Ang mga prinsipyo sa araling ito ay pundasyon ng tamang pag-aaral ng kasulatan. Ito ay mga prinsipyo na binuo ng mga matatalinong guro ng Biblia upang maging gabay sa kanilang pag-aaral. Ang mga prinsipyong ito ay dapat na maging batayan ng paraan mo ng pag-aaral ng Biblia. Maglaan ng panahon upang maunawaan ang mga prinsipyong ito at pagkatapos ay gamitin ang mga ito sa iyong pag-aaral.
Isaalang-alang ang Layunin ng May-akda
May nilalayon na iparating ang may-akda sa kanyang mga mambabasa. Ang layunin na ito ay ang tunay na kahulugan ng pagsulat. Ang pagpapakahulugan ay ang pagsisikap na maunawaan ang mensahe ng may-akda. Hindi natin dapat gamitin ang kasulatan bilang materyal para sa isang mensahe na iba sa kahulugang nilayon ng manunulat.
May mga pagkakataon na ang isang pahayag sa kasulatan ay may mas malalim na kahulugan kaysa sa nais iparating ng sumulat. Nang sinabi ni Abraham kay Isaac na “ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin…” (Genesis 22:8), maaaring hindi pa niya lubusang nauunawaan na tutuparin ito ng Diyos ang kanyang mga salita sa mas malawak na paraan sa pagdating ni Jesus. Nang isinusulat ni Moises ang sinabi ni Abraham, marahil ay hindi pa rin lubos na nauunawaan ni Moises ang buong kahulugan ng pahayag na iyon. Gayunpaman, ang pagsasabuhay ng pahayag na iyon sa pagdating ni Jesus ay hindi kaiba mula sa layunin ni Moises; ito ay mas malawak, mas kumpletong kahulugan ng prinsipyo na ang Diyos ang nagbibigay ng anumang kinakailangan para sa ating kaligtasan.
Layunin din ng bawat manunulat sa Biblia na ang unang mga mambabasa ay maisabuhay ang mensahe sa praktikal na paraan. Maaaring iba ang paraan ng ating pagsasabuhay sa ngayon kumpara sa kanila noon, ngunit pareho pa rin ang prinsipyong sinusunod. Dahil isinasabuhay natin ang prinsipyong mula sa Biblia sa ibang sitwasyon, maaaring iba rin ang gawin natin. Halimbawa, inutusan ang mga taga-Israel na maglagay ng harang sa paligid ng bubong ng kanilang bahay (Deuteronomio 22:8). Noon, patag ang bubong ng bahay at ginagamit ito bilang bahagi ng lugar na tinitirhan. Kung ikaw ay hindi naman nakatira sa bahay na may patag na bubong na ginagamit ng mga tao, hindi mo na kailangang maglagay ng harang para gawing ligtas ito. Gayunpaman, dapat pa rin nating isabuhay ang prinsipyo na gawing ligtas ang ating mga ari-arian natin para sa ibang tao.
Ang tagapagpakahulugan ay hindi dapat bumuo ng mga imahinasyon sa pagpapakahulugan ng mga detalye ng sipi. Narito ang isang halimbawa ng isang imahinasyon na pagpapakahulugan ng kuwento ni Jesus tungkol sa Samaritano na tumulong sa lalaking nasugatan (Lucas 10:30-35):
Ang Samaritano ay ebanghelista, ang sugatang lalaki ay makasalanan na naligtas, ang hotel ay iglesia, at ang dalawang barya ay bautismo at komunyon.
Hindi pinapansin ng ganitong pagpapakahulugan ang tunay na punto na gustong ipahayag ni Jesus tungkol sa pagmamahal sa ating kapwa (Lucas 10:27-29, 36-37): Na dapat tayong magpakita ng pagmamahal sa sinuman na may pangangailangan.
May tatlong problema sa pagpapakahulugan na hango sa imahinasyon:
1. Ang mga ito ay galing sa mga opinyon ng tagapagpakahulugan.
2. Hindi ito nagabayan ng mabuting prinsipyo sa pagpapakahulugan.
3. Hindi ito masusuri sa pamamagitan ng anumang karaniwan, mga makatwirang pamamaraan.
Magsimula sa Teksto, Hindi sa Iyong Pangwakas
Tumingin si Miguel sa mapa upang malaman ang daan sa kanyang patutunguhan, ngunit sabi ni Miguel, “Mali ang mapa.” Nagtanong ang pasahero ni Miguel, “Paano mong nalaman na mali ang mapa?” Tumugon si Miguel ng may kumpiyansa, “Alam ko ang tamang daan. Mali ang mapa.” Makalipas ang ilang oras, sila’y ligaw na ligaw, umamin si Miguel na mali siya at sinubukang intindihin at sundin ang mapa. Ano ang pagkakamali niya? Nagsimula siya sa pangwakas. Sigurado siya na tama ang sagot niya, kaya’t hindi siya nakinig sa mapa na iba ang sinasabi.
Ganyan din ang iba kung magbasa ng Biblia. May isang mangangaral na nagbasa ng isang talata ng kasulatan na hindi niya gusto. Sabi niya, “Hindi ko alam ang ibig sabihin nito, ngunit hindi ito ang ibig sabihin niyan.” Nagsimula siya sa sarili niyang pangwakas (“Hindi ako sang-ayon sa turo na ito”) bago siya nagbasa ng kasulatan. Hindi niya maisingit ang kasulatan sa gusto niyang paniwalaan, kaya siya ay nagpasya na huwag pansinin ang kasulatan (Hindi iyon and ibig sabihin nito”).
Sa pagpapakahulugan ng kasulatan, dapat tayong magsimula sa mismong kasulatan at saka natin hanapin ang pangwakas. Lahat tayo ay may kanya-kanyang pananaw. Ayos lang iyon. Ang problema ay kung dahil sa pananaw natin ay binabalewala na natin ang malinaw na turo ng kasulatan. Siguraduhin natin na tayo ay nagsisimula sa teksto, hindi sa ating pangwakas. Huwag natin hayaan na balewalain ng ating palagay ang teksto.
Isang Halimbawa
“Kaya't kayo nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal” (Mateo 5:48).
Sabi ng iba, “Wala namang taong perpekto!” Kaya binalewala nila ang utos ni Jesus. Nagsimula sila sa sarili nilang pangwakas (“Wala namang perpekto”) at hindi na sinubukang unawain kung ano ang ibig sabihin ni Jesus.
Kung pag-aaralan natin ang Mateo 5:48, dapat nating itanong, “Ano ang ibig sabihin ni Jesus sa salitang ‘perpekto’? Sa anong paraan tayo dapat maging katulad ng ating makalangit na Ama?” Makikita natin ang sagot sa mga talata bago ang Mateo 5:48. Dapat nating mahalin ang ating mga kaaway at gumawa ng mabuti sa kanila gaya ng ating Ama sa langit na “pinasisikat niya ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti” (Mateo 5:45).
Ang Mga Aral ng Kasulatan ay Hindi Sumasalungat sa Mga Aral ng Kasulatan
Kapag nagbabasa tayo ng aklat na isinulat ng tao, maaaring magkasalungat ito sa ilang bahagi. Dalawang taong may-akda ay maaaring magkaroon ng pagkakasalungat sa ilang mga isyu. Gayunpaman, ang Biblia ay Salita ng Diyos; hindi nito sinasalungat ang sarili nito.
Ang Diyos ay hindi nagbabago (Santiago 1:17). Dahil dito, ang Salita niya ay pare-pareho kahit pa naisulat ito makalipas ang daan-daang taon sa pamamagitan ng iba’t ibang may-akda. Hindi sinasalungat ng Salita ng Diyos ang sarili nito.
Ang prinsipyong ito ay isang kinakailangang resulta ng doktrina ng inspirasyon: “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos…” (2 Timoteo 3:16-17). Kung ang tunay na pinagmulan ng kasulatan ay ang Diyos, hindi maaaring magsalungatan ang Biblia. Mahalaga ito para sa tamang pagpapakahulugan ng Biblia. Kapag may dalawang sipi na tila nagsasalungatan, dapat nating itanong kung mali ba ang pagkaunawa natin sa isa sa mga kasulatan. Kapag lubos nating naunawaan ang bawat sipi, makikita natin na parehong totoo ang mga ito.
Isang Halimbawa
“Sapagkat pinaninindigan natin na ang tao ay itinuturing na ganap sa pananampalataya na hiwalay sa mga gawa ng kautusan” (Roma 3:28).
“…at nalalaman natin na ang tao ay hindi inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, kundi sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Cristo” (Galacia 2:16).
“Nakikita ninyo na ang tao'y inaaring-ganap sa pamamagitan ng mga gawa at hindi sa pamamagitan ng pananampalataya lamang” (Santiago 2:24).
May ilang mambabasa na naniniwala na hindi nagkasundo sina Pablo at Santiago tungkol sa tungkulin ng pananampalataya at gawa. Itinuro ni Pablo na ang tao ay itinuturing na matuwid kahit wala ang mga gawa ng kautusan. Isinulat ni Santiago na ang tao ay itinuturing na matuwid sa pamamagitan ng mga gawa, at hindi sa pananampalataya lamang.
Kung hindi titingnan ang konteksto ng mga talatang ito maaaring isipin ng isang tao na sumasalungat si Santiago kay Pablo. Gayunpaman, ang konteksto ng bawat sipi ay nagpapakita ng kung ano talaga ang sinasabi nina Pablo at Santiago. Si Pablo ay tumutukoy sa kung paano naligtas at ginagawang matuwid ang isang tao. Ang isang tao ay nagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya. Si Santiago naman ay tumutukoy sa kung paano ipinapakita ng isang tao na siya ay naligtas. Ipinapakita ng isang tao ang kanyang pagiging matuwid sa pamamagitan ng gawa. Pareho silang sumasang-ayon na ang tao ay nagiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at pagkatapos nito ay ipinapakita niya ang kanyang pagiging matuwid sa pamamagitan ng gawa.
Ang Kasulatan ang Pinakamagaling Tagapagpakahulugan ng Kasulatan
Ang prinsipyong ito ay malapit na kaugnay ng naunang prinsipyo. Dahil ang kasulatan ay hindi sumasalungat sa sarili nito, maaari nating gamitin ang mga sipi na may malinaw na kahulugan upang tulungan tayo na maunawaan ang mga sipi na hindi agad malinaw ang kahulugan. Ginagamit natin ang mga talatang malinaw upang maipaliwanag ang mga talatang mahirap unawain; hindi natin binabaluktot ang mga simpleng talata para lang makaayon sa sarili nating pagpapakahulugan ng mga mahihirap na talata.
Ganito ang pagpapakahulugan ng isang aklat: "Kadalasan kung ano ang malabo sa isang bahagi ng Biblia ay napapaliwanag sa ibang bahagi."[1] Sa pamamagitan ng pag-aaral ng buong kasulatan, hinahayaan natin na ang mga payak na sipi ang magbigay-liwanag sa mga sipi na mahirap intindihin.
Isang Halimbawa
“Kung hindi gayon, anong gagawin ng mga tumatanggap ng bautismo para sa mga patay? Kung ang mga patay ay hindi na muling bubuhayin, bakit pa sila binabautismuhan para sa kanila?” (1 Corinto 15:29).
Dahil sa talatang ito, may ilang tao na naniwalang maaaring magpabautismo ang buhay na tao para sa mga taong namatay na hindi nabautismuhan. Gayunpaman, hindi sinasabi sa Biblia na gawin ito. Binanggit lang ni Pablo ang isang kaugalian ng mga tao noon, ngunit hindi natin alam kung ano talaga ang ibig sabihin ng kaugalian na iyon.
Ang kasulatan ang pinakamagaling tagapagpakahulugan ng kasulatan. Ang prinsipyong ito ang gumagabay sa atin sa pagpapakahulugan ng 1 Corinto 15:29. Kapag binasa natin ang Mateo 28:19, Mga Gawa 2:41, Mga Gawa 8:12, at Mga Gawa 19:5, makikita natin na ang bautismo ay para sa mga buhay na mananampalataya. Dahil ang 1 Corinto 15:29 ay hindi malinaw na nag-uutos ng bautismo para sa mga patay at dahil ipinapakita ng ibang mga talata ang karaniwang gawain ng unang iglesya, walang dahilan para paniwalaan na ang 1 Corinto 15 ay nagtuturo ng bautismo para sa mga patay.
[1]Walter Kaiser and Moises Silva, An Introduction to Biblical Hermeneutics (Grand Rapids: Zondervan, 1994), 132.
Ang Kasulatan ay Isinulat Upang Maunawaan
Ang kahulugan ng Salita ng Diyos ay mahahanap mismo sa kasulatan, gamit ang karaniwang paraan ng pagpapakahulugan. Ang Salita ng Diyos ay hindi isinulat gamit ang mga lihim na code.
Simula pa noong umpisa ng iglesia, ang lahat ng katotohanan ng ebanghelyo ay hayagang ipinahayag para sa lahat, hindi lang para sa piling miyembro ng iglesia. Sinabi ni Jesus na wala siyang lihim na turo para sa kanyang mga tagasunod (Juan 18:20). Sinabihan ni Apostol Pablo si Timoteo na ituro sa iba ang mga katotohanang itinuro niya nang hayagan[1] (2 Timoteo 2:2). Ipinaliwanag din ni Pablo na kung hindi makita ng tao ang katotohanan, ito ay hindi dahil sa sinadyang itinatago ito, kundi dahil sila ay binubulag ni Satanas (2 Corinto 4:1-6). Ang misyon ng iglesia ay ang palagiang ibahagi nang bukas ang katotohanan ng Diyos.
Totoo na maraming bahagi ng kasulatan ang kailangang pag-aralang mabuti para maunawaang mabuti ang kahulugan nito, ngunit ang katotohanan nito ay hindi itinago sa atin. Ang mga pangunahing katotohanan ng kasulatan ay hindi nakabaon sa malalabong talata. Sinabi ng salmista, “Ilawan sa aking mga paa ang salita mo, at liwanag sa landas ko” (Awit 119:105). Ang layunin ng Salita ng Diyos ay ang magabayan tayo, hindi upang itago ang katotohanan.
Hindi kailangan ng espesyal na susi para buksan ang mensahe ng Salita ng Diyos. Huwag maniwala sa mga aklat na nagsasabing alam nila ang mga lihim na code ng Biblia. Nagsalita ang Diyos para maunawaan natin ang Kanyang Salita.
Isang Halimbawa
Bawat ilang taon, may nagsasabing, "Ipinahayag sa akin ng Diyos na si Jesus ay babalik na sa susunod na taon." Isang sikat na aklat noong 1987 ang nanghula na babalik si Jesus sa 1988. Sinabi ng may-akda na natuklasan niya ang katottohanan na ito mula sa isang pag-aaral ng mga sinaunang pista ng mga Judio. Ang may-akda ay muling sumulat ng isang aklat na nagsasabing sa sususnod na taon magaganap ang rapture sa 1989. Hindi natin dapat paniwalaan ang sinumang nagtuturo ng mahahalagang aral base sa mga lihim o tagong paraan ng pagpapakahulugan ng Biblia. Sinabi ni Jesus, “Subalit tungkol sa araw at oras na iyon ay walang nakakaalam, kahit ang mga anghel sa langit, ni ang Anak kundi ang Ama lamang” (Mateo 24:36).
[1]“Ang hindi pangkaraniwang pagpapakahulgan ay kadalasang mali.”
- Gordon Fee, How to Read the Bible
Ang Utos ng Biblia ay may Kasamang Pangako na Galing din sa Biblia
Ang prinsipyong ito ay nagtuturo na kapag ang Diyos ay nagbigay ng isang utos, gagawin niyang posible ang pagsunod dito.
Isipin mo ang isang ama na nagsabi, “Anak, para mapasaya mo ako, kailangan mong tumakbo ng isang milya sa loob ng dalawang minuto.” Sa simula, susubukan ng anak ang kanyang makakaya, pero palagi siyang mabibigo na maabot ang inaasahan ng ama. Sa huli, mawawalan siya ng pag-asa at titigil na sa pagsubok. Mabuting ama ba ito?
May ilang tao na iniisip na ang Diyos ay isang hindi makatuwiran na Ama. Kapag sinabi ng Diyos, “Kayo'y maging banal,”[1] sinasabi nila, “Alam ng Diyos na hindi natin kayang sundin ang kanyang mga utos.”
Sinabi ni John Calvin na hindi natin maaaring “...sukatin ang kakayahan ng tao batay sa mga [utos] ng Diyos.”[2] Naniniwala si Calvin na nagbibigay ang Diyos ng mga utos na hindi natin kayang sundin gamit lang ang sariling lakas, ngunit nagbibigay ang Diyos ng kapangyarihan upang makasunod ang mga taong ligtas. Itinuro ni John Wesley na sa bawat utos sa Salita ng Diyos ay may isa rin na pangako na tutuparin ng kapangyarihan ng Diyos sa isang mananampalataya.
Hindi kayang sundin ng isang tao ang mga utos ng Diyos gamit lamang ang likas, sariling lakas nito. Ngunit kaya nating sundin ang mga utos ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang lakas. Ang isang mapagmahal na makalangit na Ama ay nagbibigay ng kapangyarihan sa kanyang mga anak upang makasunod sa kanyang mga utos. Ang isang mapagmahal na Ama ay hindi nagbibigay ng utos na imposibleng sundin. Bawat utos sa kasulatan ay may kasamang biyaya upang ito ay sundin.
Iniutos ni Jesus, “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo” (Mateo 22:37). Ito ay parehong utos at pangako. Ang utos ng Diyos na mahalin ang Diyos nang buong puso ay nagpapahiwatig ng kanyang pangako na bibigyan niya tayo ng buo at tapat na puso kung tayo'y magtitiwala sa kanya.
Isang Halimbawa
“Kaya't kayo nga'y maging sakdal, gaya ng inyong Ama sa langit na sakdal” (Mateo 5:48).
Batay sa konteksto, nauunawaan natin na ang tinutukoy ni Jesus ay ang pag-ibig, hindi ang pagiging perpekto sa lahat ng bagay. Nauunawaan din natin na hindi ito isang bagay na nakakamit sa sarili nating pagsisikap. Ang Diyos na nag-uutos sa atin na maging perpekto ay siya ring Diyos na tumutupad ng utos na iyon. Pinatunayan ng Salmista, “[Ito ay] Diyos na nagbibigkis sa akin ng kalakasan, at ginagawang ligtas ang aking daan” (Awit 18:32).
Ang utos ni Jesus ay kailangang maunawaan nang tama. Dapat itong basahin ayon sa konteksto ng kanyang pagtuturo sa sandaling iyon, at ayon sa itinuturo ng Biblia tungkol sa pusong perpekto (buo at hindi hati) at sa isang bayang banal. Kapag naunawaan natin ito, ang utos ni Jesus ay nagiging isang mapagpalang pangako, hindi isang imposibleng pamantayan na kailangang abutin sa sariling lakas ng tao.
[1]Uniutos ito ng Diyos nang maraming beses, hindi lang minsan. (Tingnan ang Levitico 11:44, 45, Levitico 20:7, and 1 Pedro 1:16.)
[2]Ang komentaryo ni John Calvin’s sa 1 Tesalonica 5:23 mula sa The Epistles of Paul to the Romans and Thessalonians.
Tatlong mga Lente sa Biblia
Bilang mga ebanghelikong Kristiyano, tinatanggap natin ang Biblia bilang huling awtoridad sa aral at pamumuhay. Ang Biblia ay nagtataglay ng lahat ng kaalaman na kinakailangan para sa kaligtasan.
Gayunman, mahalagang maunawaan na pinapakahulugan natin ang ating binabasa sa pamamagitan ng iba't ibang paraan. Para sa karamihan ng mga ebangheliko, may tatlong lente na ginagamit sa pagbasa ng Biblia. Ang mga lente na ito ay hindi pumapalit sa awtoridad ng kasulatan sa anumang paraan. Ang mga ito ang paraan lamang kung paano natin binabasa at nauunawaan ang kasulatan.
Upang magkaroon ng lubos na pagkakaunawa sa kasulatan, kailangan nating gamitin ang lahat ng tatlong lente na ito. Kapag may isang lente tayo na hindi pinansin, posible tayong magkamali sa pagpapakahulugan ng kasulatan. Ang pagbasa sa Biblia gamit ang mga lente na ito ay makakatulong sa atin upang mas malinaw na maunawaan ang mensahe ng Salita ng Diyos.
Ang larawang ito ay makakatulong para makita mo ang kaugnayan ng mga lenteng ito sa Biblia. Tinitingnan natin ang Biblia sa pamamagitan ng mga lente.[1]
Lente 1: Tradisyon
[2]Ang unang lente na ginagamit natin sa pagtingin sa kasulatan ay ang lente ng tradisyon. Ang tanong ng lente na ito ay, “Paano mauunawaan ng mga Kristiyano sa buong kasaysayan ang kasulatan na ito?” Sinusubok ng tradisyon ang ating pang-unawa sa teksto kung ihahambing ang pagkaunawa ng ibang Kristiyano sa buong kasaysayan.
Kasama sa tradition ang mga paniniwala ng unang iglesia, ang mahahalagang doktrina na pinagbuklod ang mga Kristiyano noon, at ang mga turo ng mga naunang henerasyon. Ipinapakita ng tradition kung paano ipinakahulugan ang Biblia sa buong kasaysayan ng iglesia.
Hindi lahat ng iglesia ay nagkakasundo sa lahat ng mga isyu; ang pinakamaaasahang tradisyon ay ang mga turo ng iglesia na itinuro sa lahat ng lugar at sa lahat ng panahon. Ang tradisyon ng kanya-kanyang denominasyon ay maaaring isama, ngunit wala ito masyadong awtoridad tulad ng sa tradisyon ng buong iglesia.
Nagsasalita ang Diyos sa pamamagitan ng tradisyon upang tulungan tayo na maunawaan ang kanyang Salita. Kung ang iyong pagpapakahulugan ay nagbibigay ng kahulugan sa kasulatan na wala pang nakapagbigay ng ganoong kahulugan, malamang ay nagkakamali ka.
Lente 2: Katwiran
Ang pangalawang lente ay ang katwiran. Ang tanong ng lente na ito ay, “Ano ang makatwirang pagkaunawa sa kasulatan na ito?” Tinutulungan tayo ng lente ng katwiran na gamitin ang ating pag-iisip sa pag-unawa ng ating nabasa sa kasulatan. Nauunawaan nito na ang kasulatan ay makatuwirang nauunawaan sa pamamagitan ng ating isip. Ginagamit natin ang ating katwiran upang unawain ang kasulatan; gayunpaman, hindi natin dapat talikuran ang katotohanan mula sa kasulatan dahil lamang hindi ito kayang patunayan ng ating katwiran. Maraming tao ang hindi naniniwala sa mga himalang nakatala sa Biblia dahil iniisip nila na ito ay taliwas sa katwiran. Gayunpaman, hindi taliwas sa katwiran ang mga himala dahil nauunawaan natin na may kapangyarihan ang Diyos para gumawa ng himala.
May ilang mga Kristiyano na tutol sa paggamit ng pangangatwiran; sinasabi nila na ang ating di-matuwid na kaisipan ay hindi maaasahan sa pag-unawa ng Salita ng Diyos. Totoo naman na limitado ang kakayahan ng tao na umunawa. Gayunpaman, si Pablo ay palaging umaasa sa pangangatwiran sa kanyang mga pagpapaliwanag. Halimbawa sa Roma, nagtatanong si Pablo ng mga katanungan upang akayin ang kanyang mga mambabasa sa isang lohikal na pagkaunawa ng mga dakilang katotohanan tungkol sa kaligtasan. Kahit hindi kailanman ang ating pangangatwiran ang huling awtoridad, hindi natin dapat balewalain ang makatuwirang kahulugan ng kasulatan.
Lente 3: Karanasan
Ang huling lente ay ang karanasan. Ang tanong ng lente na ito ay, “Ang pagkaunawa ko ba ay tugma sa karanasan ng ibang mga Kristiyano?” Ang personal na karanasan ay hindi dapat pagkatiwalaan nang higit pa sa tiyak na katotohanan. Gayunpaman, mahalaga ang karanasan kapag ito ay binabalanse ng tradisyon at katwiran.
Ang bawat isa sa mga lente na ito ay mahalaga. Kung ang gagamitin lamang natin ay ang tradisyon, mauuwi ito sa pagkakamali ng ilang Katoliko na tinuturing na ang turo ng iglesia ay kapantay ng kasulatan sa awtoridad nito. Kung ang gagamitin lamang natin ay ang katwiran, iisipin natin na ang isipan ng tao ang may huling awtoridad. Kung ang gagamitin lamang natin ay ang karanasan, ang ating pagpapakahulugan ay magiging limitado at nakabatay lamang ito sa pansariling nararamdaman, pananaw, at opinyon ng mga tao. Ginagamit natin ang mga lente na ito upang maunawaan ang kasulatan, ngunit hindi dapat natin ito gamitin sa paraang taliwas sa awtoridad ng kasulatan.
Isang Halimbawa
“Dahil dito ay iniluluhod ko ang aking mga tuhod sa Ama… upang kayo'y mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos” (Efeso 3:14, 19).
Panalangin si Pablo na lumalim ang ugnayan ng mga mananampalataya na taga-Efeso sa kanilang ugnayan sa Diyos. Panalangin niya na sila ay mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos. Ano ang makikita natin kapag binasa natin ang panalangin gamit ang tatlong lente na ito?
Tradisyon. Sa lahat ng henerasyon, itinuro ng mga Kristiyano na nangangako ang Diyos ng mas malalim na paglakad para sa mga mananampalataya. Maaaring hindi nagkaisa ang mga Kristiyano sa mga detalye kung paano isinasakatuparan ng Diyos ang layuning ito sa buhay ng mga mananampalataya, ngunit sa kasaysayan ng iglesia, ang mga Kristiyano mula sa iba't ibang pinagmulan ay nagkaisa na tinatawag ng Diyos ang kanyang mga anak sa isang mas malalim na ugnayan sa kanya.
Noong ikalawang siglo, isinulat ni Irenaeus na ang layunin ng Diyos para sa atin ay “upang tayo'y mahubog ayon sa larawan at wangis ng Diyos.”[3] Naniniwala si Irenaeus na ang bawat mananampalataya ay maaaring mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos. Noong ika-apat na siglo, nagturo ang mga manunulat sa Silangan tulad ni Gregory of Nyssa na ang Kristiyano ay dapat unti-unting napupuno ng kapuspusan ng Diyos. Noong ika-17 siglo, isinulat ng Pranses na Katolikong si Francois Fenelon na, sa pamamagitan ng biyaya lakas ng Diyos, kaya nating “mabuhay gaya ng pamumuhay ni Jesus, mag-isip gaya ng kanyang pag-iisip…”[4] Sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, maaari tayong mahubog ayon sa kanyang wangis.
Katwiran. Habang binabasa natin ang panalangin ni Pablo, nagtatanong ang ating pangangatwiran, “Ang pagpapakahulugan ko ba sa panalanging ito ay tugma sa ibang bahagi ng kasulatan?” Makatuwiran ba na ipakahulugan ang panalanging ito bilang isang pangako ng mas malalim na buhay ng Kristiyano? Kapag tiningnan natin ang ibang kasulatan, makikita natin na ang Roma 12:1, 1 Tesalonica 5:23, at iba pang mga teksto ay nagmumungkahi ng mas malalim na buhay na iniaalok sa mga mananampalataya. Ang katotohanan na mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos ay isang bagay na makatuwiran.
Karanasan. Ang karanasan ng mga dakilang Kristiyano sa buong kasaysayan ay nagpapakita ng kanilang pagnanais ng mas malalim na buhay. Bawat tapat na Kristiyano ay nauuhaw para sa mas malalim na karanasan sa Diyos. Ipinapakita sa mga patotoo ng mga dakilang Kristiyano na sinagot ng biyaya ng Diyos ang kanilang pagnanais.
[2]“Ang tradisyon ay bunga ng gawain ng pagtuturo ng Espiritu mula sa mga kapanahunan... Ito ay hindi nagkakamali, ngunit hindi rin ito [hindi mahalaga], at ginagawa nating dukha ang ating sarili kung hindi natin ito pinapansin.”
- J.I. Packer, “Upholding the Unity of Scripture Today”
[3]Sinipi mula sa William M. Greathouse, From the Apostles to Wesley (Kansas City: Beacon Hill Press, 1979), 38
Mga Tanong na Maaaring Itanong Kapag Isinasaalang-alang ang mga Sipi na Pinagtatalunan
May mga sipi sa kasulatan na iba-iba ang pagpapakahulugan sa iba't ibang iglesia at minsan ay pinagtatalunan ng mga magkaibigan. Kapag tiningnan mo ang isa sa mga sipi na ito, sa halip na ipaglaban mo ang iyong opinyon, isinasaalang-alang ang mga sumusunod na tanong na ito:
Nagsisimula ba ako sa pagwawakas? Napagdesisyunan ko na ba kung ano ang ibig sabihin ng kasulatan bago ko pa ito basahin?
Sumasalungat ba ang aking pagpapakahulugan sa kasulatan na ito sa ibang mga sipi ng kasulatan?
May ibang talata ba na nagbibigay ng mas malinaw na pag-unawa sa talatang ito?
Ang pagpapakahulugan ko ba ay nakabatay sa mga nakatagong mensahe, o ako ba ay nagpapakahulugan sa malinaw na pamamaraan?
Ang sipi ba na ito ay nagbibigay ng isang utos? Kung oo, ano ang pangakong kaakibat ng utos na iyon?
Ano ang sinasabi ng tradisyon ng Kristiyanong iglesia sa buong panahon tungkol sa sipi na ito?
Ano ang malinaw at makatuwirang pagkaunawa sa sipi na ito?
Ano ang sinasabi ng karanasan ng ibang Kristiyano tungkol sa sipi na ito?
Ang mga tanong na ito ay hindi garantiya na makakahanap ka ng kumpletong pagkakasundo sa pagpapakahulugan sa isang bahagi ng sipi. Gayunpaman, makakatulong ito upang ikaw ay makahanap ng mga bahagi kung saan may pagkakasundo. Kung hindi man, ang mga tanong ay makakatulong din para matukoy kung ano ang mga dahilan kung bakit may mga tapat na Kristiyano na naniniwala sa awtoridad ng Salita ng Diyos ngunit hindi nagkakasundo sa pagpapakahulugan ng ilang mga sipi sa kasulatan.
(1) Ang pag-unawa sa mga pangunahing prinsipyo ng tamang pagpapakahulugan ng Biblia ay makakatulong upang ikaw ay hindi magkamali ng pagkakaintindi sa iyong pag-aaral.
(2) Magsimula sa teksto, hindi sa iyong pangwakas. Huwag hayaan na ang iyong mga pagpapalagay na maging sanhi ng iyong pagbalewala sa teksto.
(3) Ang mga aral ng kasulatan ay hindi sumasalungat sa mga aral ng kasulatan. Kung may dalawang sipi na tila nagkakasalungat, isipin kung mali ang pagkaunawa mo sa isa sa mga bahagi ng sipi.
(4) Ang kasulatan ang pinakamagaling tagapagpakahulugan ng kasulatan. Hayaan mong ang mga malinaw na sipi ang magpaliwanag ng mahihirap na sipi.
(5) Ang kasulatan ay isinulat upang maunawaan. Hanapin ang payak na kahulugan ng teksto.
(6) Ang utos ng Biblia ay may kasamang pangako na galing din sa Biblia. Ang Diyos na nagbibigay ng utos ang magbibigay ng lakas para tayo ay sumunod.
(7) Ang Biblia ay nagtataglay ng lahat ng kaalaman na kinakailangan para sa kaligtasan.
(8) Tinitingnan natin ang kasulatan gamit ang tatlong lente na makakatulong sa atin upang mas maunawaan ang Salita ng Diyos:
Tradisyon: ang pagkaunawa ng ibang Kristiyano sa buong kasaysayan
Katwiran: makatwirang pagkaunawa sa kahulugan ng teksto
Karanasan: ang espiritwal na karanasan ng mga Kristiyano
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.