Upang Sanayin ang mga Pastor
Ang pastor ay dapat na maging sanay sa doktrina, sa pagpapaliwanag ng Biblia, pangangaral, at mga paraan sa pagdidisipulo. Maraming mga simbahan sa iba’t ibang panig ng mundo na pinamumunuan ng mga pastor na salat sa kagamitan at walang maayos na pagsasanay. Maraming pastor na hindi sanay at alangan na sanayin ang iba.
Maraming pastor sa iba’t ibang panig ng mundo na bagamat may potensyal ay hindi nakapag-aral sa Bible college. Ito’y dahil sa hindi praktikal para sa kanila na iwan ang kanilang pamilya, trabaho, at ministeryo para lamang pumasok sa isang pagsasanay na gugugol ng maraming taon. Ngunit kailangan pa rin nila ng lokal na pagsasanay.
Upang Sanayin ang mga Magbabahagi
Bawat taong nakaranas ng biyaya ng pagliligtas ng Diyos ay maaring magbahagi ng ebanghelyo. Maaari nilang ibahagi ang ginawa ng Diyos sa kanilang buhay. Ang kanilang patotoo ay maaring makahikayat ng mga tao, lalo’t sa kanilang nakasaksi sa kanilang pagbabago.
Gayunpaman, may mga pagkakataon na ang isang tao ay nahihirapang ipaliwanag ang mga mahahalagang turo ng ebanghelyo. At kung may mga nakikinig na nasa ibang kalagayan ng karanasan, maaring di nila maintindihan ang naranasang pagbabago ng nagbabahagi.
Kahit ang isang matagal ng mananampalataya ay maaari pa ring makaramdam ng pagka-alangan na magbahagi sa kanyang komunidad sapagkat wala siyang kakayahan na sagutin ang mga tanong sa Kristyanismo. Syempre, alam niya ang sariling karanasan sa kaligtasan, ang damdamin sa pagsamba, at ang kasiyahan sa piling ng Kapatiran kay Cristo, gayunma’y wala siyang kakayahan na magbahagi at magpaliwanag.
Kung minsan, ang relihiyon ng mga tao sa isang komunidad ay salungat sa Kristyanismo. Maaari nilang matutunang igalang ang mga Kristyanong may maayos na pamumuhay, subalit kailangan pa rin nilang marinig ang kapaliwanagan tungkol sa Pananampalatayang Kristyano.
Ang isang tao ay magiging mabisang tagapagbahagi kung matututunan niya ang mga prinsipyo ng ebanghelyo at ang mga pangunahing doktrina na nagtataguyod sa ebanghelyo.
Upang Ingatan ang Iglesia
Pananagutan ng mga pastor na ingatan ang kanilang mga simbahan gamit ang matuwid na katuruan (Tito 1:9-14). Ang mga huwad na simbahan at bulaang relihiyon ay gumagamit ng mga mapanlitong ideya upang linlangin ang mga tao. Kaylungkot na may mga taong minsa’y dumadalo sa maayos na simbahan, ngunit sa bandang huli’y naakay pa rin tungo sa bulaang relihiyon.
Ang pastor ay dapat na magturo ng biblikal na doktrina upang maging matatag ang mga tao sa pananampalataya. Ang pagtuturo ay dapat na may layunin, sistematiko, at nagsasa alang-alang ng iba’t ibang antas ng mga tao sa simbahan upang ito’y kanilang maintindihan.
Upang Palaguin ang mga Katuwang sa Ministeryo
Sa larangan ng sports, may mga manlalarong nag-aabang lamang sa kanilang mga upuan. May iba sa kanila na bata pa at wala pang sapat na karanasan, ngunit sila ay nasa pagsasanay. May iba sa kanila na may natatagong kakayahan na mapapakinabangan sa oras ng pangangailangan.
Gayundin naman, ang isang malusog at lumalagong simbahan ay may mga manlalarong “nakaabang” lang. Maling isipin na dahil walang bakante sa pamunuan ay kumpleto na rin ang inyong mga manggagawa. Ang isang ministeryo ay kakapusin at titigil na lumago, malibang may mga bagong pinuno na handang magpasimula ng bagong ministeryo.
Ang isang malusog na simbahan kung gayon ay dapat na may mga “nakaabang” na taong nasa ilalim ng pagsasanay. Ito’y nangangahulugan na dapat ay may lokal na pagsasanay. Kaya nga, ang pagsasanay sa ministeryo ay hindi lamang para sa mga taong may posisyon na sa ministeryo.
Tungkulin ng pastor na bumuo ng isang lokal na pagsasanay. Hindi ito magagawang mag-isa ng pastor, subalit dapat niya itong pasimulan at hikayatin ang iba sa pagsasagawa nito. Kailangan niya ng koponan na may gagampanang iba’t ibang tungkulin.

Pinagkalooban niya ang iba na maging mga apostol, ang iba'y propeta, ang iba'y ebanghelista, at ang iba'y pastor at mga guro; upang ihanda ang mga banal sa gawain ng paglilingkod, sa ikatitibay ng katawan ni Cristo, hanggang makarating tayong lahat sa pagkakaisa ng pananampalataya, at sa ganap na pagkakilala sa Anak ng Diyos, hanggang maging taong may sapat na gulang, hanggang sa sukat ng ganap na kapuspusan ni Cristo. Tayo'y huwag nang maging mga bata, na tinatangay-tangay ng mga alon at dinadala-dala ng bawat hangin ng aral, sa pamamagitan ng pandaraya ng mga tao, sa pamamagitan ng kanilang mga katusuhan sa paraang mapandaya. Kundi humahawak sa katotohanan na may pag-ibig, lumago tayong lahat sa kanya, na siyang ulo, samakatuwid ay si Cristo. (Efeso 4:11-15)
Ang Diyos ay nagbigay sa lokal na simbahan ng mga tauhang may iba’t ibang kaloob at kakayahan upang isakatuparan ang misyon ng Iglesia. Pananagutan ng simbahan na hubugin na may malinaw na layunin ang kanyang mga tauhan.
Upang Palakasin ang mga Katutubong Simbahan
Ang isang katutubong simbahan ay dapat na lokal na pinamumunuan, sinusupurtahan, at pagmamay-ari. Hindi ito dapat umasa sa suporta at direktiba ng mga taong di niya nasasakupan. Mahalaga ang lokal na lakas sa kalusugan at paglago ng simbahan.
Ang katutubong simbahan ay tutubong mabuti sa kanyang kultura. Hindi siya dapat angkinin ng banyagang pamamaraan.
Ang isang malusog na katutubong simbahan ay maraming kapakinabangan:
	- 
	
Mahusay siya sa pag-i-ebanghelyo at pagdi-disipulo sa kanyang sariling kultura.
	 
	- 
	
Lumalago at kumikilos ng maayos ang kongregasyon bilang Katawan ni Cristo kung hindi sila umaasa sa pamumuno ng isang tagalabas.
	 
	- 
	
Lubos na nahuhubog ang potensyal ng mga sinasanay sa pamumuno.
	 
	- 
	
Ang kanyang mga kasapi at kabahagi ay magbibigay ng tulong at pananagutan ukol sa ministeryo.
	 
May ibang mga katutubong simbahan na hindi malusog at malago sapagkat kapos sila sa matatag na doktrina at biblikal na batayan hinggil sa Pamumuhay Kristyano. Bunga nito, bigo silang impluwensyahan ang kanilang komunidad na may malakas at matapat na patotoo. Madali silang matangay ng mga pinunong may husay subalit walang matapat na katangian. Kulang sila sa programang huhubog ng kanilang pamumuno. Kailangan nila ng programang sasanayin sila sa lokal na ministeryo.
May pagkakataon na ang isang simbahan ay itinatatag ng mga banyagang misyonero ngunit layunin na sa pagtagal ng panahon ay maging katutubo ito. Madalas na sukatan ng pagsulong nito ay ang paglago ng lokal na suporta at pagdami ng mga manggagawa sa simbahan.
Kailangan ang lokal na pagsasanay upang hubugin ang mga lokal na pinuno sa pagtuturo ng doktrina, pagsasabuhay ng pananampalataya, at pagbuo ng mga estilo at estratehiya sa ministeryo.
Upang Magpasimula ng mga Bagong Simbahan
May mga simbahang matagal ng nabubuhay subalit hindi man lang makapaghatid ng ebanghelyo sa ibang komunidad. Ang mga simbahan ay dapat na nagsasanay at nagsusugo ng mga koponang magbabahagi ng ebanghelyo sa mga lugar na kulang pa ng mga simbahan. Layunin ng gayong mga koponan na makabuo ng mga bagong akay na magiging isang simbahan.
Dapat na magsanay ng mga magiging ebanghelista upang tulungan ang grupo ng mga bagong akay na maging mga bagong simbahan. Dapat nilang idisipulo ang mga bagong mananampalataya sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanila ng Pamumuhay Kristyano. Dapat magawa nilang sanayin ang mga bagong akay na magbahagi ng ebanghelyo at tumanggap ng tungkulin sa ministeryo.
Marami sa mga bagong simbahan na iyon ay dapat na pamunuan ng isang lokal na pinuno, hindi ng isang pastor na nagmula pa sa ibang lugar o bansa upang doo’y tumira. Marami sa mga pastor na may akademikong kasanayan ay walang gana na magpastor sa bagong simbahan na nasa probinsya. Kaya’t marapat na magbigay tayo ng pagsasanay sa isang lokal na pinuno na tinawag ng Diyos upang pamunuan ang simbahan.
Upang Maghanda ng mga Misyonero
Ang isang misyonero ay siya na sinugo ng Iglesia upang humayo sa isang lugar sa layuning palawakin ang impluwensya ng ebanghelyo. Ang salitang misyonero ay madalas gamitin sa taong sinusugo tungo sa ibang bansa o sa ibang kultura. Subalit maari rin itong tumukoy sa isang taong humayo tungo sa isang komunidad na nasa loob pa rin ng kanyang sariling bansa.
Ang ebanghelyo ay mabilis na lumalaganap sa ibang panig ng mundo, gawa ng mga misyonerong humahayo sa ibang rehiyon ng kanilang bansa. Ang pagsasanay ay magpapalakas ng kanilang husay at magbibigay ng matuwid na doktrina.
Ang tinaguriang 10/40 Window ay isang lugar mula sa 10 degrees sa Timog tungo sa 40 degrees sa Hilaga ng Ecaudor. Nasasaklaw nito ang hilagang Africa at timog Asya at kabilang rin ang Tsina at India. Nasa 10/40 Window ang 2/3 populasyon sa mundo. Mahigit 80% ng mga tao sa 10/40 Window ay hindi pa naabot ng ebanghelyo.
May mga bansa sa daigdig na maituturing pa ring hindi nasasakop ng ebanghelyo bagamat ang kanilang mga malalaking lungsod ay may mga matagal ng simbahan. Maaring ang isang tao ay matagal ng naglilingkod sa isang simbahan, subalit wala paring alam kung paano magsimula ng isang ministeryo sa isang bagong lugar. Ang Iglesia ay dapat na magsanay ng mga misyonerong hahayo na taglay ang mensahe ng ebanghelyo at may layuning bumuo ng mga bagong lokal na Kapatiran.