[1]► Talakayin ang kaugnayan ng pagpapakahulugan at pagsasabuhay sa iyong kasalukuyang pag-aaral ng Biblia. Kapag ikaw ay nangangaral o nagtuturo, alin ang mas madali: ang magpakahulugan ng talata o ang isabuhay ito sa panahon ngayon? Kapag pinag-aaralan mo ng kasulatan o nakikinig sa sermon, nakikita mo ba kung paano ito maisasabuhay?
Sinabi ni Emmanuel, “Pastor, maaari po ba tayong magkita? May malaki akong katanungan tungkol sa Biblia.” Pagkalipas ng ilang araw, nagkita sila ng pastor at tiningnan ang ilang kasulatan na may kinalaman sa isyu na kinakaharap ni Emmanuel. Pagkalipas ng ilang minuto, isinara ni Emmanuel ang kanyang Biblia at sinabi, “Aaminin ko po, alam ko na kung ano ang sinasabi ng Biblia, ngunit aya ko itong sundin. Masyado po itong mahirap para sa akin.”
Ang problema ni Emmanuel ay hindi ang pagpapakahulugan; ang problema ay ang pagsasabuhay. Hindi sapat na makita kung ano ang sinasabi ng kasulatan at ibigay ang kahulugan nito; kailangan natin itong isabuhay. Kadalasan, ang pag-aaral ng Biblia ay nagwawakas sa yugto ng pagpapakahulugan.
Magsisimula tayo sa pamamagitan ng pagsusuri kung ano ang sinasabi ng teksto; magpapatuloy tayo sa pamamagitan ng pagpapakahulugan sa kung ano ang ibig sabihin nito; kailangang natin tapusin ito sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng teksto. Maaari nating ibuod ang prosesong ito sa tatlong katanungan:
Ano ang sinasabi ng teksto? (Pagsusuri)
Ano ang ibig sabihin ng teksto? (Pagpapakahulugan)
Paano gumagana ang teksto sa aking buhay? (Pagsasabuhay)
[1]“Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin; sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad.” - Santiago 1:23-24
Mga Kapalit ng Pagsasabuhay
Sinabi ng Salmista na ang taong nalulugod sa kautusan ng Panginoon at nagninilay-nilay dito ay magiging “gaya ng isang punungkahoy na itinanim sa tabi ng agos ng tubig, na nagbubunga sa kanyang kapanahunan” (Awit 1:2-3). Ginagawa ni Satanas ang lahat para tayo ay ilayo sa Biblia. Alam niya na manghihina tayo at espiritwal na mamamatay kung hindi natin tinatanggap ang pagpapakain ng Salita ng Diyos.[1]
Kung hindi niya tayo mailalayo sa Salita ng Diyos, susubukan naman ni Satanas na tayo ay pigilan na maisabuhay ang katotohanan nito. Hangga’t hindi natin isinasabuhay ang Salita ng Diyos, tayo ay hindi magiging mabunga. Kung hindi tayo mailalayo ni Satanas sa pagbabasa ng Biblia, tutuksuhin niya tayong tanggapin ang mga kapalit para sa pagsasabuhay nito.
Maaari Nating Palitan ng Pagpapakahulugan ang Pagsasabuhay
Posibleng pag-aralan nang mabuti ang isang bahagi ng kasulatan at maintindihan ang kahulugan nito nang hindi ito isinasabuhay. Nang marinig ni David ang talinghaga ni Nathan tungkol sa mayamang lalaking nagnakaw ng tupa ng isang mahirap, siya ay tumugon nang may tamang pagpapakahulugan: “Habang buháy ang Panginoon, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay; kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya’y walang habag” (2 Samuel 12:5-6).
Tama ang pagpapakahulugan ni David. Tumugon siya sa pangalan ng Panginoon; iginiit niya ang katarungan; hiniling niya ang pagbabayad ng kasalanan. Walang makakapintas sa pagpapakahulugan ni David, ngunit hindi niya naisabuhay ang aral ng talinghaga sa kanyang sariling buhay. Ang propeta ang gumawa ng pagsasabuhay, “Ikaw ang lalaking iyon” (2 Samuel 12:7).
Ito ay isang natatanging panganib para sa mga mangangaral at guro. Maari tayong magturo ng kasulatan sa iba habang binabalewala natin ang ating sariling pagsuway. Nagbabala si Santiago laban sa pagpapakahulugan nang walang pagsunod. “Kaya't ang sinumang nakakaalam ng paggawa ng mabuti ngunit hindi ito ginagawa, ito ay kasalanan sa kanya” (Santiago 4:17). Pagkatapos nating pakahulugan nang tama ang kasulatan, huwag nating kalimutan na isabuhay ito. Huwag nating palitan ng pagpapapakahulugan ang pagsasabuhay.
Maaari Nating Palitan ng Bahagyang Pagsunod ang Ganap na Pagsunod
Posible na pag-aralan ang isang sipi ng kasulatan, maintindihan ang kahulugan nito, at makakita ng ilang bahagi ng pagsasabuhay nang hindi hinahayaan na lubusang tayong baguhin nito. Maaaring may bahagi sa buhay natin na sinusubukan nating sundin ang kasulatan, ngunit pinapalampas natin ang mas malalalim na bahagi ng ating pagsuway.
Marahil sa ating pag-aaral ng Efeso 4:29, “Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay, ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.” Sa hakbang ng pagsasabuhay, siyasatin natin ang ating mahahalagang mga ugnayan. Tanungin natin:
“Ang mga sermon ko ba ay nagpapalakas ng aking kongregasyon?” “Oo; ako ay isang tapat na pastor.”
“Maayos ba akong magsalita sa aking mga anak?” “Oo; ako ay isang mapagmahal na magulang.”
“Maayos ba akong magsalita sa aking asawa?” “Hindi; madalas akong negatibo sa aking mga tugon.”
Ang pakikipag-usap mo sa iyong asawa ang isa sa mga bahagi ng iyong buhay na gustong baguhin ng Espiritu ng Diyos. Tinutukso ka ni Satanas na palitan ang pagsunod sa teksto na ito ng pagsunod sa ibang bahagi ng iyong buhay sa halip na pagbabago sa iyong ugnayan sa iyong asawa. Tinutukso ka rin niyang tanggapin ang bahagyang pagsunod sa halip na ang buong pusong pagsunod na inasahan sa iyo.
Maaari Nating Palitan ng mga Palusot ang Pagsisisi
Tinanong ng isang abogado si Jesus, “Guro, anong dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?” (Lucas 10:25). Alam na ng abogado ang sagot: “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, nang buong kaluluwa mo, nang buong lakas mo, at nang buong pag-iisip mo, at ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili” (Lucas 10:27).
Nauunawaan ng abogado ang kasulatan “Subalit sa pagnanais niya na ipagmatuwid ang kanyang sarili ay sinabi kay Jesus, “At sino ang aking kapwa?’” (Lucas 10:29). Hindi niya problema ang pagpapakahulugan; ang kanyang problema ay ang pagsasabuhay. Pinapalusot ng abogado ang kanyang kakulangan sa pag-ibig.
Marahil ay sinasabi sa iyo ng Espiritu ng Diyos na, “Ang mga salita mo ay hindi nakakatulong sa asawa mo; ito’y nakakasira sa inyong pakikipag-usap.” Nabasa mo na ang Salita, napakahulugan mo na ang Salita; ngayon ay panahon na upang isabuhay mo ang Salita. Sa halip, baka maisip mo, “Laging negatibo ang asawa ko. Kung negatibo ako, kasalanan iyan ng asawa ko, hindi ko ito kasalanan!” Ano ang ginawa mo? Pinagtakpan mo ang sarili mong pagkukulang sa halip na magsisi sa iyong kabiguan na sumunod sa Salita ng Diyos.
Maaari Nating Palitan ng Damdamin ang Pagbabago
Isinulat ni Santiago ang tungkol sa isang taong nakikinig sa Salita ngunit hindi ito isinasagawa (Santiago 1:23-24). Minsan may taong nakikinig sa Salita at tunay na naaantig, ngunit hinahayaan niya na ang isang madamdaming tugon ang pumalit sa tunay na pagbabago. Alam ng bawat pastor ang pagkabigo kapag siya'y nangaral tungkol sa isang paksa, may mga nagsasabi, “Tinamaan po ako ng sermon na ‘yon,” pagkatapos ay wala namang nakikitang tunay na pagbabago.
Marahil ay narinig mo ang Efeso 4:29 na naituro sa isang seminar para sa mag-asawa. Sa panahon ng panalangin at pangako sa dulo ng seminar, sasabihin mo sa iyong asawa na, “Patawad. Gusto kong magsalita ng positibong salita. Susubukan kong magbago!” Gayunpaman, hindi nagtagal at bumalik ka rin sa dati mong gawi ng masasakit na pananalita, mga negatibong pahayag, at masasakit na pakikipag-usap.
Ano ang nangyari? Nagkaroon ng madamdaming tugon, ngunit walang tunay na pagbabago. Ito ay mapanganib; pagkatapos ng paulit-ulit na pagkabigo, maaari mong paniwalaan na hindi na talaga posible ang pagbabago. Ang madamdaming pagtugon sa katotohanan ay kailangang may kalakip na tunay na pagbabago at pagsunod, na posible lamang kapag tayo ay nagpapasakop sa kilos ng Banal na Espiritu.
[1]Karamihan sa impormasyong nasa aralin na ito ay inangkop mula sa Howard G. Hendricks at William D. Hendricks, Living by the Book (Chicago: Moody Publishers, 2007).
Mga Hakbang sa Pagsasabuhay ng Kasulatan
Pagkatapos ilarawan ni Santiago ang taong tumitingin sa salamin at agad nakakalimot sa kanyang itsura, inilarawan niya ang taong tama ang pagsasabuhay ng kasulatan sa kanyang buhay. “Ngunit ang tumitingin sa sakdal na kautusan, ang kautusan ng kalayaan, at nananatili na hindi tagapakinig na malilimutin, kundi tagatupad na gumagawa, siya ay pagpapalain sa kanyang gawain” (Santiago 1:25). Hindi sapat ang makinig lang sa Salita, kailangan natin itong isabuhay. Ano ang kailangan para sa tamang pagsasabuhay ng kasulatan?
Upang maisabuhay nang tama ang kasulatan, may tatlong bagay tayo na kailangang gawin.
Hakbang 1: Alamin ang Kahulugan ng Kasulatan
Kaya mahalaga ang mga aralin tungkol sa pagsusuri at pagpapakahulugan. Kung hindi natin alam ang kahulugan ng talata, mali rin ang magiging pagsasabuhay natin nito. Nagsisimula ang pagsasabuhay sa tanong na, “Paano ang naisabuhay ng mga Kristiyano noong unang siglo ang kasulatang ito sa kanilang mundo?”
Halimbawa, isinulat ni Pablo: “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin” (Filipos 4:13). Ipinangako ito ng ilang guro na makakamit natin ang anumang naisin natin dahil, “Binibigyan ako ni Kristo ng lakas.” Ipinapahayag ng mga atleta, “Ako ay mananalo sa laro ngayon dahil ‘kaya kong gawin ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo.’” Tiniyak ng mga faith healer sa kanilang mga tagapakinig, “Kung mayroon kang sapat na pananampalataya, gagaling ka dahil ‘magagawa mo ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Kristo.’” Ang mga mangangaral ng huwad na ebanghelyo ng kasaganaan ay nagpahayag ng, “Nais ng Diyos na yumaman ka. Ang kailangan mo lang gawin ay ang makipagtulungan sa Diyos. ‘Lahat ng bagay ay maaari mong gawin sa pamamagitan ni Cristo.’”
Ngunit kapag tinanong natin, “Paano isinabuhay ng mga taga-Filipos ang talatang ito?” makikita natin na ang talatang ito ay hindi pangako ng tagumpay sa mundong ito, kundi pangako ng tibay ng loob sa gitna ng pagsubok. Si Pablo ay inaresto sa Roma; ang kanyang mga mambabasa ay dumaranas ng pag-uusig. Hindi niya sinasabi na siya ay matagumpay sa mundo, kundi kaya niyang magpatuloy sa lahat ng sitwasyon sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod. Natutunan ni Pablo na makuntento sa anumang kalagayan dahil kay Cristo, kaya niyang gawin ang ipinapagawa sa kanya ng Diyos. Hindi ito nangangahulugan ng maginhawang buhay, kundi hindi siya nawawalan ng espiritu ng pagkakuntento sa gitna ng hirap.
Hakbang 2: Pag-unawa kung Paano Naisasabuhay ang Kasulatan
Binalaan ni Pablo si Timoteo na kailangan niyang kilalanin ang sarili niya upang maging epektibong tagapagturo sa iba. “Ingatan mo ang iyong sarili at ang iyong pagtuturo. Manatili ka sa mga bagay na ito, sapagkat sa paggawa nito ay maililigtas mo ang iyong sarili at ang mga nakikinig sa iyo” (1 Timoteo 4:16). Habang binibigyang-pansin ni Timoteo ang sarili niya at ang doktrina na kanyang ipinapangaral, epektibo siyang makakapagministeryo sa mga nakikinig sa kanya.
Pagkatapos kong malaman ang teksto at kung paano ito isinabuhay ng mga unang mambabasa, kailangan kong kilalanin ang aking sarili at kung paano naaangkop ang teksto sa aking mundo. Marahil ay tinitingnan ko ang aking sarili at nakikita ko na karaniwang hindi ko inaasahan na pagpapalain at tutulungan ako ng Diyos. Sinasabi sa akin ng Filipos 4:13 na harapin ko ang mga hamon ng buhay na may pagtitiwala dahil “Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.”
Ngayon na nagiging malinaw at tiyak na ang pagsasabuhay, maaaring isulat ko sa tabi ng talatang ito na: “Kapag nagtatrabaho ako sa isang lugar na salungat sa Kristiyanong pamumuhay, magtitiwala ako sa biyaya ng Diyos na palakasin ako upang manatiling tapat. Magagawa ko ang lahat ng bagay sa pamamagitan ni Cristo.” Nadadala nito ang talata mula sa unang siglo patungo sa ika-21 siglo.
Gumagana ang tamang pagsasabuhay ng kasulatan sa totoong mundo. Ang Salita ng Diyos ay may kaugnayan sa lahat ng bahagi ng ating buhay. Kapag isinabubuhay natin ang kasulatan, hindi natin tinatanong, “Ano ang ‘relihiyosong’ pagsasabuhay ng kasulatang ito?” Sa halip, ang tanong natin ay, “Paano maisasabuhay ang tekstong ito sa bawat bahagi ng aking buhay?”
Sumulat si John Wesley, “Ang ebanghelyo ni Cristo ay walang relihiyon na hiwalay sa kapwa; walang kabanalan na hiwalay sa kapwa.”[1] Hindi natin isinasabuhay ang ebanghelyo bilang mga monghe na nakatago sa lipunan, kundi bilang mga mananampalatayang may ugnayan sa kapwa. Lumalago tayo sa kabanalan hindi sa pamamagitan ng paglayo sa iba, kundi sa pamumuhay sa loob ng komunidad ng iglesia.
Kanina, tiningnan natin ang Efeso 4:29. Sa pagsasabuhay ng talatang ito, kailangan itong isabuhay sa ating uganayan sa kapwa mananampalataya: “Ang pananalita ko ba ay nagpapalakas sa kapwa Kristiyano o nakakasakit sa kanila?” Kailangan din itong iugnay sa ating pamilya: “Ang pakikipag-usap ko ba ay nagpapalakas sa loob ng aking pamilya o pinapahina ko ang tiwala sa sarili ng aking asawa at mga anak?” Kailangan din natin itong iugnay sa ating trabaho: “Isa ba akong empleyado na nagsasalita ng mga positibong salita, o ako ba ay nagkakalat ng mga negatibong ideya?” Ang Efeso 4:29 ay may kaugnayan sa bawat bahagi ng buhay.
Ito ang dahilan kung bakit isinulat ni Pablo na ang mga alipin na namumuhay nang maayos sa kanilang mga amo ay magpapalamuti sa doktrina ng Diyos na ating Tagapagligtas sa lahat ng bagay (Tito 2:10). Ang maingat na pagsasabuhay ng banal na kasulatan ay ginagawang kaakit-akit ang ebanghelyo sa mga tao sa ating paligid.
Hakbang 3: Sundin ang Kasulatan
Ang tunay na layunin ng pag-aaral ng Biblia ay ang araw-araw na pagsasabuhay nito. Sa 2 Timoteo 2:3–6, inilarawan ni Pablo ang mga Kristiyano bilang mga sundalo, mananakbo, at magsasaka. Ang mga larawan na ito ay naglalarawan sa isang tao na matiyagang sumusunod sa layunin. Hindi nagpapahinga ang isang sundalo sa gitna ng labanan; hindi tumitigil ang mananakbo sa gitna ng takbuhan; hindi humihinto ang magsasaka hanggang hindi natatapos ang kanyang gawain. Ang buhay ng isang Kristiyano ay nangangailangan ng pagtitiis. “Tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin” (Hebreo 12:1).
Habang pinag-aaralan mo ang kasulatan, itanong mo, “May bahagi ba ng aking buhay kung saan ay dapat kong isabuhay ang katotohanang ito?” Hilingin mo sa Diyos na tulungan ka na unti-unting maisabuhay ang katotohanan sa iyong araw-araw na pamumuhay. Kapag ginawa mo ito, magbubukas ang Diyos ng mas marami pang katotohanan para sa iyo. Ikaw ay magkakaroon ng mas lalalim na pagkauhaw sa pagkaing espiritwal.
Kung sa pamamagitan ng Efeso 4:29 ay kinakausap ka ng Diyos tungkol sa paraan ng iyong pagsasalita, dapat mong pagsikapan na magsalita sa paraang nakakapagpalakas ng iba. Maaaring magsimula ito sa simpleng paghingi sa Diyos na bigyan ka ng kahit isang pagkakataon bawat araw upang makapagsalita ng biyaya sa buhay ng isang tao. Maaaring kabilang dito ang paghiling sa isang pinagkakatiwalaang kaibigan na paalalahanan ka kapag naririnig nila na ginagamit mo ang iyong pananalita sa maling paraan. Ito ay magiging isang paraan upang maisagawa ang Salita ng Diyos sa araw-araw na pamumuhay.
Noong nasa kolehiyo, may isang binata ang nahirapan sa isang tukso sa kanyang buhay. Mahilig si James Ryan sa musika, kabilang na ang ilang uri ng kanta na may mga salita na nagpapalakas ng tukso sa kanyang kahinaan. Gusto ni James Ryan na magtagumpay laban sa tukso, ngunit hindi niya isinabuhay nang tuloy-tuloy ang kasulatan sa kanyang buhay.
Tuwing Setyembre, may revival service sa paaralan. Pumupunta si James Ryan sa altar. Pagbalik niya sa kanyang dormitoryo ay itinatapon niya ang kanyang mga musikang na hindi angkop. Sa loob ng ilang linggo, maliwanag ang kanyang patotoo. Ngunit unti-unti siyang bumibili ulit ng bagong musika sa parehong estilo. Di nagtagal, pinanghihinaan na naman siya ng loob; pagdating ng Nobyembre, sasabihin niya, “Nanumbalik na naman ako sa aking dating kasalanan.”
Tuwing Pebrero, ang paaralan ay nagkakaroon ng Bible conference. Si James Ryan ay pupunta sa altar. Itinatapon niya ang kanyang mga musika at sa loob ng ilang linggo ay maliwanag ang kanyang patotoo. Pagsapit ng Abril, bibili na naman siya ng mga bagong musika at uulitin na naman ang buong proseso!
Ano ba talaga ang kailangan ni James Ryan? Mas magandang pagpapakahulugan? Hindi! Alam na niya ang kahinaan niya; alam niya ang sinasabi ng Biblia tungkol sa pagpapanatiling dalisay ng isipan; alam niya ang epekto ng ilang uri ng musika sa kanyang espiritwal na buhay. Hindi pagpapakahulugan ang problema ni James Ryan; kailangan lang talaga niyang isagawa ang kanyang nalalaman.
Ano ang bahagi ng pagsasabuhay ang kailangang mong isagawa?
[1]Paunang Salita nina John at Charles Wesley sa edisyon ng Hymns and Sacred Poem noong 1739.
Mga Tanong na Maaaring Itanong
Makakatulong ang limang mga katanungan na ito habang naghahanap ka ng mga paraan kung paano mo maisasabuhay ang kasulatan.
(1) Mayroon bang kasalanan na dapat iwasan?
Maraming Kristiyano ang nawawalan ng pag-asa kapag nakita nilang hindi tumutugma ang kanilang buhay sa hinihingi ng kasulatan. Kapag kinakausap tayo ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang Salita tungkol sa kasalanan sa ating buhay hindi tayo dapat mawawalan ng pag-asa. Sa halip, tayo ay mas dapat sumunod nang may kaluwagan sa ating kalooban na sundin ang Kanyang Salita.
(2) Mayroon bang pangako na dapat angkinin?
Minsan ang pagsasabuhay ay simpleng pag-aangkin sa mga pangako ng Diyos. Dapat tayong mag-ingat sa tamang pagpapakahulugan ng pangako. May mga pangako na ibinigay lang sa ilang tao o sa bansang Israel. Kaya hindi natin dapat angkinin ang pangako sa labas ng konteksto nito. Gayunpaman, kung naipakahulugan natin nang maayos ang pangako ayon sa konteksto ng Biblia at alam natin na ito ay para sa lahat ng mananampalataya, maaari natin itong angkinin para sa ating sariling buhay.
(3) Mayroon bang kilos na dapat gawin?
Itanong natin, “Ano ang dapat kong gawin sa sipi ng kasulatan na ito? Anong katotohanan ang itinuturo ng sipi na ito? Binibigyan ba ako ng babala nito sa isang pagkakamali sa aking doktrina? Kailangan ko bang baguhin ang aking paraan ng pag-iisip upang umayon sa kasulatan? Ano ang dapat kong gawin batay sa kasulatang ito?”
Isang halimbawa ay panalangin. Sa pagbabasa natin ng mga panalangin nina David, Pablo, Nehemias, at Jesus, makakahanap tayo ng mga huwaran para sa ating sariling panalangin. Walang mas mahusay na paraan ng pagkatuto sa pananalangin kundi ang tularan ang mga panalangin nina Pablo o Jesus. Habang ako ay nagbabasa, maaari akong kumilos sa pamamagitan ng pag-aangkop ng mga panalanging ito para sa sarili kong buhay.
(4) Mayroon bang utos na dapat sundin?
Ang ikalawang bahagi ng mga sulat ni Pablo ay kadalasang puno ng mga utos. Simple at direkta ang mga utos na ito. Minsan hinahanap ng mga Kristiyano ang malalalim na katotohanan, habang hindi nila pinapansin ang simpleng pagsasabuhay ng mga nalalaman na nila!
May isang tao na nagsulat tungkol sa panganib ng paghahanap ng malalalim na katotohanan habang hindi pinapansin ang malinaw na katotohanan. Ikinuwento niya ang tungkol sa mga una niyang pag-aaral ng wikang Griyego sa Bagong Tipan. Sa Mateo 16:24, sinabi ni Jesus, “Kung ang sinuman ay ibig sumunod sa akin, tanggihan niya ang kanyang sarili, at pasanin ang kanyang krus, at sumunod sa akin.” Wala namang kakaiba o nakakagulat na kahulugan ang orihinal na Griyego. Sa Griyego, ang ibig sabihin ng talatang ito ay eksaktong katulad ng naririnig natin kapag binabasa ito. Hindi mahirap unawain ang kahulugan. Sa halip, ang mahirap ay ang pagsunod.[1]
Minsan ang kailangan lamang natin na sagot ay, “Opo, Panginoon. Susunod ako.”
(5) Mayroon bang halimbawa na dapat tularan?
Malaki ang bahagi ng kasulatan na nagtataglay ng talambuhay. Habang binabasa natin ang talambuhay, itanong natin, “Mayroon bang halimbawa na dapat tularan?”
Kapag binasa natin ang tungkol kay Abraham sa Genesis 18, maaari nating tularan ang huwaran ni Abraham sa pamamagitan ng pananalangin para sa iating mundo. Isang guro ang nagtuturo sa Nigeria. Sa Nigeria ay madalas na may alitan sa pagitan ng mga Muslim at Kristiyano. Tinanong ng isang mag-aaral ang kanyang mga kaklase, “Bakit mas pinipili nating makipaglaban sa mga Muslim kaysa sa ipanalangin sila? Naniniwala ba talaga tayo na sila ay kayang iligtas ng Diyos? Kung oo, dapat nating tularan ang halimbawa ni Abraham at manalangin para są kanilang kaligtasan!” Ito ang pagsasabuhay.
Gumawa na tayo ng mga pagsusuri mula sa Roma 12:1-2. Pinag-aralan na natin ang mahahalagang salita sa mga talatang ito. Pinag-aralan na natin ang kasaysayan, kultura, at konteksto ng Biblia upang maunawaan nang tama ang mensahe ni Pablo.
Ngayon ay handa na tayo para sa pinakamahalagang hakbang. Paano mo isasabuhay ang Roma 12:1–2?
► Magbalik-aral sa iyong mga tala tungkol sa Roma 12:1–2 mula sa mga naunang aralin. Pagkatapos ay ilista ang tatlong tiyak na hakbang na maaari mong gawin upang maisabuhay ang tekstong ito.
► Kung pinag-aaralan mo ang aralin na ito kasama ng grupo, ibahagi mo ang iyong mga pagsasabuhay sa kanila. Kung magtatagpo pa kayo sa susunod, gumawa kayo ng kasunduan upang magtanungan kung paano ang naging pagsasabuhay ninyo ng mga ito.
Pagwawakas
Ang kursong ito ay tungkol sa pagpapakahulugan ng Biblia upang ito ay maituro sa iba. Ito ang tawag sa atin bilang mga tagapangaral ng Salita ng Diyos. Gayunpaman, may panganib dito. Kung hindi tayo mag-iingat, baka pag-aralan natin ang Biblia para lang may maipangaral at maituro. Baka hindi natin maisabuhay ang katotohanang itinuturo ng Biblia sa sarili nating buhay.
Hindi lang para matuto o magturo ang layunin ng pag-aaral ng Biblia. Ang Salita ng Diyos ay maaaring ihambing sa pagkain na nagpapalusog sa atin. Ang pagkain ay may epekto sa araw-araw at sa pangmatagalan. Hindi bumababa ang cholesterol mo sa isang malusog na kain; hindi rin lumalakas ang espiritu mo sa isang araw lang ng pagbabasa ng Salita ng Diyos. Kailangan ng regular na tamang pagkain upang maging malusog ang pangangatawan, at kinakailangan ng tuloy-tuloy na pagkain ng Salita ng Diyos upang makaron ng kalakasang espiritwal. Ngunit mahalaga rin ang araw-araw na pagbabasa, dahil ito ang nagbibigay ng lakas para harapin mo ang mga pagsubok sa araw na iyon, tulad ng isang magandang almusal na makakatulong sa iyo bago ang isang araw ng mabigat na pagtatrabaho.
Bilang mga pastor, guro, at pinuno sa iglesia, huwag nating kalimutan na ang sarili nating espiritwal na buhay ay kailangang palakasin araw-araw. Sa gitna ng ating pagsisikap na turuan ang iba, huwag nating kalimutan na pakainin ang sarili nating puso sa pamamagitan ng tinapay ng Salita ng Diyos. Tanging sa pagpapakain sa ating sarili na tayo ay magkakaroon ng lakas na ating kakailanganin upang makapaglingkod sa bayan ng Diyos.
Alam ni Pablo ang panganib na ito. Sinulat niya ang tungkol sa posibilidad na siya mismo ay maalisan ng karapatan matapos niyang mangaral sa iba (1 Corinto 9:27). Nakakatakot isipin na nagtuturo ka sa iba habang tinatanggihan mo ang biyaya ng Diyos sa sarili mong puso. Mag-aral upang makapagturo sa iba, ngunit huwag kalimutan na ang Diyos ay gustong mangusap din sa iyong puso.
Isagawa Mo Ito
► Ang Lucas 14:25–17:10 ay isang magkakasunod na mga talinghaga at tagubilin. Sa huling paglalakbay ni Jesus patungong Jerusalem, binigay niya ang kanyang huling tagubilin sa kanyang mga alagad. Habang binabasa mo ang mga turo ni Jesus, maghanap ka ng mga tiyak na pagsasabuhay mula sa mga talatang ito. Itanong:
(1) Hindi sapat na tama ang pagpapaliwanag natin sa Salita ng Diyos; kailangan din natin itong isabuhay sa araw-araw.
(2) Tinutukso tayo ni Satanas na palitan ang tunay na pagsasabuhay ng mga huwad na kapalit:
Maaari nating palitan ng pagpapakahulugan ang pagsasabuhay.
Maaari nating palitan ng bahagyang pagsunod ang ganap na pagsunod.
Maaari nating palitan ng palusot ang pagsisisi.
Maaari nating palitan ng damdamin ang pagbabago.
(3) Upang maisabuhay ang kasulatan sa ating buhay, kailangan nating sundin ang tatlong mga hakbangin:
Alamin ang kahulugan ng kasulatan.
Pag-unawa kung paano naisasabuhay ang kasulatan.
Sundin ang kasulatan.
(4) Para matuklasan kung paano mo maisasabuhay ang kasulatan sa sarili mong buhay, itanong mo ang mga ito:
Mayroon bang kasalanan na dapat iwasan?
Mayroon bang pangako na dapat angkinin?
Mayroon bang kilos na dapat gawin?
Mayroon bang utos na dapat sundin?
Mayroon bang halimbawa na dapat tularan?
Takdang-Aralin sa Aralin 9
Sa Aralin 1, pumili ka ng isang bahagi ng kasulatan na pag-aaralan mo sa buong kurso. Gamit ang mga tala na iyong inihanda sa pagsusuri at pagpapakahulugan, gumawa ka ng listahan ng mga praktikal na hakbang para sa kasulatan na iyong pinag-aaralan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.