila ang Salita nang may awtoridad.

Kung tayo ay magmiministeryo nang tulad ni Jesus, ng mga unang Kristiyano, at ng mga dakilang tagapangaral ng kasaysayan, tayo rin ay dapat puspos ng Salita ng Dios. Ang Kasulatan ay ang supreme na awtoridad para sa ministeryo ni Juan.[11] Ipinanalangin ni Jesus na sana ma sanctify o ibukod para sa paglilingkod ang kanyang mga disipulo. Ito ay matutupad sa pamamagitan ng Salita: “Ibukod mo sila para sa iyo sa pamamagitan ng katotohanan, ang Salita mo ang katotohanan.”[12] Naging epektibo sa ministeryo ang mga disipulo dahil sa Salita; nagiging epektibo tayo sa ministeryo dahil sa Salita.

Ginugol ni Ajith Fernando ang kanyang buhay sa pagmiministeryo sa Sri Lanka. Isinulat niya na nakasanayan na niya na hindi kailanman magbibigay ng anumang pangunahing pahayag sa pangangaral nang hindi ito ibinabatay sa Kasulatan. Napanatili nito na nakabatay sa Salita ang kanyang pangangaral. Bilang mga Kristiyano, kilala natin ang Dios sa pamamagitan ng Kaniyang Salita.  Bilang mga ministro, nagtatatag tayo ng matitibay na iglesya sa pamamagitan ng ministeryong nakabatay sa Salita ng Dios.

Nagtiwala si Jesus Sa Kanyang Ama

Ang relasyon ni Jesus sa kanyang Ama sa panahon ng kanyang ministeryo sa lupa ay maaaring bigyang buod sa mga salita ng kanyang panalangin sa Garden ng Gethsemane, “Gayunman, hindi ang aking kalooban, kundi ang iyong kalooban.”[13] Ito ang pangungusap ng lubusang pagtitiwala at pagpapasakop.

Mahirap lubusang magpasakop sa kalooban ng isang taong hindi naman natin pinagtitiwalaan.  Maaari tayong mapilitang magpasakop sa panlabas, subalit ang ating mga puso ay tumatangging magsuko ng pagkontrol sa taong hindi naman natin pinagtitiwalaan.  Nagpasakop si Jesus sa kalooban ng Ama dahil sa kanyang lubos na pagtitiwala sa pag-ibig at kabutihan ng Ama.

► Basahin ang Juan 5:1-47.

Ang buong ministeryo ni Jesus ay nagpapakita ng lubos na pagtitiwala sa Ama. Nang tutulan si Jesus ng mga tagapangunang Judio dahil sa pagpapagaling sa isang lumpo sa araw ng Sabbath, siya’y tumugon:

 

“Pakatandaan ninyo na walang magagawa ang Anak sa kanyang sarili lamang; ang nakikita niyang ginagawa ng Ama ang siya lamang niyang ginagawa. Ang ginagawa ng Ama ay siya ring ginagawa ng Anak…. Wala akong magagawa sa sarili ko lamang.  Humahatol ako ayon sa sinasabi sa akin ng Ama, kaya’t matuwid ang hatol ko, hindi ang sarili kong kalooban ang aking sinusunod, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”

Inangkin na ni Jesus na siya ay Dios: “Ang aking Ama ay nagtatrabaho hanggang ngayon, at ako ay nagtatrabaho.” Subali’t bagaman siya ay lubusang Dios, bukal sa loob na nagpasakop si Jesus na naging subordinate role sa kanyang misyon sa lupa.  Pantay siya at ang Ama, subali’t siya’y nagpasakop sa kalooban ng Ama.

Nang salungatin ng mga eskriba at Pariseo si Jesus mga ilang buwan pagkaraan noon, muli  niyang ipinagtanggol ang Kanyang mga ginagawa sa pagtuturo sa awtoridad ng kanyang Ama: “Wala akong ginagawa sa aking sariling awtoridad, subali’t nagsasalita kung ano ang sinasabi ng aking Ama.”[14] Dahil pinagtitiwalaan niya ng lubos ang Ama, si Jesus ay buong pusong nagpapasakop sa kalooban ng Ama.

Ang pangunguna sa iglesya ay nangangailangan ng mahirap na pagbalanse. Maraming pastor at tagapanguna sa iglesya ang nagtataglay ng malakas na kakayahang mamuno. Bilang tagapanguna, mayroon silang malakas na opinyon at personalidad. Ito ay maaaring maging mahalagang kalakasan para sa isang tagapanguna.  Gayunman, ang kalakasang ito ay dapat balansehin ng kagustuhang magpasakop tayo sa Dios. Malibang magpasakok tayo sa Dios nang may pagtitiwala, tayo ay natutuksong ipilit ang ating sariling paraan sa halip na magbigay-daan sa paraan ng Dios.

Marahil ang pinakamabuting halimbawa sa Biblia ay si Moses.  Si Moses ay mababang-loob higit pa sa kaninumang tao sa balat ng lupa.”[15] Malakas si Moses, subali’t siya ay mababang loob. Hinarap niya ang Faraon, ang pinakamakapangyarihang lalaki sa Egipto. Pinangunahan niya ang matitigas ang ulong mga Israelita sa disyerto. Si Moses ay isang malakas na lider. Subali’t iyon ay sa panahong nagpapasakop siya sa Dios.  Kinakailangang ipasakop sa Dios ang  ating natural na kalakasan para sa epektibong pamumuno sa iglesya. Posible lamang ito sa ating paglakad kasama ang Dios sa isang buhay ng pananampalataya at pagtitiwala.

Sa tatlong aspetong ito ng pag-ibig sa Ama (relasyon, kaalaman ng kanyang Salita, at pagpapasakop ayon sa pagtitiwala) alin ang pinakamalaking personal na hamon para sa iyo?


[1] Lucas 2:49.

[2] Mateo 27:46.

[3] Marcos 14:36.

[4] Roma 8:15; Galacia 4:6.

[5] Juan 17:4.

[6] Lucas 4:18-19.

[7] Mateo 11:4-5.

[8] Mga Gawa 7:1-53.

[9] Mga Gawa 4:24-30; Awit 2:1-2.

[10] “Huwag kailanman hayaang palitan ng magagandang aklat ang lugar ng Biblia. Uminom mula sa balon!”
-Amy Carmichael

[11] 2 Tim. 3:16-17.

[12] Juan 17:17.

[13] Mateo 26:39.

[14] Juan 8:28.

[15] Mga Bilang 12:3.

Mas Malapit na Pagtanaw: Inangkin ba ni Jesus Na Siya ay Dios?

Itinatanggi ng mga huwad na kulto tulad ng Mormonism at Saksi ni Jehovah, gayun din ang hindi Kristiyanong relihiyon tulad ng Islam  na si Jesus ay tunay na Dios. Tinatanggap nila na si Jesus ay isang dakilang guro o propeta, bilang ang unang nilikhang tao, at maging bilang ang Mesiyas.  Subali’t itinatanggi nila na siya ay tunay na Dios.[1]

Ang mga tagasunod ng mga relihiyong ito ay madalas na inaangkin, “Hindi kailanman inangkin ni Jesus na siya ay Dios. Sinabi niya na siya ay isang anak ng Dios sa parehong paraan na ang bawat isa sa atin ay mga anak ng Dios.”

Inangkin ba ni Jesus na siya ay Dios? Oo. Naunawaan ng mga nakarinig kay Jesus ang kanyang mga inaangkin. Nang tukuyin ni Jesus ang Dios bilang “Aking Ama”, tinangka siyang patayin ng mga tagapangunang Judio. Bakit? “Ito ang dahilan kung bakit lalong nagpipilit ang mga Judio na patayin siya, dahil hindi lamang niya nilalabag ang Sabbath, kundi tinatawag pa niya ang Dios bilang kanyang sariling Ama, na siya’y nagiging kapantay ng Dios.”[2]

Sa isa sa pinakamalinaw na pag-angkin ni Jesus na siya ay Dios, sinabi niya sa mga lider na Judio, “Tunay na tunay na sinasabi ko sa inyo, bago pa si Abraham, Ako Nga.”[3] Ito ang mga salitang ginamit ng Dios upang ipahayag ang kanyang sarili kay Moses sa nagliliyab ng puno: “Sabihin mo ito sa mga Israelita:  Sinugo ka ni AKO NGA sa inyo.”[4]  Sa mga salitang ito inaangkin ni Jesus na siya ang Dios na nagpakita kay Moses. Tiyakang nalalaman ng mga tagapangunang Judio kung ano ang tunay na ibig sabihin ni Jesus. Bilang tugon sila’y “ pumulot ng bato” upang siya’y patayin. Ito ang angkop na parusa sa pamumusong—ang maling pag-angkin na siya ay Dios.[5]

Sa paglilitis kay Jesus, itinanong ni Caiphas, “Ikaw ba ang Cristo, ang Anak ng Kataas-taasan?” Ang sagot ni Jesus ay hindi mapasusubalian: “Ako nga at makikita ninyo ang Anak ng Tao na nakaupo sa kanang kamay ng Makapangyarihan at dumarating sa ulap mula sa langit.” Dahil sa sagot na ito, inangkin ni Jesus na siya ang nakaupo sa kanang kamay ng Dios at siya ang Anak ng Tao na ihinula ni Daniel na siyang darating upang hatulan ang mundo.[6] Alam ni  Caiphas na inaangkin ni Jesus na siya ang Dios. Winahak niya ang kanyang damit at sinabi, “Narinig na ninyo ang kanyang paglapastangan sa Dios.”[7] 

Maaari mong tanggihan na paniwalaan ang mga inaangkin ni Jesus, subalit hindi mo maaaring basahin nang maingat ang mga Ebanghelyo nang hindi tinatanggap na si Jesus mismo ang umangkin na siya ang Anak ng Dios. Narinig ng kanyang mga tagapakinig ang kanyang mga inaangkin at sila ay napilitang tanggapin siya bilang Dios o kaya’y patayin siya bilang isang bulaang propeta at lumalapastangan sa Dios.


[1] Upang pag-aralan ang mga turo ng mga bulaang relihiyong ito, pag-aralan ang the Shepherds Global Classroom kurso, World Religions and Cults.

[2] Juan 5:18.

[3] Juan 8:58.

[4] Exodus  3:14.

[5] Lev. 24:16.

[6] Mga Awit 110:1 at  Daniel  7:13-14.

[7] Marcos 14:61-64.

Pag-ibig sa Ating Kapwa Tulad ng Pag-ibig ni Jesus

Sa pagtuturo ni Jesus, madalas na nagkakatipon ang kanyang mga tagapakinig na “maniningil ng buwis at mga makasalanan.” Hindi lamang nagtuturo si Jesus sa mga taong ito, kundi kumakain siya kasalo  nila. Nang makita ng mga Pariseo na kusang loob na kumakain si Jesus kasama ng mga makasalanan, nagsimula silang punahin siya. Tumugon si Jesus gamit ang tatlong kuwento. Sa iyong pagbasa sa mga kuwentong ito, dapat mong matanto ang dalawang mahalagang bahagi ng kuwentong pinagmulan.

  1. Sa panahon ni Jesus, kapag kumain ka nang kasalo ang isang tao, nangangahulugan ito na ikaw ay nagtatatag ng isang relasyon sa taong iyon.[1] Nang kumain si Jesus kasama ng mga makasalanan, nangangahulugan ito na kusang loob siyang nakikisama sa kanila. Ipinakita ni Jesus na ang Dios ay hindi naghihintay sa mga tao para lumapit sa kanya: sa halip, ang Dios ay aktibong kumikilos upang hanapin ang mga nawawala.
  2. Ang mga Judio sa  panahon ni Jesus ay umasa na ang isang taong matuwid ay iiwas na makisalamuha sa mga makasalanan. Inisip ng mga rabbi na kapag dumating ang Mesiyas, iiwasan niya ang lahat ng pakikipag-ugnayan sa mga masasamang tao at kakain kasama ng mga matutuwid lamang.

Basahin ang Lucas 15:1-32.

Ito ay isang mahabang talinhaga na may tatlong bahagi: ang nawawalang tupa, ang nawawalang barya, at ang naliligaw na anak. Sa bawat kuwento, ang tema ng talinhaga ay ang kaligayahan ng taong nakatagpo sa nawawala. Ipinakikita ni Jesus ang kaligayahan sa langit kapag ang isang makasalanan ay maakay sa pagsisisi.”

Ang mga rabbi ay mayroong popular na kawikaan: “May kaligayahan sa langit kapag ang isang makasalanan ay nawasak sa harap ng Dios.” Inikot ito ni Jesus, “Mayroong kagalakan sa langit kapag ang isang makasalanan ay nagsisisi.” Ano ang pagkakaiba ni Jesus sa ibang mga rabbi? Pag-ibig! Ipinakita ni Jesus kung ano ang ibig sabihin ng pagmiministeyo mula sa isang pusong puno ng pag-ibig.[2]

Kapag tayo’y nagmiministeryo nang walang pag-ibig, ang kalagayan sa lipunan at posisyon ay nagiging mas mahalaga kaysa sa mga tao. Gayunman, kapag tayo’y nagministeryo mula sa pusong puno ng pag-Ibig, payag tayong magtiis at isakripisyo ang status para sa kapakanan ng nawawala. Payag si Jesusn na laitin siya ng mga tagapangunang relihiyoso para sa pagpapakita ng pag-ibig sa mga taong pinakanangangailangan ng pagmamahal.

Kung itatanong natin, “Pakikitaan mo ba ng pagmamahal ang Alibughang Anak?”  Tayong lahat ay sasagot ng “Oo”.  Alam natin ang tamang sagot! Sa halip, itanong natin, “Sino ang alibughang anak na huli mong nakasalubong sa iyong landas? Paano ko ipinakita ang pag-ibig sa taong iyon?”  

Ipinakita ni Jesus ang Pagmamahal sa Pamamagitan ng Kanyang Habag para sa Nagdurusa

Sa pagbasa mo sa  mga Ebanghelyo, napansin mo ba na ang mga makasalanan na tumatakbo palayo sa ibang tagapanguna ng relihiyon ay tumatakbo palapit kay Jesus. Ano ang dahilan na hinahanap ng mga makasalanan  ang presensiya ni Jesus?

Hindi dahil hindi pinapansin ni Jesus ang kanilang kasalanan; hinihingi niya ang mas mataas na pamantayan ng pagiging matuwid kaysa sa sinumang Pariseo.[3] Ang mga makasalanan ay tumatakbo kay Jesus dahil siya ay mahabagin. Hindi niya sinusuportahan ang kasalanan, subali’t nahahabag siya sa taong alipin ng  kasalanan.

Nakita natin ito sa pangungusap ni Jesus sa babaeng nahuling nangangalunya. Matapos siyang  iwan ng  mga nag-aakusa sa kanya, sinabi sa kanya ni Jesus, “Hindi rin kita hinuhusgahan; humayo ka at huwag ka nang magkasala pa.”[4] Hndi sinusuportahan ni Jesus ang kasalanan; iniutos niya sa babae na iwan na ang kanyang buhay na makasalanan. Nagpakita siya ng habag at hindi paghusga.

Ang Ebanghelyo ni Lucas ay nagbigay ng espesyal na atensiyon sa kahabagan ni Jesus. Ikinuwento ni Lucas ang tungkol kay Zaqueo, isang maniningil ng buwis na maaaring laitin ng ibang tagapangunang relihiyoso. Sa malaking gulat ng mga nakakikita, inanyayahan ni Jesus ang kanyang sarili “upang maging panauhin ng isang makasalanan.”[5]

► Basahin ang Lucas 5:12-16.

Sa pag-uulat tungkol sa pagpapagaling na ito, nagbigay si Lucas ng detalye na maaaring nakagulat talaga sa mga tao.  “Iniunat ni Jesus ang kanyang kamay at hinipo siya.”  Walang sinuman sa sinaunang panahon ang humihipo sa isang ketongin! Ito ay mapanganib ayon sa medisina dahil maaari kang mahawa.  At bilang isang Judio, ito ay nagpaparumi sa isang tao ayon sa seremonya.

Bakit hinipo ni Jesus ang ketongin? Nahabag siya dito. “Dahil sa awa, iniunat niya ang kanyang kamay at hinipo niya siya.”[6] Nangangailangan ng pisikal na kagalingan ang ketongin, subali’t nangangailangan din siya ng emosyonal na kagalingan.  Ang mga ketongin ay pinalalayo sa ibang tao.  Matapos  mahawa ng ketong, ang lalaking ito ay hindi na nakaramdam ng paghipo ng ibang tao. Maaaring pagalingin ni Jesus ang kanyang karamdaman nang hindi kailangang hipuin ang disfigured na lalaki, subali’t nalalaman niya na nangangailangan ang ketongin ng paghipo ng ibang tao. Nahabag si Jesus.[7]

Kung nais nating magministeryo nang tulad ni Jesus, dapat magkaroon tayo ng pusong mahabagin katulad ni Jesus.  Kapag ang mga makasalanan ay tumitingin sa mga mata ni Jesus, nakikita  nila ang  mapagmahal na pagkahabag.  Kapag ang mga makasalanan ay tumitingin sa inyong mga mata, ano ang kanilang nakikita?

Ipinakita ni Jesus ang Pag-ibig sa Pamamagitan ng Paglilingkod sa mga Nangangailangan

Madaling sabihin na, “Naaawa ako sa mahihirap,” mas mahirap na paglingkuran ang kanilang mga pangangailangan. Ipinakita ni Jesus ang pag-ibig sa pamamagitan ng paglilingkod sa mga pangangailangan ng mga nasa paligid niya. Ang buong ministeryo ni Jesus ay iniukol sa paglilingkod.  Isinulat ni Pablo na “binitawan ni Jesus ang kanyang sarili at naging isang alipin.”[8] Sinabi ni Jesus sa kanyang mga disipulo, “Dahil kahit ng Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at ibigay ang kanyang buhay bilang kabayaran para sa marami.”[9]

Ang mga himala ni Jesus ay nagpapakita ng kanyang paglilingkod sa iba. Ang mga himala ay mga tanda ng kanyang misyon bilang Mesiyas, subalit ang mga ito rin ay isang paraan upang tugunan ang mga pangangailangan ng mga tao. Kung minsan ang himala ay ginagawa lamang para sa isang maliit na bilang ng mga tao.  Kung minsan ito’y para sa kapakinabangan ng mga taong walang kakayahan o impluwensiya.  Kung minsan ang kanyang mga himala (sa araw ng Sabbath) ay nagdala sa kanya ng lalo pang pagtanggi.

Hindi nagsagawa si Jesus ng mga himala upang makakuha ng pabor mula sa mga makapangyarihan; naghimala siya upang maglingkod sa nangangailangan. Dalawang pagkakataon lamang na tumanggi si Jesus na maghimala.  Nakipagtalo sa kanya ang mga Pariseo, “na humahanap sa kanya ng tanda mula sa langit upang siya’y subukin.”[10] Tumangging magbigay ng tanda si Jesus.[11].  Pagkatapos ng paglilitis kay Jesus, si Herodes ay “umasang makakita ng anumang tanda na kanyang ginawa.” Tumanggi si Jesus “kung hinihingi” o para lamang i-impress ang ayaw maniwalang mga nanonood.

Bagaman tumanggi si Jesus na maghimala para kay Herod Antipas, pinagaling niya ang biyenan ng isang mangingisda, mga ketongin, bulag na pulubi at mga inaalihan ng demonyo na walang magagawa upang mabayaran siya. Pinakain niya ang limang libo na nagpakita ng kanilang kawalan ng pasasalamat nang talikuran siya at pinagaling niya ang katulong ng punong-pari na dumating upang siya’y dakpin.  Naglingkod si Jesus sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng kanyang mga himala.

Bilang mga pastor at tagapanguna sa iglesya, madaling bigyang katwiran ang ating pasya na tulungan ang mga taong makakatulong sa atin. Kapag gumugugol tayo ng mas maraming panahon kasama ng mayayaman kaysa kasama ng mahihirap, maaari nating sabihin, “Ang negosyante ay makakasuporta sa ministeryo ng iglesya.” Kapag kinansela natin ang pagdalaw sa isang balo upang bisitahin ang isang maimpluwensiyang opisyal, maaari nating bigyang dahilan iyon, “May impluwensiya siya at makakatulong sa gawain ng Dios.” Hindi ito kailanman ginawa ni Jesus.  Kung nais nating magministeryo katulad ni Jesus, dapat nating sikapin “hindi para paglingkuran kundi ang maglingkod.”

Isinulat ni Pablo, “Dahil ang aming ipinapahayag ay hindi sa ganang aming sarili, kundi si Jesucristo bilang Panginoon, at kami bilang inyong mga lingkod alang-alang kay Jesus.”[12] Ang salitang ‘lingkod’ ay maaaring isalin sa “alipin”.  Maraming alipin sa Imperyong Romano ang mataas ang pinag-aralan, ang ilan ay mga doktor at guro.  Kahit kung ang alipin ay mas may pinag-aralan kaysa sa kanyang panginoon, alipin pa rin siya.  Hindi siya maaaring maging arogante at sabihing, “Hindi ako maglilingkod sa iyo! Mas mataas ako sa iyo.”

May mga pastor na ang pakiramdam, “Mataas ang aking pinag-aralan. Hindi ako lingkod ng magsasakang miyembro sa aking iglesya!” Hindi kailanman ito naging pakiramdam ni Pablo.  May pinakamahusay na edukasyon si Pablo, subali’t siya’y naging alipin/lingkod ng mga taga-Corinto, para sa “kaluwalhatian ni Cristo.” Maaari sana niyang sabihin na, “Tingnan ninyo ang aking pinag-aralan; ako ay sinanay sa literaturang Judio, pilosopiyang Griego, at teolohiyang Kristiyano. Makapagsasalita ako sa Sanhedrin, sa Greek Aeropagus, at sa Senado ng Roma.” Sa halip, sinabi niya, “Ako ang alipin ng taong may pinakamababang pinag-aralan sa Corinto—alang-alang sa aking panginoon, si Jesus.”

Kung nais nating magministeryo tulad ni Jesus, dapat tayong magkaroon ng kababaang-loob na mamuhay tulad ng isang alipin. Bilang mga alipin, ang ating paraan ng pamumuhay ay hindi ang marangyang pamumuhay ng isang gobernador. Kung nais nating magmahal tulad ni Jesus dapat tayong maging mapagpakumbabang mga alipin.

Ipinakita ni Jesus ang Pagmamahal sa Pamamagitan ng Kanyang Biyaya/Awa sa Kanyang mga Kaaway

► Basahin ang Mateo 5:43-48.

Itinuro ni Jesus sa kanyang mga tagasunod na “maging perpekto kayo kung paanong ang inyong Ama sa langit ay perpekto” ay nangangahulugan na magmahal tulad ng pagmamahal ng inyong Ama sa langit. Nangangahulugan ito na “mahalin ang inyong mga kaaway at ipanalangin sila na umuusig sa inyo.  Kapag ipinakita mo ang ganitong klase ng pag-ibig, malalaman ng mundo na kayo ay “mga anak ng inyong Ama na nasa langit.”

Mga 200 taon bago ipinangaral ni Jesus ang Sermon sa Bundok, sumulat ang isang eskribang Judio ng koleksiyon ng mga katuruan na tinatawag na Sirach. Pakinggan kung paano siya nagturo sa kanyang mga disipulo kung paano haharapin ang kanilang kaaway.[13]

  • Kapag gumagawa ka ng isang mabuting gawa, tiyakin na alam mo kung sino ang nakikinabang doon; nang sagayun hindi masasayang ang iyong mga ginagawa.
  • Gumawa ng mabuti sa mga mababang-loob, subali’t huwag magbigay ng anuman sa mga taong hindi deboto.
  • Huwag silang bigyan ng pagkain, kundi’y gagamitin nila ang iyong kabutihan laban sa iyo.  Ang bawat mabuting bagay na ginagawa mo para sa ganung klase ng tao ay magdadala sa iyo ng dalawang beses pang kaguluhan.
  • Ang Pinakamataas mismo ay namumuhi sa makasalanan; at kanya silang parurusahan.
  • Magbigay sa mabubuting tao, ngunit huwag tulungan ang mga nakasalanan.

Ang mga sinulat ni Ben Sira ay itinuring na Kasulatan ng mga Judio sa panahon ni Jesus. Nang sabihin ni Jesus na,“Narinig na ninyo na sinabi, mahalin mo ang iyong kapwa at kamuhian ang iyong kaaway,” ito ang kasulatang tinutukoy nila. Sinabi ng Sirach, “Gumawa ng mabuti sa mga matuwid lamang. Huwag sayangin ang inyong mabubuting gawa sa mga masasama.” Ngayon basahin uli ang Mateo 5:43-48. Nakikita ba ninyo kung bakit nakakagulat sa mga tagapakinig niya ang mga itinuturo ni Jesus?

Sa Lumang Tipan, itinuro ng Dios sa mga tagasunod niya na mahalin ang kanilang mga kaaway.  Hindi na ito bagong utos. Sa aking mga klase sa Lumang Tipan, kung minsan ibinibigay ko ang “test” na ito sa mga mag-aaral.

Ang iyong kapitbahay ay isang kaaway ng iglesya. Kapag dumadaan ka, minumura ka niya.  Sinisikap niyang linlangin ka at ninanakaw maging ang iyong alagang hayop. Isang araw habang bumabagyo, nakita mo na nakawala ang baka ng iyong kapitbahay, ito’y tumatakbo palayo.  Ano ang iyong tungkulin sa iyong kapitbahay?

(1) Kukuha ka ba ng pamalo at itataboy ang baka sa mas malayo?

Alam ng mga mag-aaral na hindi ito ang tamang sagot!

(2) Hindi mo ba iyon papansinin at sasabihing, “Hindi ko na iyon problema!”

Maraming mag-aaral ang pumipili sa sagot na ito. Sinasabi nila, “Baka iyon ng kapitbahay, hindi sa akin. Iisipin ko na lang ang sarili kong buhay. Bukod pa sa roon, ayaw sa akin ng aking kapitbahay; hindi niya ikatutuwa ang aking tulong.”

(3) Susundin mo ba ang Exodo 23:3? “kapag nasalubong mo ang baka o ang asno ng iyong kaaway ay napapalayo, dapat mo iyong ibalik sa kanya.”

Kahit sa Lumang Tipan, ang bayan ng Dios ay tinawag din upang mahalin ang kanilang kaaway.  Subali’t sa panahon ni Jesus, mas babanggitin ng mga tao ang Sirach kaysa sa Exodo 23. Nagustuhan nila ang katuruang nagpapahintulot sa kanila na mahalin ang kanilang kapitbahay at kamuhian ang kanilang kaaway! Sinabi ni Jesus, “Dapat ninyong mahalin ang inyong kaaway dahil ang inyong Ama sa langit ay nagmamahal kapwa sa masama at mabuti.”

Ano ang hitsura nito sa “tunay na buhay?”  Isipin ninyo ang tagpong ito sa inyong ministeryo:

May isang grupo ng mga tao na tila pareho ang mga paniniwala sa iyo ang paulit-ulit na sumasalungat sa iyo sa publiko. Nagtatanong sila na ang layunin ay bitagin ka; sinasabi nila sa mga miyembro mo na ikaw ay isang bulaang guro; umaasa sila na gagawa ka ng isang bagay na maglalagay sa iyo sa gulo sa iyong mga tagasunod. Paano mo sila pakikiharapan?

(1) Itaboy sila palayo at sabihan silang huwag nang babalik pa?

(2) Pakiharapan sila tulad ng pakikiharap nila sa iyo?

(3) Maging matapat tungkol sa kanilang mga pagkakamali, subali’t sagutin sila nang may pagmamahal?

Sinikap ng mga Pariseo ang lahat ng maaaring paraan upang salungatin si Jesus.  Siya ay naging matapat sa kanilang mga pagkakamali; sinikap niyang turuan sila ng katotohanan; subalit lagi niya silang pinakikiharapan nang may pag-ibig.

Kung nais nating magministeryo tulad ni Jesus, dapat nating mahalin ang ating mga kaaway.  Ito ay isa sa mga pinakademanding na katuruan.  Para sa isang nagkanulo sa atin, sa taong tumalikod sa ating mensahe, sa taong umuusig sa atin, dapat tayong magpakita ng agape love ni Jesus. Ito ang katumbas na halaga ng pagmamahal na tulad ni Jesus.


[1] Nakalarawan ito sa aklat ng Kawikaan. Inanyayahan ni Karunungan ang mga “kulang sa kaalaman” para kumain sa table niya (Kawikaan 9:1-6). Sa pamamagitan ng relasyon kay Karunungan, magiging matalino sila.

[2] “Ipinapakita ng mga talinhagang ito na  ang Ebanghelyo ay hindi para doon sa maayos ang lahat ng bagay. Ang Ebanghelyo ay para sa mga umaamin na hindi maayos ang lahat ng bagay para sa kanila.”
- Samuel Lamerson

[3] Mateo 5:20.

[4] Juan 8:11

[5] Lucas 19:7.

[6] Marcos 1:41.

[7] “Hindi mahalaga sa tao kung gaano karami ang alam mo, hanggang malaman nila kung gaano kalaki ang iyong pag-aalala sa kanila.”

[8] Filipos 2:7.

[9] Marcos 10:45.

[10] Marcos 8:11.

[11] Lucas 23:8.

[12] 2 Cor. 4:5.

[13] Sirach 12:1-7, Good News Translation.

Aplikasyon: Ang Karakter ni Jesus sa Buhay ng Isang Kristiyano

Madaling magsulat tungkol sa pagmamahal sa Dios at pagmamahal sa ating kapwa. Higit na mas mahirap na ipakita ang pag-ibig na iyon sa pang-araw-araw ng buhay. Tanging sa ating pagsisikap na gayahin ang karakter ni Jesus sa ating sariling buhay na tayo’y magiging handang ibahagi siya sa ating mundo.

Posible ba para sa atin na magkaroon ng karakter ni Jesus? Itinuturo ng Kasulatan na maaaring bigyang kakayahan ng Dios ang kanyang bayan upang mag-isip tulad ng kanyang pag-iisip. Nais niyang bigyan ang kanyang bayan ng isang bagong espiritu na nagbibigay sa atin ng pagnanais kung ano ang nais ng Dios at maluwag sa loob na mamuhay ayon sa pagtawag niya sa atin.[1]  Nais ng Dios na mahubog sa atin ang karakter ng kanyang Anak.

Pakinggan kung ano ang sinasabi ni Oswald Chambers tungkol sa katapatan sa paglilingkod araw-araw:

“Kung wala kang pangitain mula sa Dios, walang sigasig na natitira sa iyong buhay, at walang sinumang tumitingin at nagpapalakas ng iyong loob, kinakailangan ang biyaya ng Makapangyarihang Dios upang gawin ang susunod na hakbang sa iyong debosyon sa Kanya.… Kailangan ang higit pang maraming biyaya ng Dios at mas higit pang kamulatan ng paglapit sa Kanya, upang gawin ang susunod na hakbang na iyan, kaysa sa ipangaral ang Ebanghelyo.

“Ang bagay na tunay na nagpapatotoo para sa Dios at para sa bayan ng Dios sa pangmatagalang panahon ay ang nagpapatuloy na pagpupunyagi. Kahit kapag ang gawain ay hindi nakikita ng iba. At ang tanging paraan upang magkaroon ng matagumpay na buhay ay ang nagpapatuloy na pagtingin sa Dios. Hilingin  sa Dios na panatilihing bukas ang mga mata ng iyong espiritu kay Cristo na muling nabuhay…”[2]

Paano natin mapananatili ang katapatang ito sa ministeryo? Paano tayo magpapatuloy sa pag-ibig sa Dios at mahalin ang ating kapwa linggo linggo, taon taon? Dapat nating linangin ang karakter ni Jesus sa ating pang-araw-araw na buhay. Kinakailangang taglayin natin ang pag-iisip ni Cristo.

Isang Paglalarawan ng Kaisipan ni Cristo

Basahin ang Filipos 2:1-16.

Ang tagubilin ni Pablo sa iglesya sa Filipos ay isang makapangyarihang gabay sa tunay na kahulugan ng pagkakaroon ng karakter ni Jesucristo. Sa isang iglesya na nahahati dahil sa personal na di-pagkakasundo, isinulat ni Pablo, “Huwag  gumawa mula sa makasariling ambisyon o pagkamakasarili, kundi may kababaang-loob na isipin ang iba na mas mahalaga kaysa iyong sarili.  Ang bawat isa sa inyo ay huwag lamang tumingin sa sariling interest, kundi pati na rin sa interest ng iba.

Paano nila matutupad iyon? Tanging kung susundin nila ang tagubilin ni Pablo na “Taglayin ninyo ang pag-iisip na ito sa inyong lahat, na taglay ninyo dahil kay Cristo Jesus.”

Naglista si Pablo ng  apat na katangian na banyaga sa buhay Kristiyano.[3]  Ang mga katangiang ito ang sumisira sa patotoong Kristiyano at sumisira sa pagiging epektibo ng isang ministrong Kristiyano. Sinabi ni Pablo:

(1) Huwag kayong gumawa dahil sa makasariling ambisyon (Filipos 2:3).

Ang makasariling ambisyon ay  nagtatanong, “Anong mayroon dito para sa akin? Paano ako makikinabang mula dito?” Mai-imagine ba ninyo si Jesus na nagtatanong, “Paano ako makikinabang dito?” bago niya pagalingin ang ketongin o bago harapin ang krus? Siguradong hindi!

Sinasabi ni Pablo, “Kung taglay natin ang pag-iisip ni Cristo-kung nag-iisip tayo katulad ni Cristo—wala tayong gagawin dahil lang sa makasariling ambisyon.” Ang ating attitude ay magiging attitude ng isang lingkod.  Magtatanong  tayo, “Paano ako makapaglilingkod?” hindi “Paano ako mapaglilingkuran?”

(2) Huwag kayong gumawa ng anuman dahil sa maling pagpapahalaga sa sarili (Filipos 2:3).

Ang maling pagpapahalaga sa sarili ay nagtatanong, “Ano ang magiging hitsura ko? Mai-impress kaya ang  mga tao?”  Muli, mai-imagine ba ninyo si Jesus na nagtatanong, “Mai-impress ba ang mga tao?” bago bisitahin ang babaeng Samaritana sa balon? Siguradong hindi!

Sinasabi ni Pablo, “Kung taglay natin ang pag-iisip ni Cristo—kung tayo’y nag-iisip tulad ni Cristo-wala tayong gagawin dahil sa maling pagpapahalaga sa sarili." Hahanap tayo ng mga pagkakataon upang ipakita si Cristo, hindi pagkakataon para matanyag ang sarili.

(3) Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo (Filipos 2:14).

Ang nagrereklamo ay nagsasabing, “Higit pa sa rito ang dapat kong tanggapin!” Mai-imagine ba ninyo si Jesus na nagsasabi, “Hindi ko kailangang hugasan ang paa ng mga disipulo. Ako ang guro. Higit pa rito ang nararapat sa akin.” Siyempre, hindi!

Sinasabi ni Pablo, “Kung taglay natin ang pag-iisip ni Cristo—kung nag-iisip tayo tulad ni Cristo—magmiministeyo tayo nang walang pagrereklamo, kahit pa sa pinakamahirap na mga sitwasyon.” Mauunawaan natin na wala tayong “deserve”, hindi tayo karapat-dapat tumanggap ng anumang bagay. Kapag inalala natin na lahat ng bagay na taglay natin ay regalo mula sa biyaya ng Dios, mababago nito ang ating pananaw sa mga hamon ng ministeryo.”

Si Helen Roseveare ay isa sa pinakadakilang misyonero ng ikadalawampung siglo.  Siya ay isang doctor ng medisina na nagsanay sa Unibersidad ng Cambridge. Habang naglilingkod bilang isang misyonerong doctor sa Zaire, ninais niyang magtayo ng isang ospital.  Dahil walang mga materyales, ang unang hakbang ay gumawa ng mga bricks o hollowblocks. Katulong  siya ng mga manggagawang Africano sa paggawa ng mga bricks sa pugon.

Habang gumagawa siya ng mga bricks, ang kanyang malalambot na kamay ay nagsimulang magdugo. Nagsimula siyang magreklamo, “O Dios, pumunta ako sa Africa upang maging isang siruhano (doktor na nag-oopera) , hindi para gumawa ng mga bricks! Natitiyak ko na mayroon pang ibang taong dapat gumawa ng mababang trabahong ito.”

Makalipas ang ilang linggo, isa sa mga manggagawang Africano ang nagsabi sa kanya,”Doktor, kapag kayo ay nasa operating room, natatakot kami sa iyo bilang doctor. Subali’t nang ikaw ay nagtatrabaho sa mga bricks at ang iyong mga daliri ay nagdurugo tulad ng sa amin, ikaw ay aming kapatid at mahal ka namin.” Biglang naunawaan ni Dr. Roseveare na “Hindi ako sinugo ng Dios sa Africa upang maging siruhano lamang; sinugo Niya ako upang ipakita ang pag-ibig ni Cristo.” 

(4) Gawin ang lahat ng bagay nang walang pagtatalo (Filipos 2:14).

Ang pagtatalo ay nagsasabing, “Oo, Panginoon, subali’t…. Sang-ayon akong sumunod, subali’t…” Muli, mai-imagine ba ninyo si Jesus na nagsasabing, "Ama, narito ako upang maglingkod sa iyo; bakit labis mo itong  pinahihiran ?” Hindi natin maiisip si Jesus na nakikipagtalo sa Ama.

Sinasabi ni Pablo, “Kung taglay natin ang pag-iisip ni Cristo—kung nag-iisip tayo tulad ni Cristo—hindi tayo magtatalo at hahanap ng mas madaling landas.” Hindi natin ikokompromiso ang kalooban ng Dios  sa ating buhay sa paghingi ng mas madaling paraan. Ang ating magiging tugon sa Dios ay “Oo, Panginoon.” Tataglayin natin ang pag-iisip ni Cristo.

Dahil tinatawag ni Pablo ang mga taga-Filipos na taglayin ang pag-iisip ni Cristo, malinaw na naniniwala siya na ito ay posible. Alam niya na maaari silang magkaroon ng mababang-loob, masunuring espiritu na naging katangian ng buhay ni Jesus. Paano natin tataglayin ang pag-iisip na ito ni Cristo?

Ang ating Pag-iisip ay Nababago sa Pamamagitan ng Kasulatan

Sa simula ng  araling ito, nakita natin kung paano itinuro sa atin ng Kasulatan ang kalooban ng Dios. Alam ni Jesus ang  Salita ng Dios. Alam ng mga alagad ang Salita ng Dios. Ang bawat nananatiling pagbabalik-loob sa kasaysayan ng iglesya ay nagsimula sa pag-aaral ng Salita ng Dios.

Hinamon ni Pablo ang mga mananampalataya sa Filipos na “manatiling nakahawak sa Salita ng buhay.”[4] Magiging ilaw sila sa kanilang mundo dahil sa kanilang pagtitiwala at pagtatalaga ng buhay sa Ebanghelyo.

Sa pamamagitan ng malalim na pag-aaral sa Salita ng Dios, tayo ay magsisimulang mag-isip tulad ni Jesus, upang taglayin ang pag-iisip ni Cristo. Sa “malalim na pag-aaral”, hindi ko ibig sabihin na dapat kang marunong ng Griyego at Hebreo upang maunawaan ang Kasulatan; hindi ko ibig sabihin na dapat kang magkaroon ng malaking library ng mga komentaryo sa Biblia. Simple lang ang ibig kong sabihin, dapat kang mag-ukol ng oras sa Salita ng Dios. Dapat itong maging bahagi ng iyong pang-araw-araw na pagkain.

Bilang mga Kristiyano, ang Salita ng Dios ang dapat nating maging pang-araw-araw na pagkain.  Ito ay dapat maging isang kaligayahan, hindi isang tungkulin lamang.  Walang magsasabi sa isang kabataang nagugutom, “Kailangan mong kumain sa araw na ito! Kapag hindi ka kumain, hindi ka magiging malusog.” Ang tanging kailangan mong gawin ay maghanda ng pagkain, at tiyak na kakain ang kabataang ito! Ang Salita ng Dios ang dapat maging pagkain ng bawat nagugutom na Kristiyano.

Sa ating pagkain ng Salita ng Dios, ang ating kaisipan ay nagbabago sa kaisipan ni Cristo. Maraming Kristiyano ang muling ipinanganak na muli, subalit sila’y patuloy ng nag-iisip sa paraang tulad noong hindi pa sila mananampalataya.  Ang kanilang kaisipan ay hindi pa nagbabago sa kaisipan ni Cristo. Bakit?

Isang misyonerong siruhano si Dr. Paul Brand sa India.  Ginamot niya ang maraming pasyenteng may ketong. Nagsasagawa siya ng reconstructive surgery sa mga bahagi ng kanilang katawan na sinira ng ketong. Isinulat niya na kailangang magbago ng paraan ng pag-iisip ang kanyang mga pasyente pagkatapos ng reconstruction.

Halimbawa, ililipat niya ang isang malusog na tendon mula sa palasinsingan upang ipalit sa isang nasirang tendon sa hinlalaki. Subali’t kapag sinabi niya sa pasyente, “Ikilos mo ang iyong hinlalaki,” walang nangyayari. Pagkatapos, sasabihin niya, “Ikilos mo ang iyong palasinsingan” at agad-agad ikikilos nila ang kanilang hinlalaki! Kailangan nilang “i-repattern” ang kanilang utak.  Kailangan nilang matutuhan na pakilusin ang kanilang hinlalaki sa bagong paraan.[5]

Bilang mga bagong mananampalataya, kailangan nating “i-repattern” ang ating isipan upang mag-isip nang tulad ni Cristo. Bago ka naging Kristiyano, una mong iniisip ang iyong sariling pangangailangan.  Marahil nakakita ka ng isang taong mahirap, subali’t inisip mo, “Maaari rin akong mangailangan ng pera. Hindi ako maaaring magbigay sa taong iyon.” Bilang isang Kristiyano, nabasa mo sa Salita ng Dios, “Sinuman ang magbibigay sa mahihirap ay hindi magkukulang.”[6]  Narinig mo ang mga salita ni Jesus, “Magbigay ka, at ikaw ay bibigyan. Hustong takal, siksik, at umaapaw pa ang ibibigay sa inyo. Sapagkat ang takalang ginagamit ninyo sa iba ay siya ring takalang gagamitin sa inyo ng Dios.”[7] Nagsisimula kang mag-isip tungkol  sa pera tulad ng paraan ng pag-iisip ni Cristo sa pera.  Nakukuha mo ang pag-iisip ni Cristo sa pamamagitan ng Salita ng Dios.

Bago tayo naging Kristiyano, sinisikap nating saktan ang mga nakakasakit sa atin.  Kapag ang isang tao ay nagiging marahas sa atin, tayo’y gumaganti ng galit. Subali’t bilang mga Kristiyano, nabasa natin, “Magkaroon kayo ng mahabaging puso.”[8] Nabasa natin, “Huwag ninyong gantihan ng masama ang masama at huwag ninyong alipustain ang umaalipusta sa inyo, sa halip, ipanalangin ninyong pagpalain sila, yamang hinirang kayo upang tumanggap ng pagpapala ng Dios.”[9]  Tayo’y nagsisimulang tumugon sa iba tulad ng pagtugon ni Cristo sa mga nananakit sa kanya. Nakukuha natin ang pag-iisip ni Cristo sa pamamagitan ng mga Salita ng Dios.

Nababago ang Ating Isipan Sa Pamamagitan ng Araw-araw na Pagsuko

Sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos na taglayin nila ang isipan ni Cristo Jesus. Inilarawan niya ang isipang ito at sinabi sa kanila kung paano ito mangyayari sa kanilang mga buhay.  Dapat nilang patuloy na “pagsikapan” ang kanilang kaligtasan nang may matapat na pagsunod hindi upang kamtin ang kanilang kaligtasan—kundi dahil ang Dios ay gumagawa na “kapwa sa kalooban at upang magtrabaho para sa kanyang kasiyahan.”[10]  Sa kanilang mapagpakumbabang pagsuko sa Dios, ibibigay niya ang ninanais (“ayon sa kalooban”) at ang kapangyarihan (“upang kumilos”) sa pamumuhay ng ayon sa Dios.

Habang tayo’y namumuhay nang nakasukong buhay, ang Banal na Espiritu ang lumilinang sa atin ng parehong mga katangian na nakikita natin sa buhay at ministeryo ni  Jesus. Hindi natin matatagpuan ang  isipan ni Cristo sa pamamagitan ng ating sariling pagsisikap; makikita natin ang isipan ni Cristo sa pagsuko.

Ito ay dapat araw-araw na pagsuko. Tinawag tayo ni Pablo upang “ihandog ninyo ang inyong mga katawan bilang handog na buhay.”[11] Ang “handog na buhay” ay hindi patay; nagpapatuloy itong nabubuhay. Mayroong isang pagsuko kung saan isinusuko natin nang lubusan ang ating kalooban sa kalooban ng Dios, subali’t mayroon din namang maraming pagsuko kung saan nagpapatuloy tayo araw-araw na magpasakop sa kanyang kalooban.

Nagbigay si Nancy Leigh DeMoss ng larawan ng isang buhay na isinuko.[12] Sa iyong pagbasa sa  paglalarawang ito, itanong, “Ako ba’y nabubuhay sa araw-araw na pagsuko sa bahaging ito? Ipinapakita ko ba ang isipan ni Cristo sa bahaging ito?”

  • Kapag ang iyong laman ay nagnanais na magsalita ng masasakit na salita, sinasabi ng Espiritu, “Huwag kang magsalita nang masama laban sa sinuman.”[13] Ang pusong isinuko ay nagsasabi, “Oo”.
  • Kapag ang iyong laman ay nagnanais na magreklamo tungkol sa mga kahirapan, ang Espiritu ay nagsasabing, “Magpasalamat sa lahat ng pagkakataon.”[14] Ang pusong isinuko ay nagsasabing, “Oo.”
  • Kapag ang iyong laman ay nagnanais na labanan ang isang di-makatwiran amo, ang Espiritu ay nagsasabing, “Magpasakop alang-alang sa Panginoon”[15] Ang pusong isinuko ay nagsasabing, “Oo.”

Sa ating pagsuko, ang parehong espiritu na nanahan kay Cristo ay nananahan rin sa atin. Sa pamamagitan ng Espiritu—hindi sa pamamagitan ang ating mabubuting intensiyon—tayo ay binibigayang lakas upang tumugon tulad ni Cristo sa mga kabiguan ng araw-araw ng buhay, sa mga disappointments sa ministeryo, at sa mga pagtukso ni Satanas.[16]

► Ibahagi ang isang pagkakataon na ang pagnanais ng iyong laman ay sumasalungat sa kalooban ng Dios. Paano ka namumuhay nang may pagsuko sa araw-araw kung nahaharap sa pagsubok na ito? Mayroon bang kasalukuyang pagtukso na dapat mo uling isuko sa kalooban ng Dios? Bilang isang klase, ipanalangin ang isa’t-isa sa mga bahaging ito.


[1] Ezek. 36:26-27

[2] Oswald Chambers, My Utmost for His Highest, March 6.

[3] Ang bahaging ito ay hinalaw sa The Mind of Christ ni Dennis F. Kinlaw, (Anderson, Indiana: Warner Press, 1988), 101-107.

[4] Filipos 2:16.

[5] Paul Brand at Philip Yancey, In His Image (Grand Rapids: Zondervan, 1984), 146.

[6] Kawikaan 28:27.

[7] Luke 6:38.

[8] Col. 3:12.

[9] 1 Pet. 3:9.

[10] Phil. 2:12-13.

[11] Rom. 12:1.

[12] Adapted from Nancy Leigh DeMoss, Surrender (Chicago: Moody Press, 2008), 223-224.

[13] Titus 3:2.

[14] 1 Tes. 5:18.

[15] 1 Ped. 2:13.

[16] “Ang sikreto ng isang banal na buhay ay hindi sa paggaya kay Jesus, kundi sa pagpapahintulot na ipahayag ni Jesus ang kanyang sarili sa aking buhay…. Ang pagpapaging-banal ay hindi ang paghugot kay Jesus ng kapangyarihan upang maging banal; ito ang paghugot mula kay Jesus ng kabanalang ipinahahayag sa Kanya.”
-Oswald Chambers

Konklusyon: Kumikilos ang Dios sa Pagmamahal na Tulad ni Cristo

Sa aking pagsisimula ng  pagsulat ng leksiyong ito, nakaramdam ako ng pag-aatubili. Bagama’t alam ko sa aking isipan na tayo’y tinawag upang mahalin ang ating mga kaaway, alam ko rin na tayo’y nabubuhay sa isang magulong mundo. Maraming nakababasa sa mga araling ito ang nabubuhay sa mga kondisyon kung saan ang iglesya ay binabantaan ng pamahalaan, ng maling relihiyon, at social pressures. Sa aking pagsusulat tungkol sa pagmamahal sa ating kaaway, tinanong ko ang aking sarili, “Makatwiran bang isipin na tunay ngang maaari nating mabago ang ating mundo kung mamahalin natin ang ating kaaway? Paano natin maaaring mahalin ang ating kaaway kung siya mismo ang nagtatangkang pumatay sa atin?”

Habang nagtatrabaho sa araling ito, nabasa ko ang isang artikulo tungkol sa isang Kristiyanong Iraqi na nakatira sa Baghdad.[1] Habang kinakausap ng reporter ang lalaking ito, nasa malapit lamang, mga 40 minuto lamang ang layo ng mga ISIS na sundalo.  Nagtanong ang reporter, “Nagtitipon pa rin ba ang inyong iglesya upang sumamba?” Sumagot ang Kristiyano: “Oo! Ang totoo, kasisimula lamang namin ng dalawang bagong grupo ng mga nananalangin sa aming iglesya—isa para ipanalangin ang ating mga inuusig na kapatid sa norte, at isa pang grupo upang ipanalangin ang aming mga kaaway.”

Ipinapanalangin ng mga miyembro ng St. George’s Church sa Baghdad ang kanilang mga kaaway. Nagbibigay sila ng food parcels sa mga balong Muslim. Minamahal nila ang kanilang mga kaaway dahil naniniwala silang tinawag sila upang sundan ang halimbawa ni  Jesus.

Nagpapaalala ang artikulong ito sa katotohanan na nakita sa kabuuan ng kasaysayan ng iglesya.  Ang paraan ng pagkilos ng Dios ay laging salungat sa paraan ng tao.  Kumilos ang tao sa pamamagitan ng mga Krusada; kumilos ang Dios sa pamamagitan ng isang Raymond Lull na namatay sa edad na walumpu’t dalawa sa panahon ng kanyang huling paglalakbay na pagmimisyon sa Islamic world.  Ang mga tao ay  kumikilos gamit ang pwersang militar; kumilos ang Dios sa isang Hudson Taylor na nagbigay ng kanyang buhay upang ipangaral ang ebanghelyo sa  kaloob-looban ng Tsina. Ang tao ay kumilos sa pamamagitan ng Inquisition; ang Dios ay kumilos sa pamamagitan ng isang Martin Luther na payag humarap sa kamatayan sa halip na itakwil ang katotohanan ng Dios.

Ang paraan ng Dios ay hindi kailanman paraan ng tao. Subali’t sa wakas, matagumpay ang paraan ng Dios. Ang ating mundo ay nababago para sa walanghanggan kapag ang mga Kristiyano ay nagmamahal nang katulad ni Jesus. Mabagal ang pagbabago at madalas ay masakit, subali’t ito ang paraan ng Dios sa pagtupad ng kanyang gawain sa ating wasak na mundo.

Ang pagmiministeryo nang tulad ni Jesus ay nangangailangan na umibig tayo nang tulad ni Jesus. May isang matandang ebanghelista ang tinanong kung ano ang sikreto ng kanyang ministeryo. Sinabi niya,  “Ang tanging paraan upang malaman ng mga tao kung gaano sila kamahal ng Dios ay ang makita nila kung gaano mo sila kamahal.” Nauunawaan ng ebanghelistang ito  na habang nagliliwanag ang pag-ibig ni Cristo sa pamamagitan natin, inilalapit natin ang mundo sa Dios.  Ito ang tunay na kahulugan ng pagmamahal nang tulad ni Jesus.


[1] Mindy Belz, “How Does the Church Move the World?” World Magazine, May 27, 2017.

Mga Takdang-Aralin ng Aralin

Sa araling ito, nakita natin kung paano nagmahal si Jesus.  Hinihingi ng takdang aralin na ito na humanap ka ng mga paraan kung paano ka makakasunod sa halimbawa ni Jesus sa pagmamahal sa iyong kapwa.  Hindi matagal gawin ang takdang-aralin; maaaring mas matagal kung ito’y isasabuhay. Huwag mong pabayaang hindi ito isabuhay. Tayo ay tinawag upang magmahal kung paano nagmahal si Jesus.

Sa Column 1, magbigay ng specific na halimbawa ng pagmamahal ni Hesus sa tao galling sa mga Ebangelhelyo.

Sa Column 2, magbigay ng specific na pagsasabuhay sa iyong buhay.  Paano ka susunod sa halimbawa ni Jesus? Ang takdang araling ito ay para sa iyo; hangga’t maaari, maging specific ang iyong sagot.  

Halimbawa ni Jesus

Ang Aking Pagsasabuhay

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Mag-click dito para sa Word document na naglalaman ng talahanayang ito.

Mag-click dito para sa PDF document na naglalaman ng talahanayang ito.

Next Lesson