(1) Alamin kung bakit mahalaga ang masusing pag-aaral ng Biblia para sa Kristiyano.
(2) Magawang ilista ang tatlong hakbang na kinakailangan para sa pag-aaral ng Biblia.
(3) Simulan ang proseso ng maingat na pag-aaral ng isang piling sipi ng kasulatan.
(4) Pahalagahan ang kahalagahan ng liwanag ng Banal na Espiritu para sa pagpapakahulugan ng Biblia.
Panimula
Ang isang layunin ng kursong ito ay ang matulungan ka na lumago sa iyong personal na pag-aaral at pagsasabuhay ng kasulatan. Isang mabuting unang hakbang ay ang tapat na pagsisiyasat sa iyong mga pangkasalukuyang pamamaraan ng pagbabasa ng Biblia.
► Maglaan ng ilang minuto upang talakayin ang iyong pangkasalukuyang pamamaraan ng pagbabasa ng Biblia. Hindi ito oras upang punahin ang isa’t isa; ito ang panahon upang pag-isipan ang tanong na, “Paano ko binabasa ang Salita ng Diyos?” Narito ang ilang mga tanong na dapat pag-isipan:
Gaano aka kadalas nagbabasa ng Biblia?
Kapag ako ay nagbabasa ng Biblia, gaano karaming oras ang aking ginugugol?
Paano ako pumipili ng mga sipi na babasahin?
Nauunawaan ko ba ang aking binabasa?
Natatandaan ko ba ang aking nabasa?
Naipapamuhay ko ba ang aking nabasa?
Ano ang 2–3 dahilan kung bakit hindi ko nagagawang maglaan ng mas mahabang oras sa pagbabasa ng Biblia?
Si Hun Hao, isang Kristiyano mula sa Taiwan, ay naging Kristiyano sa loob ng 15 taon, ngunit hindi masyadong nakita sa kanya ang paglago sa espirituwal. Naramdaman niya ang pagkadismaya dahil hindi siya lumalago sa pananampalataya. Isang Linggo ng umaga matapos ang pagsamba, hindi na niya napigilan ang kanyang nararamdaman. “Pastor, sinasabi mo sa akin na magbasa ng Biblia. Sinasabi mo rin na mangungusap ang Diyos sa akin sa pamamagitan ng Kanyang Salita. Sinubukan ko na! Binabasa ko ang Biblia tuwing umaga, ngunit parang wala naman itong sinasabi sa akin. Ano ang mali?”
Sumagot ang pastor, “Hun Hao, sabihin mo sa akin kung paano ka nagbabasa ng Biblia.” Ang sagot ni Hun Hao ay nagpakita ng isang mahalagang dahilan kung bakit siya nahihirapan. Sumagot siya, “Tuwing umaga bago pumasok sa trabaho, binubuksan ko ang aking Biblia at nagbabasa ng isang talata.” Muling nagtanong ang pastor, “Binabasa mo ba ang isang buong aklat ng Biblia o kahit isang buong kabanata bago ka lumipat sa iba?” “Hindi, isang talata lang ang binabasa ko tuwing umaga – kung saan man bumukas ang aking Biblia. Ngunit bihira itong makatulong sa akin!”
Upang matulungan si Hun Hao na maunawaan ang problema sa ganitong paraan ng pagbabasa ng Biblia, hiniling ng pastor na buksan niya ang kanyang Biblia at basahin ang unang talatang makita niya. Binasa ni Hun Hao, “Silang nasa Negeb ay mag-aangkin ng Bundok ng Esau, at silang nasa Shefela ay ang lupain ng mga Filisteo; at kanilang aangkinin ang lupain ng Efraim, at ang lupain ng Samaria; at aangkinin ng Benjamin ang Gilead” (Obadias 1:19).
Pagkatapos ay tinanong ng pastor si Hun Hao ng ilang katanungan. “Saan matatagpuan ang Negeb? Saan ang Shefela? Saan ang lupain ng Efraim? Nasaan ang Samaria? Benjamin? Gilead?” Ang sagot ni Hun Hao sa bawat tanong ay, “Hindi ko alam.” Sa sumunod na linggo, sinimulan nila ang isang pag-aaral sa Biblia na may pamagat na “Paano Magbasa ng Biblia.” Sa loob ng ilang linggo, natutunan ni Hun Hao ang ilang mahahalagang prinsipyo sa pagpapakahulugan ng Biblia. Unti-unti niyang naunawaan kung paano nangungusap ang kasulatan sa atin sa kasalukuyang panahon.
Ang layunin ng kursong ito ay ang matulungan kang matutunan at maisabuhay ang mga pangunahing prinsipyo sa pagpapakahulugan ng Biblia. Sa pamamagitan ng mga araling ito at mga pagsasanay, magkakaroon ka ng mga kagamitan upang maunawaan ang Salita ng Diyos, maisabuhay ito, at ito ay maituro sa iba.
Bakit Ko Dapat Pag-aralan ang Biblia?
May mga tao na iniiwasan ang pagbabasa ng Biblia dahil iniisip nila na ito ay mahirap intindihin. Marami rin sa mga naniniwala na ang Biblia ay Salita ng Diyos ang hindi nakakaalam kung paano ito maipapakahulugan at maisasabuhay. Ang pag-aaral ng Biblia ay ay nangangailangan ng pagsisikap. Ngunit sulit ba ang pagsisikap na ito? Bakit natin dapat pag-aralan ang Biblia?
Ipinapakilala ng Diyos ang Kanyang Sarili sa pamamagitan ng Kasulatan
Ipinapakita ng kasulatan kung sino ang Diyos. Ang Salita ng Diyos ay pagpapahayag ng kalikasan ng Diyos (Awit 119:15, 27). Ipinapakita ng kasulatan kung paano mag-isip ang Diyos, kung ano ang mahalaga sa kanya, kung paano siya nakikitungo sa mga tao, at kung paano siya kumikilos sa kasaysayan ng sangkatauhan. Ang kautusan ng Diyos (kung ano ang kanyang hinihingi) ay sumasalamin sa kanyang katangian, kanyang katarungan, at kanyang karunungan (Awit 119:137). Sa tuwing binabasa natin ang Biblia, dapat nating bigyang-pansin kung ano ang ipinapakita nito tungkol sa Diyos.
Ipinapakilala ng kasulatan ang Diyos sa sumasamba sa kanya. Ginagabayan din nito kung paano dapat tumugon ang sumasamba sa Diyos, ipinapakita ang tamang paraan ng pamumuhay.
Ang Biblia ay isang Ilawan
Inihambing ng Salmista ang Salita ng Diyos sa isang ilawan na gumagabay sa atin sa tamang pamumuhay (Awit 119:105). Ang Biblia ay katotohanan ng Diyos na nagtuturo sa atin kung paano mag-isip at mamuhay.
► Basahin ang Awit 19:7-11, Awit 119:160, 2 Timoteo 3:16-17.
Ang Salita ng Diyos ang pinagmumulan ng tamang doktrina. Ang Biblia ay nagtataglay ng lahat ng kaalaman na kinakailangan para sa kaligtasan at kabanalan. Ang prinsipyong ito ay hindi nangangahulugan na mauunawaan na natin ang lahat ng nasa kasulatan nang walang anumang tulong. Hindi rin ito nangangahulugang hindi na mahalaga ang tradisyon. Ito ay nangangahulugan na ang Salita ng Diyos ang may pinakamataas na awtoridad para sa isang mananampalataya.
Dahil ang Salita ng Diyos ang pinagmumulan ng katotohanan, ang kaalaman sa kasulatan ang maghahanda at magbibigay sa atin ng kakayahan para sa ministeryo. Kapag itinuro natin ang Salita ng Diyos nang tama, nagtuturo tayo sa awtoridad ng Diyos. Ang katotohanan ay mula sa kanya, hindi sa atin.
Ang Biblia ay Espirituwal na Gatas
Sinabi ni Pedro na ang mga mananampalataya ay dapat na maghangad sa Biblia tulad ng isang bagong silang na sanggol na naghahangad ng gatas (1 Pedro 2:2). Kung paanong kailangan ng isang sanggol ang gatas upang lumakas at lumaki ang pangangatawan, kailangan din ng isang Kristiyano ang kasulatan upang lumago sa espirituwal. Kung wala tayong palagiang pagkain mula sa Salita ng Diyos, hindi tayo kailanman lalago tungo sa espirituwal na paglago.
Habang natututuhan natin ang tamang paraan ng pagpapakahulugan ng Biblia at nasasanay sa pagkilala ng katotohanan mula sa Salita ng Diyos, tayo ay lumalago (Hebreo 5:14). Ang kakayahan nating gamitin ang Salita ng Diyos para turuan ang iba ay unti-unting nahuhubog.
Ang Biblia ay Matamis na Gaya ng Pulot-Pukyutan
Inihambing ng Salmista ang Salita ng Diyos sa pulot-pukyutan (Awit 19:10, Awit 119:103). Ang pulot-pukyutan ay parehong masustansiya at matamis. Dapat nating ituring ang pag-aaral ng Salita ng Diyos bilang isang kagalakan, hindi bilang isang mabigat na gawain. Kung paano na ang isang sundalo sa digmaan ay nagagalak kapag nakatatanggap ng liham mula sa kanyang pamilya, ganoon din tayo dapat magalak sa pagbabasa ng Biblia, ang liham ng Diyos para sa kanyang mga anak.
Kapag ang isang batang Judio ay nagsisimula nang mag-aral upang matutong magbasa ng Kautusan, ang guro ay maglalagay ng pulot-pukyutan sa unang mga letra ng alpabeto, at didilaan ito ng bata upang malasahan ang tamis nito. Ginagamit ng guro ang paraang ito “upang turuan ang bata na iugnay ang [ang Kautusan] sa kagalakan at mabuting lasa.”[1]
Ang Biblia ay Ang Espada ng Espiritu
Ang Salita ng Diyos ay ating sandata sa espirituwal na labanan (Efeso 6:17). Nang si Jesus ay tinukso sa ilang, ginamit Niya ang kasulatan mula sa Deuteronomio upang sagutin ang mga pagsalakay ni Satanas (Mateo 4:1-11).
Ang kasulatan ay nagbibigay sa atin ng kapangyarihan para magtagumpay sa espirituwal na labanan at maging epektibo sa ministeryo. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng Biblia, tayo ay nahahanda upang tumugon sa maling aral, mapatatag ang ating mga kongregasyon sa tunay na doktrina, at maglingkod nang maayos sa mundong ginagalawan natin ngayon.
Mga Maling Dahilan ng Pag-aaral ng Kasulatan:
► Basahin ang Hebreo 4:12-13.
Maraming mabuting dahilan upang pag-aralan ang kasulatan, ngunit minsan may mga tao na nagbabasa o nag-aaral nito na may maling layunin.
May mga tao na nag-aaral ng kasulatan upang mangalap lamang ng ebidensya upang ipagtanggol ang kanilang sariling opinyon. Marahil nais pa nga nilang gamitin ang kanilang kaalaman upang kontrolin ang iba na nasa ilalim ng kanilang impluwensya.
May mga tao na nag-aaral ng kasulatan dahil sa mapagmataas na dahilan. Marahil iniisip nila na magkakaroon sila ng mataas na katayuan sa espirituwal at magiging higit sila sa ibang tao. Baka gusto nila na humanga sa kanila ang mga tao dahil sa kanilang mga narating. O marahil ay iniisip nila na sa pamamagitan ng pag-aaral ng kasulatan ay makakakuha sila ng pabor mula sa Diyos.
Ang lahat ng mga ito ay mga maling dahilan sa pagbabasa o pag-aaral ng kasulatan. Ipinapakita ng Hebreo 4:12-13 kung ano ang tamang paguugali sa pagbabasa ng kasulatan. Sa halip na gamitin ang kasulatan para sa mga makasariling layunin, dapat nating tandaan na ito ay Salita ng Diyos, hindi sa atin. Dapat natin itong pag-aralan ng may paggalang at takot sa Diyos. Ang Biblia ang ating awtoridad, at tayo ay dapat magpasakop dito. Kapag ito ay itinuturo natin sa iba, dapat natin itong gawin nang may kababaang-loob.
Kapag pinag-aaralan at itinuturo natin ang Salita ng Diyos sa ganitong paraan, inilalantad nito ang kasalanan o pagkakamali sa ating buhay at ipinapakita kung paano tayo dapat tumalikod dito. Binabago nito ang ating buhay at ang buhay ng mga tao na ating pinaglilingkuran at pinamumunuan.
► Anong proseso ang ginagamit mo ngayon kapag ikaw ay nag-aaral ng isang sipi ng kasulatan? Pag-usapan ang mga tiyak na hakbang na iyong ginagawa upang maunawaan ang kahulugan ng isang teksto sa Biblia.
Sumang-ayon si Hun Hao na mahalaga ang pag-aaral ng Biblia. Gayunpaman, hindi niya alam kung paano pag-aralan ang kasulatan. Kailangan niya ng isang pamamaraan.
Ang kursong ito ay inilaan upang magbigay ng isang pamamaraan para sa epektibong pag-aaral ng Biblia. Maaaring gamitin ng mga pastor ang mga hakbang na ito sa paghahanda ng sermon. Maaaring gamitin ng mga guro ng Biblia ang mga hakbang na ito sa paghahanda ng mga aralin sa Biblia. Ang bawat mananampalataya ay makikinabang sa paggamit ng pamamaraang ito para sa personal na paglagong espirituwal.
Ang pamamaraang susundin sa kursong ito ay may tatlong hakbang.
Pagsusuri
Sa hakbang na ito, tinatanong natin ang ating sarili, "Ano ang nakikita ko sa Biblia?" Sa bahaging ito, sinusuri natin ang lahat ng detalye na posible tungkol sa kasulatan. Maraming mga mambabasa ang hindi dumadaan sa pagsusuri at nagbibigay agad ng pagpapakahulugan. Hindi natin tunay na mauunawaan ang kasulatan hangga't hindi natin maingat na nasusuri ang sinasabi nito. Sa hakbang ng pagsusuri, tinitingnan natin ang mga detalye ng mismong teksto ng kasulatan. Matututo tayong tukuyin ang mga detalye na mahalaga sa mensahe ng kasulatan. Lalo na, pag-aaralan natin ang mga termino, istruktura, anyo ng panitikan, at konteksto.
Mga Salita
Kapag nag-aaral ng isang aklat ng Biblia, tinitingnan natin ang mga salitang ginamit ng maraming beses sa buong aklat. Sa 1 Juan, ginagamit ang ilang anyo ng salitang alam nang higit sa 30 beses sa loob ng 5 kabanata. Kapag pinag-aaralan natin ang liham ni Juan, maaari nating simulan ang pagsusuri sa salitang ito sa buong aklat. Ang paggawa ng listahan ng mga bahagi ng aklat kung saan ginamit ni Juan ang salitang alam ay makakatulong sa atin na magsimula sa pagpapaliwanag ng kanyang mensahe. Upang maunawaan ang mensahe ni Juan, maaari nating itanong, “Ano ang sinasabi ni Juan na maaari nating malaman?” at “Ano ang mga katangian ng mga taong may alam?”
Istruktura
Ang mga aklat ng Biblia ay maingat na isinulat sa ilalim ng inspirasyon ng Banal na Espiritu. Kapag nag-aaral ka ng isang aklat tulad ng Ebanghelyo ni Juan, makikita mong inayos ni Juan ang kanyang ebanghelyo sa pitong tanda na nagpapakita kung sino si Jesus. Sa pagsusuri natin sa istruktura ng aklat, mas mauunawaan natin ang layunin ni Juan.
Kapag nag-aaral tayo ng isang sipi, maaaring makita natin na ang istruktura nito ay sumusunod sa isang kwento (tulad ng sa Lucas 9:28-36). Maaaring magbigay ito ng mga dahilan para sa isang pagwawakas (tulad ng sa Roma 6:1-13). Maaari rin itong gumamit ng mga detalye upang magbigay ng listahan ng mga puntos (tulad ng sa Efeso 6:13-18). Mayroon ding iba’t ibang uri ng istruktura.
Anyo ng Panitikan
Si Pablo ay sumulat ng napakaayos na sulat upang ipaglaban ang kanyang punto na parang isang abogado na dahan-dahang binubuo ang kanyang argumento hanggang sa pinakamahalagang punto. Upang maunawaan nang mabuti ang Roma o iba pa niyang mga liham, kailangang sundan nang maigi ang daloy ng pag-iisip ni Pablo.
Sa kabaligtaran, ang Jonas ay isang maikling tala ng kasaysayan na isinulat upang ipakita ang pagmamahal ng Diyos para sa lahat ng tao. Upang mabasa ito ng maayos, kailangan mong itanong, “Ano ang dahilan kung bakit ito isang nakakagulat, kakaibang kwento?” Magiging handa ka nang ipaliwanag ang aklat ni Jonas sa pamamagitan ng pagtatanong, “Ano ang kahulugan ng mga detalye sa kwentong ito?”
Konteksto
Dito tayo ay nagtatanong ng mga katanungan tulad ng, "Nasaan si Pablo nang isulat niya ang Liham sa mga Filipos na may mensahe ng kagalakan?" Siya ay nasa Roma, naghihintay ng paglilitis at posibleng pagkapataw ng parusang kamatayan. Ang sitwasyon na ito ay nagpapakita sa atin ng mga dahilan kung bakit sinabi ni Pablo na siya ay may kagalakan, dahil naramdaman niya ang kagalakang iyon kahit na siya ay nasa isang mahirap na sitwasyon.
“Nasaan si Juan nang ang mga langit ay nabuksan upang ipakita ang walang hanggang plano ng Diyos sa aklat ng Apocalipsis?” Siya ay ipinatapon sa isla ng Patmos. Ang panahon ng pag-uusig ay naging malaking pampatibay-loob sa pananampalataya dahil ipinakita ng mensahe ang tagumpay ng Diyos.
Pagpapakahulugan
Sa hakbang na ito, tinatanong natin, "Ano ang ibig sabihin ng Biblia?" Matapos tayong mangalap ng maraming pagsusuri, titingnan natin ang mensahe ng kasulatan. Matututo tayong hanapin ang malalaking tema na nag-uugnay sa buong aklat pati na rin ang mensahe ng bawat kabanata at mga talata. Tatanungin natin, "Ano ang mensahe ng aklat na ito para sa mga unang mambabasa?" Hahanapin din natin ang mga prinsipyo na totoo sa lahat ng panahon, mga lugar, at mga kultura.
Pagsasabuhay
Sa hakbang na ito, tinatanong natin, "Paano ko maisasabuhay ang Biblia sa aking buhay at ministeryo ngayon?" Hindi sapat na maintindihan lamang ang kahulugan nito nang hindi ito isinasabuhay.
Sa kanyang aklat, ipinapayo ni Howard Hendricks ang dalawang tanong tungkol sa pagsasabuhay: [1]
1. Paano ito makakatulong sa akin? Tinitingnan nito ang pagsasabuhay ng kasulatan sa aking buhay.
2. Paano ito makakatulong sa iba? Tinitingnan nito ang pagsasabuhay ng kasulatan sa buhay ng mga tao na aking pinaglilingkuran.
May isang propesor sa unibersidad sa Inglatera na kilalang-kilala bilang eksperto sa kasaysayan ng iglesia. Sa larangan ng pag-aaral, mahusay ang kanyang kaalaman sa Biblia; pero sa personal na buhay, tinatanggihan niya ang paniniwala sa Diyos o sa Salita ng Diyos. Marami siyang alam tungkol sa pagsusuri at pagpapakahulugan. Sa kasamaang-palad, hindi niya kailanman isinabuhay ang katotohanan ng kasulatan.
Ipinakita ni Santiago ang ganitong uri ng tao sa mga salitang ito: “Sapagkat kung ang sinuman ay tagapakinig ng salita at hindi tagatupad, siya ay katulad ng isang tao na tinitingnan ang kanyang likas na mukha sa salamin; sapagkat minamasdan niya ang kanyang sarili at umaalis, at agad niyang nalilimutan kung ano ang kanyang katulad” (Santiago 1:23-24). Ang propesor sa Inglatera ay isang matinding halimbawa; gayunpaman, marami pa ring tao ang nakakalam kung ano ang sinasabi ng kasulatan, ngunit hindi ito naipapamuhay sa kanilang araw-araw na buhay. Ang tunay na pag-aaral ng Biblia ay dapat magdulot ng praktikal na pagsasabuhay.
[1]Howard G. Hendricks and William D. Hendricks, Living by the Book (Chicago: Moody Publishers, 2007)
Ang Papel ng Banal na Espiritu sa Pagpapakahulugan
► Maaari bang maunawaan ng isang hindi mananampalataya ang kahulugan ng kasulatan?
Ang sagot sa tanong na ito ay “Oo, ngunit tanging bahagya lamang.” Sa kursong ito, pag-aaralan natin ang isang proseso upang gabayan ang ating pagpapakahulugan. Ang mga hakbang na ito ay makakatulong sa atin upang maunawaan ang mensahe ng Salita ng Diyos. Ang Biblia, kapag binasa tulad ng ibang mga aklat, ay magpapakita ng maraming katotohanan sa sinumang mambabasa.
Gayunpaman, kung wala ang liwanag ng Banal na Espiritu, ang pag-unawa ng isang tao ay laging magiging limitado. Ang matalinong pag-aaral ay hindi kailanman makakapagpahayag ng espirituwal na katotohanan. Sumulat si Pablo:
Sapagkat sinong tao ang nakakaalam ng isipan ng isang tao, kundi ang espiritu ng tao na nasa kanya? Kaya't walang nakakaalam ng mga isipan ng Diyos, maliban sa Espiritu ng Diyos. Ngayon ay aming tinanggap, hindi ang espiritu ng sanlibutan, kundi ang Espiritung mula sa Diyos, upang aming malaman ang mga bagay na walang bayad na ibinigay sa amin ng Diyos. Na ang mga bagay na ito ay aming sinasabi hindi sa mga salitang itinuro ng karunungan ng tao, kundi ng itinuturo ng Espiritunaipinapaunawaang mga espirituwalng mga espirituwal. Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu (1 Corinto 2:11-14).
Ang isang hindi mananampalataya ay maaaring makaunawa ng ilan sa mensahe ng kasulatan, ngunit ang mga malalalim na katotohanan ng Biblia ay ipinapahayag sa pamamagitan ng liwanag ng Banal na Espiritu. Ang pag-aaral ng kasulatan ay higit pa sa pagkuha ng impormasyon; ito ay nangangailangan ng pananampalataya at pagsunod. Hangga't hindi tayo nagspapasakop sa awtoridad ng Salita ng Diyos, hindi magagawa ng Espiritu ng Diyos ang kanyang gawain ng pagbabago sa ating buhay. Dahil dito:
1. Ang ating pag-aaral ng kasulatan ay dapat pangunahan ng panalangin. Dapat nating hingin sa Banal na Espiritu na gabayan ang ating pag-aaral. Sumulat si Santiago, "Ngunit kung ang sinuman sa inyo ay nagkukulang ng karunungan, humingi siya sa Diyos na nagbibigay nang sagana sa lahat at hindi nanunumbat, at iyon ay ibibigay sa kanya" (Santiago 1:5).
2. Ang ating pag-aaral ng kasulatan ay dapat sundan ng isang personal na tugon. Ang layunin ng pag-aaral ng Biblia ay hindi lamang para sa matalinong impormasyon; ang layunin ay personal na pagbabago. Kung tayo ay hindi nababago sa pamamagitan ng ating pag-aaral, hindi natin natutunan ang tunay na layunin ng pag-aaral. Ang pagbabagong ito ay nangyayari lamang sa pamamagitan ng Banal na Espiritu.
Sa parabula ni Jesus tungkol sa manghahasik at buto, ang ibang buto ay nahulog sa daan at kinain ng mga ibon. Ang iba buto naman ay walang ugat at namatay nang uminit ang araw. Ang iba naman ay nabulid ng mga tinik. Ngunit ang ibang buto ay nahulog sa mabuting lupa at namunga. Ipinaliwanag ni Jesus na ang mabuting lupa ay ang tao na parehong nakikinig at nauunawaan ang Salita (Mateo 13:3-23). Ipinapakita ng parabula na posible ang makinig sa Salita nang hindi ito nauunawaan. Nauunawaan lamang natin ng lubusan ang Salita ng Diyos kapag binuksan natin ang ating mga puso sa tinig ng Banal na Espiritu.
Ipinapakilala ng Diyos ang kanyang sarili sa pamamagitan ng kasulatan.
Ang Biblia ay isang ilawan.
Ang Biblia ay espirituwal na gatas.
Ang Biblia ay matamis na gaya ng pulot-pukyutan.
Ang Biblia ay ang espada ng Espiritu.
(2) May tatlong hakbang sa proseso ng pag-aaral ng Biblia.
Pagsusuri: Ano ang nakikita ko sa Biblia? Pag-aralan:
Mga Salita
Istruktura
Anyo ng Panitikan
Konteksto
Pagpapakahulugan: Ano ang ibig sabihin ng Biblia?
Pagsasabuhay: Paano ko maisasabuhay ang Biblia sa aking buhay at ministeryo ngayon? Itanong:
Paano ito makakatulong sa akin?
Paano ito makakatulong sa iba?
(3) Dapat tayong magkaroon ng liwanag ng Banal na Espiritu kapag nag-aaral ng Biblia. Dahil dito
Ang ating pag-aaral ng kasulatan ay dapat pangunahan ng panalangin.
Ang ating pag-aaral ng kasulatan ay dapat sundan ng isang personal na tugon.
Takdang-Aralin sa Aralin 1
Para simulan ang proseso ng pagpapakahulugan, pumili ng isa sa mga sumusunod na sipi mula sa kasulatan.
Deuteronomio 6:1-9
Josue 1:1-9
Mateo 6:25-34
Efeso 3:14-21
Colosas 3:1-16
Pag-aaralan mo ang kasulatang ito sa buong kurso. Para sa unang aralin, maingat na basahin ang kasulatan. Gumawa ng mga tala sa tatlong bahagi:
1. Pagsusuri: Ilista ang mga detalye na maaari mong matukoy tungkol sa kasulatan na iyong pinili. Depende sa kasulatan, magiging magkaiba-iba ang iyong mga detalye. Narito ang ilang mga tanong na maaaring makatulong sa iyo:
Saan naganap ang mga kaganapang itinala sa kasulatang ito?
Sino-sino ang mga tauhan sa kasulatang ito?
Ano ang ipinag-uutos ng kasulatang ito?
Anong mga salita ang paulit-ulit na ginagamit sa kasulatang ito?
2. Pagpapakahulugan: Sa 2-3 pangungusap, ibuod ang pangunahing mensahe ng sipi.
3. Pagsasabuhay: Ilista ang 2-3 paraan kung paano mo maisasabuhay ang kasulatan na ito sa iyong buhay at ministeryo.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.