Paalala sa namumuno ng klase: Maglaan ng sapat na oras sa klase para sa mga gawaing pagsasanay sa araling ito, kahit mangailangan ito ng higit sa isang sesyon ng klase.
Sa kursong ito, tiningnan natin ang mga hakbang sa pagpapakahulugan sa Biblia: pagsusuri, pagpapakahulugan, at pagsasabuhay. Natutunan natin kung paano iwasan ang mga karaniwang pagkakamali sa pagpapakahulugan ng Biblia. Tinalakay din natin ang mga mahahalagang prinsipyo para sa pag-aaral ng kasulatan. Nakapagsanay na rin tayo sa bawat hakbang. Sa araling ito, tayo ay magbabalik-aral sa buong proseso. Pagkatapos ay sama-samang pag-aaralan ng buong klase ng mga sipi mula sa Luma at Bagong Tipan gamit ang prosesong ito. Magkakaroon din kayo ng pagkakataong gamitin ang kasanayan nang mag-isa. Pagkatapos ay tatapusin ninyo ang proyekto sa kurso na inyong sinimulan sa Aralin 1.
Simulan natin sa pagbabalik-aral sa larawang nasa ibaba:
Ito ang mga pagkakaibang pangkasaysayan at pangkultura na naghihiwalay sa mundo natin at sa sinaunang mundo.
3
Ang tulay
Ang prinsipyo na itinuro sa teksto
4
Ang mapa
Ang kaugnayan ng Bagong Tipan (para sa mga sipi sa Lumang Tipan)
5
Ang ating bayan
Ang pagsasabuhay ng prinsipyo sa ating mundo ngayon
Ang mga susunod na bahagi ng araling ito ay pagbabalik-aral sa buong proseso ng pagpapakahulugan ng Biblia. Sa bawat hakbang ng proseso ng pagpapakahulugan, kailangang magtanong ang mga nagpapakahulugan ng mga tanong na gagabay sa kanila patungo sa tamang pagwawakas. Ang mga tanong na ito ay batay sa mga prinsipyo ng pagpapakahulugan.
Nakalista ang mga tanong na dapat itanong sa bawat bahagi ng proseso. May mga halimbawa rin kung paano gamitin ang mga tanong na ito at kung bakit mahalaga ang mga ito sa tamang pagpapakahulugan.
Ang koleksyon ng mga tanong na ito ay maituturing na kahon ng kagamitan para sa pagpapakahulugan. Tulad ng isang karpintero na hindi kailangang gamitin ang lahat ng kanyang kagamitan sa bawat proyekto, hindi rin kailangang gamitin ang bawat tanong sa bawat sipi. Maaaring hindi angkop ang ilang tanong sa isang sipi kung wala namang sagot na makikita o kung wala namang maitutulong.
[1]Larawan: “Interpreting the Bible” iginuhit ni Anna Boggs, makukuha mula sa https://www.flickr.com/photos/sgc-library/52377290578, licensed under CC BY 2.0. Concept from J. Scott Duvall and J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012)
Pagsusuri: Unawain ang Makasaysayan-Kultural na Konteksto
May-Akda
Sino ang may-akda?
Ano ang papel niya?
Ano ang ugnayan niya sa mga tagatanggap?
1 Timoteo 5:20: “Sila namang nagpapatuloy sa pagkakasala ay sawayin mo sa harapan ng lahat...”
Si Apostol Pablo, ang may-akda ng 1 Timoteo, ay ang tagapagturo ni Timoteo. Ito ay isang tagubilin na binibigay ni Pablo kay Timoteo, na isang batang pastor.
Ang pag-unawa sa mga bagay na ito ay tumutulong sa ating malaman na ang tagubilin ni Pablo ay maaaring hindi direktang maisasabuhay ng bawat Kristiyano.
Orihinal na Mga Tagapakinig
Sino sila?
Ano ang mga katangian nila?
Ang Filemon ay isinulat para sa isang mananampalataya.
Ang Hebreo ay isinulat para sa mga Judiong mananampalataya na dumaranas ng pag-uusig.
Mga Kalagayan
Sa anong yugto sa kasaysayan ng kaligtasan naisulat ang kasulatan?
2 Mga Cronica 7:14: “At kung ang aking bayan na tinatawag sa pamamagitan ng aking pangalan ay magpakumbaba at manalangin, at hanapin ako at tumalikod sa kanilang masasamang lakad; akin silang papakinggan mula sa langit, at patatawarin ko ang kanilang kasalanan at pagagalingin ang kanilang lupain.”
Ang “aking bayan” ay tumutukoy sa isang tiyak na bansa na itinuring ng Diyos bilang kanyang sariling bayan. Ang pangako ng Diyos na “pagagalingin ang kanilang lupain” ay hindi direktang naaangkop para sa iglesia.
Ano ang kultural na tagpuan noon? Kung posible, gumamit ng diksyunaryo ng Biblia upang mapag-aralan ang orihinal na kultura. Nagbibigay-daan ito sa iyo na paghambingin/pag-ibahin ang kanilang kultura at ang atin.
2 Corinto 13:12: “Magbatian ang isa't isa ng banal na halik.”
Ang pagbati sa isa’t isa ng banal na halik ay bahagi ng kultura ng mga Kristiyano noong panahong iyon.
Ano ang mga kaganapan noon?
Ano ang sitwasyon ng iglesia sa panahong iyon? (Para sa mga sipi sa Bagong Tipan lamang)
Pagsusuri: Unawain ang Kontekstong Pampanitikan
Isaalang-alang ang mga katangian sa anyo ng panitikan ng aklat at ng sipi.
Ano ang anyo ng panitikan sa aklat/sipi na ito?
Ano ang mga katangian ng anyo ng panitikan na ito?
Awit 124:4-5:
Anyo ng panitikan: Tula
Katangian: Paralelismo
Apocalipsis 12:3:
Anyo ng panitikan: Apokaliptikong Panitikan
Katangian: Simbolikong paggamit ng mga hayop
Pagsusuri: Unawain ang Tema ng Aklat
Ano ang layunin ng pagsulat? Hanapin kung ano ang binibigyang-diin ng may-akda o kung saan nagpapahayag ang may-akda ng pag-aalala, nagbibigay ng paliwanag, o nagbibigay ng hamon sa mga mambabasa.
1 Corinto 7:1: “Ngayon, tungkol sa mga bagay na isinulat ninyo…”
Ang 1 Corinto ay isinulat bilang tugon sa isang sulat ng iglesia sa Corinto kay Pablo, na nagtatanong sa kanya ng mga katanungan.
Ano ang tila problema/pangangailangan ng mga tagatanggap?
1 Corinto 1:10: “Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo sa pamamagitan ng pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayong lahat ay magsalita ng isang bagay lamang, at huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo'y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang.”
Ang pagkakabaha-bahagi ay madalas talakayin sa buong sulat.
Ano ang sinasabi ng may-akda sa mga tagatanggap? Anumang mga utos na binanggit pagkatapos ng mga pagsusuri ng may-akda ay malinaw na palatandaan kung ano ang inaasahan ng may-akda. Ipinapakita rin nito kung paano natin dapat isabuhay ang bahaging ito ng sipi.
Pagsusuri: Tukuyin ang Simula at Dulong Bahagi ng Sipi
Kadalasan, ngunit hindi palagi, ang paghahati ng kabanata ay marka ng simula o dulo ng isang sipi. Minsan, ang buong kabanata ay iisang sipi lamang. Sa ibang mga pagkakataon, na mali ang lugar ng paghahati ng kabanata kaya hindi ito dapat basta gamitin bilang gabay sa paghahati ng sipi. Magmasid sa mga pagbabago ng paksa, na karaniwang ipinapakita sa pamamagitan ng mga nagbabagong pahayag. Kapag sinubukan mong isama ang masyadong maraming sipi, ang sipi ay hindi magkakaroon ng iisang pangunahing tema. Kapag kulang naman ang naisamang sipi, ang sipi ay hindi magkakaroon ng kumpletong kaisipan.
Anong mga talata ang nakapaloob sa sipi na ito?
2 Corinto 7:1: “Yamang taglay natin ang mga pangakong ito, Mga minamahal…”
Ang bahaging ito ng sipi ay matatagpuan sa dulo ng huling kabanata, 2 Corinto 6:14–18.
Isaias 52:13–15 ay kabilang sa parehong sipi ng Isaias 53.
Pagsusuri: Unawain Kung Paano Kaugnay ang Talata sa Buong Aklat
Ito ba ay salaysay na naaangkop sa mas malaking tema?
Mga Hukom 17:5: “Ang lalaking si Micaias ay mayroong isang bahay ng mga diyos, at siya'y gumawa ng isang efod at terafim at itinalaga ang isa sa kanyang mga anak upang maging kanyang pari.”
May sariling pari at mga diyos-diyosan ang isang lalaki. Ang talatang ito at ang buong kwento sa Mga Hukom ay nagpapakita ng pangunahing tema ng aklat “Ginawa ng lahat ng tao kung ano ang matuwid sa kanilang sariling paningin.” (Mga Hukom 17:6; 21:25)
Ito ba ay nagbibigay ng teolohiya para sa kalaunang pagsasabuhay?
Ito ba ay pagsasabuhay ng mga naunang sipi ng aklat?
Ang Efeso 4–6 ay pangunahing bahagi ng praktikal na pagsasabuhay ng mga teolohiya mula sa Efeso 1–3. Sa Efeso 4:1, ang salitang “kaya’t” ay palatandaan ng pagbabago mula sa pagtuturo ng teolohiya tungo sa praktikal na pagsasabuhay.
Efeso 4:1: “Kaya't ako... ay nagsusumamo sa inyo na kayo'y lumakad ng nararapat sa pagkatawag na sa inyo'y itinawag…”
Pagsusuri: Pansinin ang Istruktura ng Bahagi ng Sipi
May mga bahagi ba na paghahanda lamang para sa pangunahing mensahe?
Marcos 2:2: “Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan.”
Ang mga detalyeng ito ay naghahanda sa mambabasa para sa kuwento ng lalaking ibinaba mula sa bubong.
Anong mga salita ang ginagamit upang iugnay ang mga ideya ayon sa pagkakasunod ng pangyayari?
Paulit-ulit na paggamit ng pagkatapos sa Mateo 24.
Mayroon bang ipinapakita na tanong o problema?
Roma 6:1: “Ano nga ang ating sasabihin? Magpapatuloy ba tayo sa pagkakasala upang ang biyaya ay sumagana?”
Anong mga salita ang ginagamit sa lohikal na pag-uugnay ng mga ideya?
Paulit-ulit na paggamit ng sapagkat sa Roma 6 upang ipakita ang pagkakasunod ng mga katwiran.
May ginagamit bang paghahambing o pagkakaiba?
Roma 6:19-20: “…Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan…”
Pagkakaiba sa pagitan ng dating pagkaalipin (sa kasamaan at kawalan ng batas) at kasalukuyang pagkaalipin (sa katuwiran).
May pag-uulit ba o paggamit ng magkakaparehong salita?
Roma 6 – Inulit/magkakatulad na mga salita: mamatay, namatay, patay, kamatayan, ipinako sa krus, inilibing, mawalan ng bisa.
Ang lahat ng ito ay mga salitang may kinalaman sa pagtatapos.
May mga listahan ba?
1 Timoteo 4:12: “…kundi ikaw ay maging halimbawa ng mga mananampalataya sa pananalita, pag-uugali, pag-ibig, pananampalataya, at sa kalinisan.”
Anong mga paglalarawan o matalinghagang pagpapahayag ang ginamit?
Ginagamit sa Roma 6 ang pagpapako sa krus bilang isang tayutay.
Inilarawan ba kung paano makakamit ang isang layunin?
Roma 8:13: “…kung sa pamamagitan ng Espiritu ay pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman, kayo ay mabubuhay.”
“sa pamamagitan ng Espiritu” – ang paraan
“pinapatay ninyo ang mga gawa ng laman” – ang layunin
“kayo ay mabubuhay” – ang pangwakas na layunin
May ibinigay bang mga dahilan para sa isang pahayag o pag-angkin?
Paulit-ulit ang paggamit ng sapagkat upang ipaliwanag ang mga pangunahing pahayag sa Roma 6.
Mayroon bang kasukdulan o punto ng pagbago? Lalo na para sa mga salaysay.
Sa talinghaga binanggit sa Mateo 21:33-41, ang talata 38-39 ang kasukdulan ng kwento.
May sanhi at bunga bang inilarawan?
Galacia 5:16: “Subalit sinasabi ko, lumakad kayo ayon sa Espiritu, at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.”
Sanhi: “lumakad kayo ayon sa Espiritu”
Bunga: “at huwag ninyong bigyang-kasiyahan ang mga pagnanasa ng laman.”
May bahagi bang nagsisilbing buod na nauuna o sumusunod?
Ang Mga Hukom 2:11-23 ay ang buod ng buong aklat ng Mga Hukom.
Ang Efeso 5:1 ay ang buod sa Efeso 4:25-32.
Binabanggit ba o tinutukoy ng bahagi ng teksto ang ibang kasulatan? Madalas gumamit ang mga manunulat ng Bagong Tipan ng mga bahagi o paglalarawan mula sa Lumang Tipan.
Roma 12:1: “Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.”
Sa talatang ito, ang salitang handog ay isang larawan na tumutukoy sa isang bagay sa Lumang Tipan.
Roma 12:1: “Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.”
Pagsusuri: Pansinin at Pag-aralan ang Mahahalagang Salita
Ano ang mga mahahalagang salita sa sipi?
Mahahalagang salita mula sa 1 Corinto 2:14-15:
Taong hindi ayon sa Espiritu
Taong espirituwal
Mahahalagang salita mula sa Roma 8:
Laman
Espiritu
Ano ang kahulugan nito sa konteksto? Magsagawa ng pag-aaral sa salita para sa bawat isa.
Pagsusuri: Siyasatin ang Bawat Pahayag
Ano ang ibig sabihin nito? Ibigay sa iba pang salita ang tunay na sinasabi ng pahayag.
Bakit ito isinama, at bakit ito nasa inilagay dito? Pag-isipan kung ano ang magiging pagkakaiba kung wala ang pahayag na ito.
Pagpapakahulugan: Ibuod ang Mensahe
Ngayong maingat mo nang nasuri ang mga detalye ng talata o sipi, ibuod ang mensahe ng may-akda para sa orihinal na mga tagapakinig. Ang buod ng isang talata ay maaaring isang pangungusap lamang. Ang buod naman ng isang sipi ay maaaring binubuo ng ilang mga pangungusap o maging ng ilang mga talata.
Ang layunin ng hakbang na ito ay upang mailahad nang malinaw kung ano ang sinasabi ng may-akda sa mga unang mambabasa nito. Huwag muna maging malikhain sa paglinang mo ng mga paraan sa paghahatid ng mensahe sa pangangaral o pagtuturo, ngunit sa bahaging ito hanapin mo muna ang kahulugan mismo ng kasulatan. Ang kahulugan ay dapat manggaling mula sa kasulatan at hindi mula sa iyong imahinasyon.
Ano ang sinasabi ng may-akda sa mga una nitong nilalayon na mambabasa?
Maaaring ibuod ang 1 Corinto 1:10–13 sa ganitong paraan: “Makisama kayo sa isa’t isa sa parehong paniniwala at iwasan ang pagkakabaha-bahagi. Narinig ko mula sa sambahayan ni Chloe na may mga pagtatalo sa inyo. Pinipili ninyong sumunod sa iba’t ibang pinuno, ngunit si Cristo lamang ang namatay para sa inyo.”
Suriin mo ang iyong buod. Isaalang-alang ang mga sumusunod na tanong gamit ang mga impormasyon na nakuha mo mula sa mga pagsusuri na ginawa mo:
Naunawaan ko ba ang orihinal na sitwasyon kung kailan ito isinulat?
Ano ang mga alalahanin at layunin ng may-akda sa pagsulat ng sipi na ito?
Akma ba ang aking pagpapakahulugan ng sipi sa tema ng buong aklat?
Ang aking pagpapakahulugan ba ay nagbibigay sa sipi ng tamang papel nito sa aklat?
Tumutugma ba ang aking pagbibigay-diin sa istruktura ng sipi na pareho din sa aking buod?
Ang kahulugan ba ng bawat pahayag sa loob ng sipi ay sumusuporta sa aking buod?
Tama ba ang aking pagpapakahulugan sa paggamit ng may-akda sa mga mahalagang salita?
Pagpapakahulugan: Ipahayag ang Prinsipyo
Sa bawat sipi, humanap ng isang prinsipyo na maisasabuhay sa lahat ng panahon at para sa lahat ng tao. (Ang isang sipi ay maaaring magturo ng ilang mga prinsipyo, ngunit para sa pagsasanay, pumili ka muna sa isa.) Ipahayag ito sa isang pangungusap.
Isa sa mga prinsipyong matatagpuan sa Efeso 4:25: “Magsabi ng totoo sa lahat ng usapan.”
Pagkatapos ay siguraduhin na sumasalamin nang tama ang iyong prinsipyo sa orihinal na mensahe ng teksto:
Ang prinsipyo ba na ito ay malinaw na itinuro sa teksto?
Ang prinsipyo ba na ito ay alinsunod sa lahat ng bahagi ng kasulatan?
Ang prinsipyo ba na ito ay totoo sa lahat ng panahon at sa lahat ng tao?
Iugnay ang prinsipyo sa iba pang katotohanan:
Anong kaugnay na katotohanan ang ipinakita sa iba pang bahagi ng kasulatan?
Paano nadaragdagan ng katotohanan na ito ang ating kaalaman?
Maaari bang may mas maitama ang aking pagpapakahulugan sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa buong kasulatan?
Ang katotohanan ba na ito ay tila sumasalungat sa iba pang sipi? Kung oo, paano maipagkakasundo ang mga ito?
Pagsasabuhay: Gumawa ng Magkapanahong Pagsasabuhay
Ang prinsipyong nahanap mo ay maaaring maisabuhay sa iba’t ibang paraan. Gumawa ng isa tiyak na magkapanahong pagsasabuhay.
Sa anong tiyak na sitwasyon sa panahon ngayon maaaring maisabuhay ang katotohanang ito?
Kailan, saan, at para kanino angkop ang mga pahayag na ito?
Paano ito maisasabuhay ang katotohanan sa pagkilos gayundin sa konsepto?
Kung talagang sineseryoso ko ang sipi na ito, anong pagkakaiba ang magiging resulta nito sa aking buhay?
Humingi ng tulong sa Banal na Espiritu upang maisabuhay mo ang Salita ng Diyos sa araw-araw.
Magsanay sa Pagpapakahulugan ng mga Sulat
Kapag nagpapakahulugan tayo ng mga sulat sa Bagong Tipan, tayo ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagsusuri tungkol sa sulat, nagpapatuloy tayo sa pamamagitan ng pag-aaral ng sulat upang matukoy ang mensahe nito, at nagtatapos tayo sa pamamagitan ng sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga prinsipyo sa ating mundo. Ang pagpapakahulugan na ito ay mula sa mundo ng mga orihinal na tagatanggap patungo sa mundo ng mga modernong mambabasa.
Magsanay nang Sama-sama
► Sama-sama bilang isang klase, gawin ang proseso ng pagpapakahulugan para sa 1 Juan 2:15-17. Bukod sa mga tanong at proseso ng pagpapakahulugan na nailarawan na sa itaas, huwag kalimutang isaalang-alang ang mga katangian ng mga sulat sa Bagong Tipan bilang isang anyo ng panitikan (tingnan sa Aralin 6).
Magsanay nang Mag-isa
► Ang bawat mag-aaral ay dapat pumili ng isa sa mga sipi sa ibaba at gamitin ang proseso ng pagpapakahulugan. Pagkatapos ay ibabahagi ng bawat mag-aaral ang kanilang pagwawakas sa iba pang miyembro ng grupo.
Roma 13:8-10
Efeso 6:18-20
2 Timoteo 4:6-8
Santiago 3:13-18
1 Pedro 2:9-10
Magsanay sa Pagpapakahulugan ng Kautusan sa Lumang Tipan
Kapag tayo nagpapakahulugan ng isang kautusan sa Lumang Tipan, kailangan muna nating maunawaan kung ano ang ibig sabihin nito para sa orihinal na mga tagapakinig. Kailangan nating pag-isipan ang mga pagkakaiba ng kanilang sitwasyon at sa atin, lalo na ang pagkakaibang dulot ng katotohanang tayo ngayon ay nabubuhay na sa ilalim ng Bagong Tipan. Sa mga kautusan ng Lumang Tipan, kailangan nating tukuyin ang prinsipyo na naisasabuhay ng lahat ng tao sa lahat ng panahon. Pagkatapos ay maisasabuhay na natin ang prinsipyong ito.
Magsanay nang Sama-sama
► Sama-sama bilang isang klase, gawin ang proseso ng pagpapakahulugan para sa Mga Bilang 15:37-41. Bukod sa mga tanong at proseso ng pagpapakahulugan na nailarawan na sa itaas, huwag kalimutang isaalang-alang ang mga katangian ng mga kautusan sa Lumang Tipan bilang isang anyo ng panitikan at gamitin ang mga tanong na ibinigay sa Aralin 6.
Magsanay nang Mag-isa
► Ang bawat mag-aaral ay dapat pumili ng isa sa mga sipi sa ibaba at gamitin ang proseso ng pagpapakahulugan. Pagkatapos ay ibabahagi ng bawat mag-aaral ang kanilang pagwawakas sa iba pang miyembro ng grupo.
Levitico 19:9-10
Exodo 20:4-6
Exodo 22:10-13
Deuteronomio 14:1-2
Takdang-Aralin sa Aralin 10
Sa Aralin 1, pinili mo ang isa sa mga sumusunod na sipi ng kasulatan:
Deuteronomio 6:1-9
Josue 1:1-9
Mateo 6:25-34
Efeso 3:14-21
Colosas 3:1-16
Ngayong nakapagsanay ka na sa bawat hakbang ng paglalakbay sa pagpapakahulugan, gawin mo ang isang masusing pag-aaral sa napili mong kasulatan. Kapag natapos mo na, ihanda ang iyong pag-aaral sa isa sa mga sumusunod na anyo:
1. Kung ikaw ay kabilang sa isang grupo sa kursong ito, dapat kang gumawa ng isang paglalahad kung saan ibabahagi mo ang iyong naging pag-aaral. (1) Ipakita mo ang iyong mga pagsusuri, (2) ituro mo ang mga prinsipyo mula sa teksto, at (3) ipakita mo kung paano maisasabuhay ang teksto ng mga mananampalataya sa ngayon.
2. Kung ikaw ay nag-aaral nang mag-isa, sumulat ka ng 5-6 na pahina ng papel kung saan ipapaliwanag mo (1) ang iyong mga pagsusuri, (2) ang mga prinsipyong itinuturo sa teksto, at (3) ang mga pagsasabuhay nito para sa mga mananampalataya sa ngayon.
Print Course
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.