Lesson 3: Pagsusuri: Pagtingin sa mga Mas Malalaking Bahagi
26 min read
by Randall McElwain
Mga Layunin ng Aralin
(1) Makita ang kahalagahan ng konteksto sa pagbabasa ng kasulatan.
(2) Mas maging sensitibo sa layunin at layunin ng mga may-akda ng Biblia sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga detalye na binibigyang-diin sa isang aklat.
(3) Magsanay sa pagsusuri ng mas malalaking bahagi ng kasulatan.
(4) Mangalap ng impormasyon sa isang talaan para sa karagdagang pag-aaral.
May mga binabasa tayong hindi mahalaga; tulad ng nobela kapag nagpapalipas-oras lang habang naglalakbay. May mga binabasa tayong kaunti lang ang halaga; tulad ng diyaryo para malaman ang balita. Ngunit ang pagbabasa ng Biblia ay napakahalaga dahil dito natin naririnig ang boses ng Diyos. Sinabi ni Pablo, " Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran" (2 Timoteo 3:16-17). Dahil dito, maingat nating binabasa ang Biblia, nakikinig sa Diyos habang siya'y nangungusap.
Sa Aralin 2, gumawa tayo ng pagsusuri tungkol sa bawat talata. Sa araling ito, pag-aaralan natin ang mga mas malalaking sipi. Ang mga ito ay gaya ng mga talata, kabanata, o buong aklat. Sa isang makasaysayang kuwento, ang mas malalaking sipi ay maaaring isang buong kuwento. Sa mga ebanghelyo naman, maaari nating pag-aralan ang isang talinghaga, himala, o sermon. Sa isang sulat , ang mas malalaking bahagi ay maaaring isang bahagi na nakatuon sa iisang tema lamang.
Ang Biblia ay hindi orihinal na nahati sa mga kabanata at talata. Noong ika-13 siglo, hinati ni Stephen Langton ang Biblia sa mga kabanata upang mas madali itong pag-aralan. Noong ika-16 siglo naman, inilimbag ni Robert Estienne ang isang Biblia na hinati sa mga talata. Ang paghahati sa mga kabanata at talata ay nakakatulong sa atin upang mas madali nating mapag-aralan ang Biblia. Ngunit minsan, ang mga hati na ito ay hindi eksaktong sumusunod sa tunay na daloy ng teksto. Kaya huwag hayaan na ang mga kabanata ang magdikta sa iyong pag-aaral; sundin mo ang malinaw na pagkakahati ng teksto ayon sa maayos na pagkakasunod-sunod ng mga talata.
Sa araling ito, pag-aaralan natin ang isang talata, ang Nehemias 1:4-11. Magbibigay ito ng isang huwaran para sa iyong pag-aaral sa hinaharap. Matututunan natin ang ilang paraan ng pag-aaral ng isang talata. Tandaan na hindi lahat ng uri ng pag-aaral ay angkop sa bawat aklat. Ang araling ito ay magbibigay sa iyo ng mga kagamitan na magagamit mo. Habang pinag-aaralan mo ang isang aklat sa Biblia, kailangang mong magpasya, “Aling kagamitan ang pinakamabuti gamitin para sa aklat na ito?”
Paghanap ng Konteksto ng Talata
Nehemias 1:4-11:
Nang marinig ko ang mga salitang ito, ako'y umupo, umiyak, at tumangis nang ilang araw; at ako'y nagpatuloy sa pag-aayuno at pananalangin sa harapan ng Diyos ng langit.
Aking sinabi “O, Panginoong Diyos ng langit, ang dakila at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan at ng tapat na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya, at nag-iingat ng kanyang mga utos; makinig ka sana ngayon at imulat ang iyong mga mata upang makinig sa dalangin ng iyong lingkod, na aking idinadalangin ngayon sa harap mo araw at gabi para sa mga anak ni Israel na iyong mga lingkod. Aking ipinahahayag ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming nagawa laban sa iyo. Ako at ang aking sambahayan ay nagkasala. Napakasama ng aming nagawa laban sa iyo, at hindi namin iningatan ang mga utos, mga tuntunin, o ang mga batas na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises.
Alalahanin mo ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises, na sinasabi, ‘Kapag kayo'y hindi tapat, ikakalat ko kayo sa lahat ng mga bayan; ngunit kung kayo'y manumbalik sa akin, at ingatan ninyo ang aking mga utos at gawin ang mga ito, bagaman ang inyong pagkawatak-watak ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng mga langit, aking titipunin sila mula roon at dadalhin ko sila sa lugar na aking pinili upang patirahin doon ang aking pangalan.’
Ang mga ito ang iyong mga lingkod at ang iyong bayan, na tinubos mo sa pamamagitan ng iyong dakilang kapangyarihan at sa pamamagitan ng iyong malakas na kamay. O Panginoon, pakinggan mo nawa ang panalangin ng iyong lingkod na nalulugod na igalang ang iyong pangalan. Pagtagumpayin mo ngayon ang iyong lingkod, at pagkalooban mo siya ng kaawaan sa paningin ng lalaking ito.”
Noon ay tagapagdala ako ng kopa ng hari.
Sa pag-aaral ng isang talata, kailangan nating malaman kung ano ang konteksto o kalagayan ng talatang iyon. Sa Nehemias 1:4, makikita natin na kailangan nating balikan ang simula ng kabanata.
Nang marinig ko ang mga salitang ito....
“Ang mga salitang ito" ay humihiling na ating tingnan ang mga naunang talata upang malaman natin kung anong mga salita ang narinig ni Nehemias na naging dahilan ng kanyang reaksiyon.
Nehemias 1:1 ang nagbibigay ng konteksto para sa aklat ng Nehemias:
Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias. Sa buwan ng Chislev, nang ikadalawampung taon, samantalang ako'y nasa Susa na siyang kabisera...
Ang Aralin 2 ay nagbigay ng mga tanong na dapat itanong habang pinag-aaralan ang talatang ito.
Sino? "Si Nehemias na anak ni Hacalias." May isa pang Nehemias na binabanggit sa aklat na ito (Nehemias 3:16). Sa paggamit ng apelyido ("anak ni Hacalias"), malalaman natin kung sinong Nehemias ang tinutukoy dito.
Kailan? “Sa buwan ng Chislev, nang ikadalawampung taon.” Ayon sa Bible dictionary, ang buwan ng Chislev sa kalendaryong Hebreo ay katumbas ng Nobyembre hanggang Disyembre.[1] Ang “nang ikadalawampung taon” ay hindi agad malinaw dahil hindi natin alam kung ang ibig sabihin ba ng may-akda na ito ay ang ika-dalawampung taon ng buhay ni Nehemias, taon mula sa isang makasaysayang pangyayari, o iba pang sanggunian. Sa puntong ito, maaari nating lagyan ng tandang pananong ang pariralang ito. Sa Nehemias 2, matututunan natin ang kasagutan; “nang ikadalawampung taon ni Artaxerxes na hari.” Nagsimula ang Nehemias sa buwan ng Nobyembre/Disyembre sa ika-dalawampung taon ng paghahari ni Haring Artaxerxes.
Saan? Si Nehemias ay nasa "sa Susa na siyang kabisera." Mula sa isang diksyunaryo o aklat ng mga mapa sa mga lugar, malalaman natin na may dalawang palasyo sa Persia. Ang palasyo sa tag-araw ay nasa Ekbatana, at ang palasyo sa taglamig ay ang napakagandang palasyo sa Susa. Ang aklat na ito ay nagsimula noong nasa palasyo ng taglamig si Nehemias kasama ni Haring Artaxerxes sa Susa.
Kung nag-aaral ka gamit ang computer, makatutulong na ayusin mo ang talata para ipakita ang kaugnayan ng bawat parirala. Ganito magiging hitsura ng talata (Nehemias 1:1):
Ang mga salita ni Nehemias na anak ni Hacalias.
Sa buwan ng Chislev,
nang ikadalawampung taon,
samantalang ako'y nasa Susa na siyang kabisera...
Ang talata 1 ay nagbibigay ng tagpuan kung saan naganap ang aklat ni Nehemias. Ang talata 2 at 3 naman ay nagbibigay ng tagpuan na dahilan ng panalangin ni Nehemias. Habang nasa Susa si Nehemias, “Si Hanani, isa sa aking mga kapatid, ay dumating na kasama ang ilang lalaki mula sa Juda.” Dalawang bagay ang itinanong ni Nehemias:
Tinanong ko sila
tungkol sa mga Judio na natirang buháy, na nakatakas sa pagkabihag,
at tungkol sa Jerusalem.
Sa kanilang tugon, ang mga lalaki na mula Juda ay nag-ulat ng dalawang problema:
“Ang mga natirang buháy sa lalawigan na nakatakas sa pagkabihag ay nasa isang malubhang kalagayan at kahihiyan.”
“Ang pader ng Jerusalem ay wasak at ang mga pintuan nito ay natupok ng apoy.”
Ipinapakita nito ang mga suliraning nagganyak kay Nehemias na manalangin. Pagkatapos pag-aralan ang konteksto ng panalangin, handa na tayong magsimula sa pagsusuri tungkol sa mismong nilalaman ng panalangin.
Mga Detalye na Dapat Hanapin sa Pagbabasa ng Talata
Ang iyong pagsusuri sa isang talata ay nakadepende sa istilo ng sipi. Kung ito ay kwentong kasaysayan nakapalaoob dito ang sino, ano, kailan, at saan. Ang doktrina ng isang sipi ay kinapapalooban ng mga tanong na may kaugnayan sa katuruan.[1]
Ang Nehemias 1:5-11 ay isang panalangin. Ang kanyang panalangin ay kinapapalooban ng:
Pagpupuri sa "dakila at kasindak-sindak na Diyos, na nag-iingat ng tipan."
Pagpapahayag ng kasalanan para sa “ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel, na aming nagawa laban sa iyo."
Paghingi ayon sa pangako ng Diyos "kung kayo'y manumbalik sa akin… aking titipunin sila mula roon at dadalhin ko sila sa lugar na aking pinili upang patirahin doon ang aking pangalan."
Sa bahaging ito, mahalagang mapansin ang mga hindi pangkaraniwang detalye sa sipi. Ang panalangin ni Nehemias ay sinundan ng isang detalye sa talambuhay: “Noon ay tagapagdala ako ng kopa ng hari.” Sa unang tingin tila hindi ito mahalaga, ngunit ang impormasyon na ito ay magiging mahalaga sa takbo ng kuwento.
Sa pag-aaral ng salitang tagapagdala ng kopa mula sa diksyunaryo ng Biblia,[2] matutuklasan natin na hindi lamang simpleng alipin ang isang tagapagdala ng kopa; siya ay isang opisyal na may mataas na ranggo at isang pinagkakatiwalaan ng hari.[3]
Anong detalye ang dapat nating mapansin sa isang talata? Tingnan natin kung mayroon ba itong:
Pangkalahatan tungo sa mga Tiyak na Ugnayan
Maraming talata sa Biblia ang nagsisimula sa isang pangkalahatang pahayag na nilinang sa pamamagitan ng mga tiyak na detalye. Ang mga detalyeng ito ay tumutulong upang mas maipaliwanag at masuportahan ang pangunahing pahayag.
Ang pangkalahatan tungo sa mga tiyak na ugnayan ay karaniwan sa mga liham ni Pablo. Sa Galacia 5:16, ikinumpara niya ang pamumuhay ayon sa Espiritu at pamumuhay ayon sa laman: “Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.” Ang pangkalahatang pahayag na ito ay sinundan ng mga tiyak na halimbawa. Sa Galacia 5:19-21 binanggit niya ang mga gawa ng laman; sa Galacia 5:22-23 ipinakita niya ang bunga ng Espiritu.
Ang ilang mga salaysay ay sumusunod sa pangkalahatan hanggang sa tiyak na tularan. Ang Genesis 1 at 2 ay sumusunod sa tularan na ito, na kumikilos mula sa isang pangkalahatang pahayag patungo sa mga tiyak na detalye. Ito ay may tatlong hakbang:
1. Ang Genesis 1:1 ay nagbibigay ng pangkalahatang pahayag: “Nang pasimula, nilikha ng Diyos ang langit at ang lupa.”
2. Ang Genesis 1:3-31 ay nagbibigay ng mas maraming detalye tungkol sa paglikha. Sa unang araw, nilikha ng Diyos ang liwanag; sa ikalawang araw, inihiwalay ng Diyos ang tubig at ang kalangitan; at iba pa.
3. Ang Genesis 2 ay mas lalo pang naging tiyak. Ang nagsasalaysay ay kumilos mula sa pangkalahatang paglikha ng mundo patungo sa tiyak na paglikha ng tao. Mula sa buong mundo patungo sa isang tiyak na lugar, ang Hardin ng Eden. Pati ang paggamit ng pangalan ng Diyos ay nagbago. Sa Genesis 1, ang ginamit ay Diyos, isang pangkalahatang pangalan ng kapangyarihan. Sa Genesis 2, ginamit ang pangalan na PANGINOONGDiyos, isang personal na pangalan na nagpapakita ng kanyang malapit na ugnayan kay Adan at Eba. [4]
Ang tularan na ito ay karaniwang kumikilos mula sa pangkalahatan hanggang sa tiyak. Minsan binabaligtad ang pagkakasunud-sunod, kumikilos mula sa tiyak patungo sa pangkalahatan. Sa 1 Corinto 13, ibinigay ni Pablo ang mga detalye ng pag-ibig sa mga talata 1-12. Ang kabanata ay nagtatapos sa isang pangkalahatang pahayag na nagbubuod sa pagtuturo ni Pablo: “At ngayon ay nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig, ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.”
Mga Bahagi ng Tanong at Sagot
Kapag ang isang talata ay nagsimula sa isang tanong, ang tanong ay nagpapakita ng kahalagahan ng buong talata. Madalas gamitin ang ganitong paraan sa Roma. Sa mga nagsasabing ang biyaya ay nagbibigay ng pahintulot para mamuhay sa kasalanan, tinatanong ni Pablo, “Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?” (Roma 6:1). Pagkatapos ay ipinakita niya na ang biyaya ng Diyos ang nagbibigay-lakas sa Kristiyano para mapagtagumpayan ang kasalanan, “Huwag nawang mangyari. Tayong mga namatay na sa pagkakasala, paano nga tayong mabubuhay pa roon?” (Roma 6:2).
Ang Ebanghelyo ni Marcos ay madalas gumamit ng ganitong istruktura. Sa Marcos 2:1–3:6, limang pangyayari ang nagsisimula sa mga tanong. Apat na beses, ang mga kalaban ang nagtanong. Sa bawat pagkakataon, tumutugon si Jesus ng isang depensa. Sa huling pangyayari, si Jesus naman ang nagtanong at hindi nasagot ng mga Pariseo. Mapapansin natin na ito ang nagbibigay ng istruktura sa malalaking bahagi. Kung wala ito, para lang tayong nagbabasa ng limang magkakahiwalay na kwento. Kapag nakita natin ang istruktura na binuo ng mga tanong at sagot, makikita natin na ang limang kwento ay nagsasama-sama upang makapagbigay ng isang patotoo tungkol sa awtoridad bilang mesiyas ng Anak ng Tao.
1. Pagpapagaling sa isang paralitikong lalaki (Marcos 2:1-12)
Tanong: “Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”
Sagot: Ipinakita ni Jesus ang kanyang awtoridad sa pamamagitan ng pagpapagaling sa paralitikong lalaki.
2. Pagkain kasama ng mga makasalanan (Marcos 2:13-17)
Tanong : “Bakit siya kumakaing kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”
Sagot: “Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.
3. Pag-aayuno (Marcos 2:18-22)
Tanong: “Bakit nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng mga Fariseo, ngunit hindi nag-aayuno ang iyong mga alagad?”
Sagot: “Habang kasama pa nila ang lalaking ikakasal, hindi sila maaaring mag-ayuno.”
4. Mga kautusan ng Sabbath (Marcos 2:23-28)
Tanong: “Bakit nila ginagawa ang hindi ipinahihintulot sa araw ng Sabbath?”
Sagot: “Ang Anak ng Tao ay Panginoon maging ng Sabbath.”
5. Pagpapagaling sa Sabbath (Marcos 3:1-6)
Tanong: “Ipinahihintulot ba na gumawa ng mabuti sa araw ng Sabbath, o ang gumawa ng masama?”
Sagot: Ang mga kalaban ni Jesus ay tumahimik.
Pag-uusap
Madalas ipakita ng mga ebanghelyo ang pag-uusap sa pagitan ni Jesus at ng mga tao sa kanyang paligid. Mas mauunawaan natin ang mga turo ni Jesus kung magtatanong tayo ng mga katanungan na tulad ng:
Sino-sino ang mga kasali sa pag-uusap?
Sino ang mga nakikinig sa pag-uusap? Paano sila tumugon?
Anong alitan o sitwasyon ang nagdulot ng pag-uusap?
Sa Mateo 21:23–22:46 makikita natin ang sunod-sunod na usapan sa pagitan ni Jesus at ng kanyang mga kalaban. Ang bawat grupo ay nagtanong ng mga katanungan na ginawa nila para hulihin si Jesus.
Una, tinanong ng mga pinuno ng relihiyon kung sino ang nagbigay kay Jesus ng awtoridad (Mateo 21:23-46).
Nagsama ang mga Pariseo at mga Herodiano (na madalas ay magkalaban) para subukang hulihin si Jesus gamit ang tanong tungkol sa pagbabayad ng buwis (Mateo 22:15-22).
Ang mga Saduseo (na hindi naniniwala na muling mabubuhay ang mga patay) ay nagtanong tungkol sa kasal pagkatapos ng muling pagkabuhay (Mateo 22:23-32).
Muling sumubok ang mga Pariseo at nagtanong sila kay Jesus tungkol sa mga kautusan (Mateo 22:34-40).
Sa huli, tinapos ni Jesus ang pagtatalo sa pamamagitan ng pagtatanong din sa kanila ng isang tanong na hindi nila kayang sagutin (Mateo 22:41-46).
Pinanood ng mga tao kung paano sinubukan ng bawat grupo na bitagin si Jesus, at nakita rin nila kung paano napatahimik ni Jesus ang bawat nagtanong. “Nang marinig ito ng napakaraming tao, namangha sila sa kanyang aral” (Mateo 22:33).
Mahalaga ang pag-uusap sa aklat ng Job. Ang aklat na ito ay naglalaman ng usapan sa pagitan ng Diyos at ni Satanas, sa pagitan ni Job at ng kanyang mga kaibigan, at sa pagitan ni Job at ng Diyos.
Ang buong aklat din ng Habakuk ay isang pag-uusap sa pagitan ng propeta at ng Diyos. Ganito ang ayos ng usapan sa aklat na iyon: Nagtanong si Habakuk:
Nagtanong si Habakuk: Bakit hinahayaan ng Diyos ang kasalanan ng Juda? (1:1-4)
Tugon ng Diyos: Tatalunin ng Babilonia ang Juda (1:5-11).
Nagtanong si Habakuk: Paano gagamitin ng Diyos ang masamang Babilonia upang hatulan ang Juda? (1:12–2:1)
Tugon ng Diyos: Kailangang mamuhay si Habakuk nang may pananampalataya sa layunin ng Diyos (2:2-20).
Tono ng Damdamin
Ang tono ng damdamin ay tumutukoy sa mga damdamin na ipinapakita ng may-akda. Ang kasulatan ay higit pa sa impormasyon; ito ay kwento ng ugnayan sa pagitan ng isang mapagmahal na Diyos at ng mga tao na kanyang nilikha. Ang ganito uri ng malapit na ugnayan ay laging kinapapalooban ng damdamin. Ang mga maingat na mambabasa ay nagtutuon ng pansin kung ano ang mga damdamin ng may-akda.
Para malaman ang tono ng damdamin sa isang talata, tingnan natin ang mga salita na nagpapakita ng damdamin (halimbawa: tuwa, lungkot, galit) o ugnayan (halimbawa: ama, anak na lalaki, anak na babae). Pakinggan din natin kung ano ang ipinapadama ng may-akda o ng mga tauhan sa kwento.
► Basahin mo ang Filipos 1:1-8 pagkatapos ay ang Galacia 1:1-9. Ano ang tono ng damdamin sa bawat talatang ito? Mula sa mga ganitong panimula, ano ang masasabi mo tungkol sa ugnayan ni Pablo sa iglesia sa Filipos at sa mga iglesia sa Galacia?
[1]Karamihan sa impormasyong nasa bahaging ito ay inangkop mula sa Kabanata 4 ng J. Scott Duvall at J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012).
[3]J. D. Douglas, New Bible Dictionary, (2nd edition), (Wheaton: Tyndale House, 1982)
[4]Ang pangalang Hebreo na Elohim ay isinalin bilang Diyos sa mga Tagalog na Biblia; ito ay isang pangkalahatan at maharlikang pangalan. Ang pangalang Hebreo na Yahweh ay isinalin bilang “PANGINOON” sa mga Tagalog na Biblia; ito ang personal na pangalan na inihayag sa Exodo 3:14.
Ano ang mga Dapat Hanapin Kapag Nagbabasa ng Buong Aklat?
Kapag binabasa natin ang buong aklat, dapat nating tingnan kung ano ang istruktura at mga pangunahing tema ng aklat. Ito ang mga bagay na sa yugtong ito ay dapat nating mapansin:
Mga Bagay na Binigyang-diin
Makikita natin kung anong mga bagay ang binigyang-diin sa aklat sa pamamagitan ng pagsusuri sa mga sumusunod:
Kung Gaano Kahaba ang Pagtalakay
Ang haba ng pagtalakay sa isang paksa ay kadalasang nagpapakita kung gaano kahalaga ang paksa sa may-akda. Sa Genesis, apat na tao ang pinag-aralan sa kabanata 12 hanggang 50 (Abraham, Isaac, Jacob, at Jose). Inihahambing dito ang 11 kabanata lamang ang ginamit upang maikwento ang Paglikha, ang Pagbagsak, ang Baha, at ang Tore ng Babel. Kapag napansin natin ang detalye na ito habang tayo ay nasa yugto ng pagsusuri maihahanda tayo nito sa yugto ng pagpapakahulugan sa “Bakit?”.
Habang binabasa natin ang aklat ng Nehemias, mapapansin natin na ang panalangin ay pinakamahalagang bahagi sa aklat. Sa bawat mahalagang sandali sa buhay ni Nehemias, siya ay nanalangin. Kapag napansin natin ito, mas mauunawaan natin ang ugali ni Nehemias.
Ang Ipinahayag na Layunin
Sa ilang aklat, sinasabi mismo ng may-akda kung ano ang layunin ng kanyang pagsusulat. Ang Mga Kawikaan ay nagsimula sa pamamagitan ng isang mahabang pahayag ng layunin ni Solomon kung bakit niya isinulat ang tinipong karunungan na ito (Mga Kawikaan 1:2-6). Ipinahayag sa Ebanghelyo ni Juan ang kanyang layunin: “upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan” (Juan 20:31).
Ang Ayos ng Kwento
Sa mga makasaysayang kwento, ang ayos ng mga kwento ay maaaring magpakita ng layunin ng may-akda. Ang 2 Samuel 1-10 ay nagpapahayag ng matagumpay na pamumuno ni David. Nakatala sa 2 Samuel 11 ang kasalanan ni David kay Bathsheba. Mula sa puntong ito, sunod-sunod na ipinakita sa 2 Samuel ang mga kapahamakan na dumating sa kaharian ni David. Ipinapakita ng may-akda sa 2 Samuel na ang mga kapahamakan na ito ay ang paghahatol ng Diyos dahil sa kasalanan ni David.
Nahati naman ang aklat ng Nehemias sa tatlong malalaking bahagi. Sa Nehemias 1-6, itinayo ni Nehemias ang pader ng lungsod. Sa Nehemias 7-12, nakalista ang mga taong bumalik sa Jerusalem mula sa pagkatapon at ang kwento ng kanilang muling pagtanggap sa tipan ng Diyos. Sa Nehemias 13 ipinakita ang mga problemang naganap matapos ang pangalawang pagbabalik ni Nehemias sa Jerusalem. Ang ayos na ito ay nagpapakita na hindi sapat ang pisikal na pagtayo ng pader; kailangan ng Juda ang espirituwal na pagbabago upang matugunan ang orihinal na problema na naging dahilan ng kanilang pagkatapon.
Mga Bagay na Inulit
Ang pag-uulit ay isang paraan din ng may-akda upang mabigyang-diin ang kanyang mensahe.
Mga Inulit na Salita o mga Parirala
Ang salitang alalahanin ay inulit sa buong aklat ng Nehemias. Hiniling ni Nehemias sa Diyos na “alalahanin mo ang salita na iyong iniutos sa iyong lingkod na si Moises” (Nehemias 1:8). Nang bantaan ang mga tao sa Jerusalem, hiniling ni Nehemias sa kanila na “inyong alalahanin ang Panginoon, na dakila at kasindak-sindak” (Nehemias 4:14). Tatlong beses nanalangin si Nehemias na alalahanin siya ng Diyos at ang kanyang katapatan. Mahalaga kay Nehemias ang pag-alala; ang mga ginawa ng Diyos noon ang nagbibigay ng tiwala sa katapatan ng Diyos sa hinaharap.
► Basahin mo ang Awit 119:1-32. Sa bawat talata ay may salitang tumutukoy sa Salita ng Diyos. Mula dito, gumawa ka ng listahan kung ano ang pinaniniwalaan ng salmista tungkol sa kahalagahan ng Salita ng Diyos.
Mga Tauhang Paulit-ulit na Lumalabas
Si Barnabas ay paulit-ulit na lumilitaw sa mahahalagang punto sa aklat ng Mga Gawa. Sa tuwing lumalabas si Barnabas, pinatutunayan niya ang kanyang pangalan na "anak ng pagpapalakas ng loob" (Mga Gawa 4:36). Si Barnabas ang nagdala kay Saul sa mga apostol at siya ang nagpapatotoo sa tunay ang pagbabago ni Saul (Mga Gawa 9:27). Kasama ni Saul, tinulungan ni Barnabas na lumago ang iglesia sa Antioquia (Mga Gawa 11:22-26). Kahit na may pag-aalinlangan si Pablo, pinalakas pa rin ni Barnabas ang loob ng batang si Juan Marcos (Mga Gawa 12:25 at Mga Gawa 15:36-39). Ang paulit-ulit na paglitaw ni Barnabas ay nagpapakita kung paano tinupad ng sinaunang iglesia ang utos ni Jesus na gawing alagad ang mga mananampalataya.
Mga Paulit-ulit na Pangyayari o Sitwasyon
Sa aklat ng Mga Hukom nakapaloob ang paulit-ulit na mga kwento na nagpapakita ng unti-unting pagbagsak ng Israel mula sa dakilang tagumpay noong panahon ni Josue patungo sa kaguluhan ng kanilang lipunan. Pitong beses na paulit-ulit na nangyari ito kung saan gumawa ng masama ang mga anak ng Israel sa mata ng PANGINOON at sila ay natalo ng kanilang mga kalaban. Sa bawat pagkakataon nagpadala ang Diyos ng isang hukom upang siła ay mailigtas. Ang inulit na kwentong ito ay nagpapakita kung paano bumagsak ang Israel bilang isang bayan.
Pagbabago ng Direksyon
Ang pagbabago ng direksyon ay isang pagbabago sa gustong bigyang-diin ng sumulat. Halimbawa, madalas na binabago ni Pablo ang direksyon ng kanyang sulat sa kalagitnaan ng aklat. Sa Efeso, nagsimula siya sa pagbibigay-diin sa mga ginawa ng Diyos para sa kanyang bayan; sa ikalawang bahagi naman ng Efeso, binibigyang-diin niya kung ano ang dapat gawin ng mga tao bilang pagsunod sa Diyos.
Sa Efeso 1-3, makikita natin ang mga pandiwang nagpapakita kung ano ang ginawa ng Diyos para sa atin. Ang Diyos ay:
Pinagpala tayo (Efeso 1:3, 6)
Pinili tayo (Efeso 1:4)
Plano na mailigtas tayo (Efeso 1:5)
Mula Efeso 4:1, ipinakita naman ni Pablo ang responsibilidad ng mga mananampalataya kung paano sila dapat mamuhay ayon sa ginawang kaligtasan ng Diyos para sa atin. Sa Efeso 4-6, marami sa mga pandiwa ay utos. Ipinag-uutos ni Pablo sa atin na:
Magsalita ng katotohanan (Efeso 4:25)
Huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo (Efeso 4:30)
Lumakad kayo sa pag-ibig (Efeso 5:2)
Maging maingat kayo sa inyong paglakad (Efeso 5:15)
Igalang mo ang iyong ama at ina (Efeso 6:2)
Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos (Efeso 6:11)
Ang pagbabago ng direksyon mula sa pagsasaya dahil sa ginawa ng Diyos tungo sa kung paano tayo mamumuhay bilang tugon sa kanyang biyaya ay makikita sa mga pandiwa. Ang maingat na pagsusuri sa mga ganitong pagbabago ang makakapaghanda sa atin upang maayos na maipakahulugan ang mensahe ni Pablo sa Efeso.
Istrukturang Pampanitikan
Habang may iba't ibang paraan kung paano inayos ang isang aklat, may tatlong uri ng istrukturang pampanitikan na madaling makilala:[1]
Istruktura ng Talambuhay
Ang mga aklat ng kasaysayan sa Biblia ay madalas nakaayos ayon sa mga tiyak na tao. Ang kuwento ay umiikot sa mga pangyayari sa buhay ng isang tao. Halimbawa:
Genesis 12-50: Apat na Dakilang Tao
Mga Kabanata
Tao
Genesis 12-25
Abraham
Genesis 25-26
Isaac
Genesis 27-36
Jacob
Genesis 37-50
Jose
Sa 1 at 2 Samuel makikita natin ang kwento ng pag-angat at pagbagsak ng unang dalawang hari ng Israel, sina Saul at David.
1 & 2 Samuel: Mga Unang Hari ng Israel
Mga Kabanata
Pag-angat at Pagbagsak ng mga Hari
1 Samuel 1-8
Propetang si Samuel
1 Samuel 9-12
Pag-angat ni Saul
1 Samuel 13-31
Pagbagsak ni Saul at pag-angat ni David
2 Samuel 1-10
Mga tagumpay ni David
2 Samuel 11-24
Mga paghihirap ni David
Istruktura ng Heograpiya
Ang heograpiya ang nagbibigay ng istruktura sa ilang mga aklat. Umuusad ang kwento habang may mga pangyayari sa iba't ibang lokasyon. Makakatulong ang aklat ng mga mapa sa mga lugar sa Biblia na ibalangkas ang istruktura ng mga aklat na ito.
Exodo: Paglalakbay ng Israel
Sipi
Lokasyon
Exodo 1:1-3:16
Ang Israel sa Egipto
Exodo 13:17-18:27
Ang Israel sa disyerto
Exodo 19-40
Ang Israel sa Bundok Sinai
Inutusan ni Jesus ang kanyang mga alagad na maging saksi “sa Jerusalem, sa buong Judea at Samaria, at hanggang sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa” (Mga Gawa 1:8). Sa aklat ng Mga Gawa makikita natin kung paano tinupad ng sinaunang iglesia ang utos na ito.
Mga Gawa: Napaabot ang Ebanghelyo sa Mundo
Mga Kabanata
Lokasyon
Mga Gawa 1-7
Jerusalem
Mga Gawa 8-12
Judea at Samaria
Mga Gawa 13-28
Sa dulo ng mundo
Istruktura ayon sa Kasaysayan o Kronolohiya
Ang ilang aklat sa Biblia ay nakaayos batay sa mahahalagang pangyayari sa kasaysayan, kadalasan ayon sa pagkakasunod-sunod ng mga ito. Ang pagmamarka ng mga pangyayaring ito ang magbibigay ng kabuuang daloy ng aklat.
Makikita sa aklat ng Josue ang pananakop at paninirahan ng mga Israelita sa lupain ng Canaan. Ang istrukturang ito ng Josue ay sinundan ng mga pangunahing pangyayari ng pananakop:
Pagtawid sa Canaan (Josue 1-5)
Pagkabihag ng Jerico (Josue 6)
Pagkatalo sa Ai (Josue 7-8)
Pagpapanibago ng Tipan sa Shechem (Josue 9)
Ang Kampanya sa Timog Canaan (Josue 10)
Ang Kampanya sa Hilagang Canaan (Josue 11-12)
Paghati-hati at Paninirahan sa Lupain (Josue 13-23)
Pagpapanibago ng Tipan sa Shechem (Josue 24)
Ang layunin ni Juan sa pagsulat ng kanyang ebanghelyo ay nakasaad sa dulo ng aklat. “Gumawa si Jesus ng marami pang ibang mga tanda sa harapan ng kanyang mga alagad, na hindi naisulat sa aklat na ito. Ngunit ang mga ito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos; at sa pagsampalataya ay magkaroon kayo ng buhay sa kanyang pangalan” (Juan 20:30-31). Ang ebanghelyo ni Juan ay nakaayos ayon sa pitong himala na tumutupad sa kanyang layunin. Ang pitong tandang ito ang nagsilbing istruktura ng buong aklat:
Ginawang alak ang tubig (Juan 2:1-12)
Pinagaling ang anak ng opisyal (Juan 4:46-54)
Pinagaling ang lalaki sa Bethesda (Juan 5:1-47)
Pinakain ang 5,000 (Juan 6:1-14)
Lumakad siya sa ibabaw ng tubig (Juan 6:15-21)
Pinagaling ang lalaki na isinilang na bulag (Juan 9:1-41)
Ang muling pagbuhay kay Lazaro (Juan 11:1-57)
Muling pagkabuhay ni Jesus (Juan 20:1-31)
[1]Ang impormasyong ito ay inangkop mula sa Kabanata 15 ng Howard G. Hendricks at William D. Hendricks, Living by the Book (Chicago: Moody Publishers, 2007).
Makita ang Kabuuang Larawan
Hanggang sa puntong ito, nakita natin ang mga detalye sa bawat talata, malalaking bahagi, at buong aklat.[1] Ang huling hakbang sa pagsusuri ay ayusin ang lahat ng nakita natin sa pagsusuri sa paraan na madaling gamitin. Isa sa pinakamagandang paraan upang gawin ito ay ang paggamit ng isang talaan ng buod. Makikita dito ang mga kaugnayan sa loob ng malalaking bahagi ng kasulatan. Mabibigyan ka rin dito ng malinaw na buod upang mapaghandaan ang yugto ng pagpapakahulugan sa pag-aaral ng Biblia.
May iba’t ibang paraan kung paano ayusin ang talaan na ito. Ang mga bahagi na ilalagay mo sa talaan ay depende sa istilo ng sipi na iyong pinag-aaralan. Sa bahaging ito, gagamit tayo ng ilang uri ng talaan upang makita mo kung paano nakakatulong ang talaan sa pag-aaral ng Biblia.
Paggamit ng Talaan Para sa Magkakasunod na mga Pangyayari
Nabanggit na kanina na ang paghahati ng kabanata ay hindi laging katulad ng tamang pagkakahati ng aklat. Ang talaan na nagpapakita ng kaugnayan ng mga pangyayari ay nagpapakita rin ng pagkakaisa ng ilang mga pangyayari sa iba’t ibang kabanata. Madalas ipakita nito kung ano ang pagkakatulad o pagkakasalungat sa pagitan ng mga pangyayari.
Sa Marcos 4:35 — Marcos 5:42 makikita ang apat na magkakasunod na himala. Kung ihahambing mo ang apat na kwento, makikita mo sa kwento ang pagkakaiba ng kawalan ng pananampalataya ng mga alagad ni Jesus sa bagyo at ang hindi inaasahang pananampalataya ng ilang tao: isang lalaking sinapian ng demonyo, isang babaeng dinudugo, at isang pinuno ng sinagoga. Ipinapakita rito ni Marcos na ang mga alagad ang saksi sa bawat kwento ng dakilang pananampalataya. Tingnan mo ang apat na kwento ito nang magkakatabi:
Apat na Himala
Ang Himala
Mga Tao sa Kwento
Papel ng Pananampalataya
Pinatigil ang bagyo
Si Jesus
Mga alagad
Walang pananampalataya ang mga alagad
(Marcos 4:40).
Pinagaling ang lalaking sinapian ng demonyo
Si Jesus
Ang lalaking sinapian ng demonyo
Ang mga taga-bayan
Ang mga alagad (nanonood)
Ang lalaki ay sumamba kay Jesus (Marcos 5:6) at nagpatotoo tungkol kay Jesus (Marcos 5:18-20).
Ang mga taga-bayan ay tumanggi kay Jesus (Marcos 5:17).
Pinagaling ang babaeng dinudugo
Si Jesus
Ang babae
Mga alagad (nanonood)
May pananampalataya ang babae at siya mismo ang lumapit upang hawakan si Jesus (Marcos 5:28, 34)
Ang muling pagbuhay sa anak ni Jairo
Si Jesus
Si Jairo at ang kanyang anak na babae
Ang mga nagluluksa
Sina Pedro, Santiago, Juan
Si Jairo ay may pananampalataya
(Marcos 5:23).
Ikaw Naman
Gumawa ka ng talaan batay sa Mateo 13:1-23.
1. Basahin mo ang kwento nang tatlong beses.
2. Markahan mo ang lahat ng pagsusuri na iyong mahahanap.
3. Punan mo ang talaan gamit ang mga pangunahing ideya sa talinghaga.
Tandaan, hindi ang paggawa ng talaan ang pinakalayunin mo; ang talaan ay isang kagamitan lamang upang makatulong sa iyong pag-aaral at pagsasabuhay ng Salita ng Diyos. Ang layunin sa pag-aaral ng Biblia ay ang pagbabago. Sa pag-aaral mo ng talinghagang ito, itanong, "Anong uri ako ng lupa? Hinahayaan ko bang mamunga ang Salita ng Diyos sa aking buhay?"
Hindi naunawaan ang katotohanan. Ang lupa ay matigas.
Walang bunga
Ikaw Naman
Basahin ang Marcos 5:21-43. Isa itong kwento na may dalawang himala. Ang kwento ng babaeng dinudugo ay pumasok sa gitna ng kwento ni Jairo at ng kanyang anak na babae. Ano ang mga pagkakatulad at pagkakaiba ng dalawang kwentong ito? Ganito ang magiging ayos ng istruktura:
Malaking tulong din ang talaan sa pagbubuod ng buong aklat. Maipapakita dito ang kabuuan ng aklat. Sa paggawa ng talaan, basahin mo nang ilang beses ang buong aklat. Tingnan mo ang malalaking bahagi. Habang ikaw ay nagbabasa, markahan mo ang mga inulit na salita, mga tanong at sagot, at iba pang mga kaugnayan na nagpapakita ng istruktura ng aklat.
Isang Pag-aaral sa 1 Pedro – Pagpapalakas ng Loob sa mga Kristiyanong Dumaranas ng Paghihirap
Kaligtasan (1:1–2:10)
Pagpapasakop
(2:11–3:12)
Paghihirap (3:13–5:11)
Mga pribilehiyo ng kaligtasan (1:2-12)
Mga bunga ng kaligtasan (1:13-25)
Proseso ng kaligtasan (2:1-10)
Sa estado (2:13-25)
Sa pamilya (3:1-12)
Bilang isang mamamayan (3:13–4:6)
Bilang isang mananampalataya
(4:7-19)
Bilang isang pastol
(5:1-11)
Ang Patutunguhan ng Kristiyano
Ang Tungkulin ng Kristiyano
Ang Disiplina ng Kristiyano
Ang tatlong malalaking bahaging sa 1 Pedro ay magkakaugnay. Hindi natin mauunawaan ang paghihirap (3:13–5:11) hangga’t tayo ay hindi nagpapasakop sa kalooban ng Ama (2:11–3:12); at hindi tayo makakapagpasakop sa Ama hangga’t hindi natin naranasan ang Kanyang kapangyarihan na magligtas (1:1–2:10).
Ikaw Naman
Gumawa ng talaan tungkol sa Efeso. Ang talaan na ito ay makakatulong sa iyo upang sundan ang apat na tema sa sulat ni Pablo. Narito ang isang halimbawa. Kapag natapos mo na ito, itanong:
Ano ang kaugnayan sa pagitan ng bawat tema?
Ang isa ba sa mga tema na ito ay mas mahalaga kaysa sa iba?
Paano nauugnay ang bawat tema sa kabuuan ng istruktura ng aklat?
[1]Ang impormasyong nasa bahaging ito ay batay sa Kabanata 24-25 ng Howard G. Hendricks at William D. Hendricks, Living by the Book (Chicago: Moody Publishers, 2007).
(1) Itutuloy mo ngayon ang proseso ng pagsusuri sa pamamagitan ng pag-aaral ng isang talata at pagkatapos ay ang buong aklat. Ang Biblia ay hindi orihinal na nahati sa mga kabanata at talata. Kaya dapat mong siguraduhin na sinusundan mo ang likas na pagkakahati ng teksto sa iyong pag-aaral.
(2) Kapag nagbabasa ka ng isang talata, hanapin mo ang:
Pangkalahatan tungo sa mga tiyak na ugnayan
Mga Bahagi ng tanong at sagot
Pag-uusap
Tono ng Damdamin
(3) Kapag nagbabasa ka ng isang buong aklat, hanapin mo ang:
Mga bagay na binigyang-diin. Maaaring bigyang-diin ng manunulat ang mga bagay na may:
Kung gaano kahaba ang pagtalakay
Ang ipinahayag na layunin
Ang ayos ng kwento
Mga bagay na inulit.
Mga inulit na salita o mga parirala
Mga tauhang paulit-ulit na lumalabas
Mga paulit-ulit na pangyayari o sitwasyon
Pagbabago ng direksyon.
Istrukturang Pampanitikan.
Istruktura ng Talambuhay
Istruktura ng Heograpiya
Istruktura ayon sa kasaysayan o kronolohiya
(4) Ang paggawa ng talaan ng isang bahagi ng kasulatan o ng buong aklat ay nakakatulong upang mas malinaw mong makita ang istruktura nito.
Takdang-Aralin sa Aralin 3
Sa Aralin 1, pumili ka ng isang bahagi ng kasulatan na pag-aaralan mo sa buong kurso. Gamit ang mga hakbang na itinuro sa aralin na ito, gumawa ng maraming pagsusuri na kaya mo tungkol sa kasulatan na iyong napili. Tandaan, hindi ka pa gumagawa ng pagpapakahulugan ng talata o naghahanda ng balangkas ng isang sermon. Ang ginagawa mo pa lang ay ang pagtingin sa mga detalye ng talata. Kung makakatulong, gumawa ka ng talaan na magbubuod ng iyong mga pagsusuri. Kung nag-aaral kayo bilang grupo, ibahagi ang iyong mga pagsusuri sa inyong susunod na pagkikita.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.