Paalala sa namumuno ng klase: Iminumungkahi namin na hatiin sa dalawang klase ang pagtuturo ng aralin na ito dahil marami itong sinakop. Magkakaroon lang ng takdang-aralin ang mga mag-aaral pagkatapos ng pangalawang klase.
Kung alam mo ang anyo ng panitikan makakatulong ito sa pagpapakahulugan ng kasulatan.
Kapag sinabi sa Biblia na si David ay nag-alaga ng mga tupa (1 Samuel 16:11), alam natin na ang tinutukoy ay literal na mga tupa, dahil siya ay isang pastol. Pero kapag sinabi sa aklat ng Apocalipsis na nakita ni Juan ang isang dragon (Apocalipsis 12:3) o isang bagay na kahawig ng leon o oso, alam natin na ang mga hayop na ito ay kumakatawan sa ibang bagay dahil ang aklat ng Apocalipsis ay puno ng mga simbolo.
Kapag sinabi sa 1 Mga Hari 5:6 na bumili si Solomon ng mga kahoy na cedar para sa templo, alam natin na literal na puno iyon. Kapag sinabi naman ng Awit 1:3 na parang puno sa tabing-ilog ang taong matuwid, alam natin na ginamit lang ito bilang paghahambing. Kapag sinabi ng Isaias 55:12 na pumalakpak ang mga puno, ibig sabihin nito ay magkakaroon ng subrang kasiyahan na parang nagdiriwang din pati na ang kalikasan.
Mahalaga ang pag-unawa sa anyo ng panitikan sa pagpapakahulugan ng Biblia. Ang isang aklat ng tula (Mga Awit) ay nagpapahayag sa ibang paraan kumpara sa isang sulat (Roma). Ang pag-unawa sa pagkakaiba nito ay tumutulong sa atin na magpakahulugan ang bawat aklat ayon sa nais ng may-akda. Narito ang isang maikling pagpapakilala sa mga pangunahing uri ng panitikan sa kasulatan.
Anyo ng Panitikan : Kasaysayan
Malaking bahagi ng Biblia ay kasaysayan: ang Pentateuch, mga Aklat ng Kasaysayan, ang mga Ebanghelyo, at Mga Gawa, at ibang maiikling bahagi ay tama, tapat na tala ng mga tunay na tao at totoong mga pangyayari sa kasaysayan.
(Mayroon ding mga kathang-isip na paglalarawan na ginamit ng mga propeta at mga talinghagang ginamit ni Jesus. Tatalakayin natin ang pagpapakahulugan ng mga ito sa ibang bahagi dahil naiiba ito sa pagpapakahulugan ng mga makasaysayang tala.)
Mga Tanong na Dapat Itanong Kapag Nagbabasa ng Kasaysayan
Habang binabasa mo ang kasaysayan sa Biblia itanong ang mga sumusunod:
(1) Ano ang kwento?
Kapag nagbabasa tayo ng kasaysayan, hinahanap natin ang kabuuang pagkakaayos ng kuwento. Halimbawa, sinusundan ng ebanghelyo ni Lucas ang ministeryo ni Jesus sa Galilea; pagkatapos ay tinutukan ang paglalakbay ni Jesus papuntang Jerusalem at ang mga turo niya tungkol sa pagiging alagad; Si Lucas ay nagwakas sa pamamagitan ng pagtuon sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesus sa Jerusalem. Sa aklat ng Mga Gawa, ipinapakita ni Lucas ang lumalagong ministeryo ng iglesia. Muli, sinusunod niya ang istruktura batay sa heograpiya. Ipinangaral muna ang ebanghelyo sa Jerusalem; pagkatapos ay dinala ang ebanghelyo sa buong Judea at Samaria; at sa huli, umabot ang ebanghelyo sa dulo ng mundo sa pamamagitan ng ministeryo ni Pablo sa Roma.
(2) Sino ang mga tao sa kwento?
Kapag nagbabasa tayo tungkol sa mga taong makasaysayan sa Biblia, natututo tayo ng mga ugaling dapat nating linangin at mga kahinaang dapat iwasan. Tinanong natin ang mga tanong tulad ng, “Ano ang dahilan kung bakit naging mabisa si Nehemias bilang pinuno?” at “Ano ang naging kaibahan ng pagkabigo ni Saul at tagumpay ni David?” Inihahambing din natin ang paraan ng pangangaral nina Pedro at Pablo. Sa mga kasaysayan sa Biblia, nakakakuha tayo ng malinaw na larawan ng mga tao.
(3) Ang kwento bang ito ng kasaysayan ay nagbibigay ng halimbawa na dapat tularan?
Kapag nagbabasa ng kasaysayan, kailangan nating tanungin kung ang gawain ay isang halimbawa na dapat nating tularan. Ang isang kwento ng kasaysayan ay maaaring magbigay ng huwaran kung ano ang inaasahan ng Diyos sa kanyang mga tao. Sa kabaligtaran, maaaring magbigay ito ng mahalagang kasaysayan na hindi dapat gawing huwaran na tutularan.
Naalala mo ba yung halimbawa tungkol sa isang mangangaral na gumamit ng Mga Hukom 21 para mangaral kung paano magkaroon ng asawa? Sa halimbawang iyon, hindi niya naitanong, “Inuutos ba sa Mga Hukom ba ang gawaing ito o ikinukuwento lang?” Ang Mga Hukom 21 ay naglalarawan lang ng ginawa ng Israel; hindi nito inuutos ang ganoong asal.
Kapag nagbabasa ng kasaysayan, dapat mong itanong: “Halimbawa ba ito na dapat tularan?” o “Paglalarawan lang ba ito?” Kadalasan, ay malinaw ang sagot; walang mag-iisip na ang Mga Hukom 21 ay nag-uutos ang pagdukot ng asawa! Gayunpaman, minsan ay hindi ganoon kalinaw. Ang aklat ng Mga Gawa ay bahagyang mahirap unawain. Dapat bang asahan ng iglesia ngayon ang parehong himala gaya ng unang iglesia? Ang lahat ba ng puspos ng Espiritu ay magsasalita sa ibang wika?
Paano natin malalaman kung ang isang sipi ay nagbibigay sa atin ng halimbawa na dapat sundan? Kung hindi natin masasagot ito nang tama, mali ang magiging pag-intindi natin sa mga aklat ng kasaysayan gaya ng Mga Hukom at Mga Gawa. Kung hindi natin ito masasagot nang tama, mamimili lang tayo ng mga detalye sa Biblia depende lamang sa gusto natin. Tandaan ang prinsipyong ito: Kung ang isang kwento ng kasaysayan ay nagbibigay ng halimbawa na dapat tularan, makakakita tayo ng malinaw na utos o inulit na mga halimbawa sa iba pang mga sipi.
Halimbawa, ipinapakita sa Mga Gawa na ang mga unang Kristiyano ay masigasig sa pangangaral ng ebanghelyo. Alam nating ito ay isang halimbawa na dapat nating sundan dahil inuutos sa atin sa Mateo 28:19-20 na gumawa ng mga alagad. Ipinapakita rin sa Mga Gawa ang mga gawain ng Banal na Espiritu sa iglesia. Alam natin na karaniwang bahagi ito sa buhay ng iglesia dahil ipinangako ni Jesus na bibigyan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu ang ministeryo ng kanyang mga tagasunod (Mga Gawa 1:8). Kapag hindi tayo nangangaral ng ebanghelyo o hindi natin ipinapakita ang kapangyarihan ng Banal na Espiritu sa ating ministeryo, hindi natin natutupad ang huwarang ipinakita sa Mga Gawa. Ang mga kwentong ito ay mga halimbawa para sa iglesia.
Sinasabi rin sa atin ng Mga Gawa na ang mga Kristiyano noon ay may lahat ng bagay na magkakasama at sumasamba sa mga pribadong tahanan. Iniuutos ba ang mga gawaing ito sa kasulatan? Hindi. Ang pagbabahagi ng ari-arian ay kusa at hindi sapilitan, gaya ng sinabi ni Pedro kay Ananias (Mga Gawa 5:3-4). Gayundin, hindi inuutos sa kasulatan na ang pagsamba ay kailangang gawin sa mga pribadong tahanan.[1]
Dahil ang mga gawaing ito ay hindi iniutos sa kasulatan, masasabi natin na bahagi lamang sila ng kasaysayan ng iglesia at hindi kailangang tularan sa lahat ng panahon. Inilalarawan lang ng Mga Gawa ang isang tiyak na panahon sa kasaysayan; hindi nito iniuutos na ang mga gawaing iyon ay dapat gawin sa lahat ng panahon.
(4) Ano ang mga prinsipyo ang itinuro ng makasaysayang kwento na ito?
Ayon kay Pablo, ang kasaysayan sa Biblia ay ibinigay para tayo'y matuto (1 Corinto 10:11). Ipinapakita nito kung paano kumikilos ang Diyos sa kasaysayan ng tao at kung ano ang nakalulugod o hindi kalugud-lugod sa kanya. Bilang mga mambabasa, kailangan nating hanapin ang mga prinsipyo mula sa mga kasaysayang ito.
Bihira nating mabasa sa kwento ang, “Nagreklamo ang mga Israelita laban sa Diyos at sila’y pinarusahan. Kaya huwag kayong magreklamo sa Diyos.” Sa halip, ipinapakita sa atin na nagreklamo ang Israel laban sa Diyos; nakikita natin ang mga bunga ng kanilang kasalanan, at dapat nating maunawaan ang prinsipyo na itinuturo. Sa halip na mga tuwirang utos, ang kasaysayan ay nagbibigay ng magagandang halimbawa na dapat tularan at masasamang halimbawa na dapat iwasan. Sa aklat ni Josue, makikita natin na ang pagsunod sa Diyos ay nagdudulot ng tagumpay; sa aklat ng Mga Hukom, makikita natin na ang pagsuway ay nagdudulot ng kaguluhan.
Ang Aklat ng Mga Gawa
Ang aklat ng Mga Gawa ay nagbibigay ng tala ng kasaysayan ng mga pangyayari matapos ang buhay ni Jesus dito sa mundo. Para sa mga nagbabasa ng Bagong Tipan, ang Mga Gawa ang nagbibigay ng konteksto ng mga sulat na isinulat para sa mga iglesia.
Ipinapakita ng aklat ng Mga Gawa na ang iglesia, sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, ay hindi mapipigilan sa misyon nitong ipalaganap ang ebanghelyo. Hinarap ng iglesia ang mga isyu sa doktrina, hidwaan sa loob, huwad na tagapagturo ng doktrina, kahirapan sa pamamahala, pagkukunwari, paglaban ng mga demonyo, pag-uusig mula sa lipunan at gobyerno, at mga sakuna sa paglalakbay. Gayunpaman, nagpatuloy pa rin ang iglesia nang may kagalakan at tagumpay. Dahil sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu, nabago ang mga tao at mga komunidad sa pamamagitan ng ebanghelyo.
Ang layunin ni Lucas sa pagsulat ng Mga Gawa ay bigyan ng lakas ng loob ang iglesia para ipagpatuloy ang misyon nitong abutin ang buong mundo sa pamamagitan ng ebanghelyo. Makikita ang layuning ito sa buong aklat sa mga sumusunod na punto. May iba pang katulad na mga punto na maaaring idagdag.
Sinabi ni Jesus na dadalhin ng mga disipulo niya ang ebanghelyo hanggang sa pinakamalayong bahagi ng mundo (Mga Gawa 1:8).
Pinalakas ng Espiritu ang mga alagad para ipangaral ang ebanghelyo sa araw ng Pentecostes, at 3,000 katao ang sumampalataya (Mga Gawa 2:41).
Araw-araw may mga taong nadaragdag sa iglesia (Mga Gawa 2:47).
Sinabi rin ng pinuno ng mga Judio na si Gamaliel na ang gawain ng Diyos ay hindi kayang mapigilan (Mga Gawa 5:39).
Dahil sa pag-uusig umalis ang mga Kristiyano sa Jerusalem at ikinalat nila ang ebanghelyo (Mga Gawa 8:1, 4).
Ang pinuno ng pag-uusig ay naligtas at naging pinakadakilang mangangaral (Mga Gawa 9:13-22).
Si Pablo at ang iba pa ay gumawa ng mga paglalakbay bilang misyonero sa mga kilalang bahagi ng mundo noon (Mga Gawa 13–21).
Nangaral si Pablo sa harap ng mga pinuno (Mga Gawa 24-26).
Nangaral si Pablo maging sa Roma, ang kapital ng imperyo (Mga Gawa 28).
Pagsasabuhay ng Aklat ng Mga Gawa
Minsan iniisip ng mambabasa na ang aklat ng Mga Gawa ay nagtuturo kung paano gumawa ng gawain sa misyon, magbautismo, mag-ayos ng iglesia, at maranasan ang Banal na Espiritu. Itinala ng Mga Gawa ang kasaysayan kung paano ginawa ng unang iglesia ang mga bagay na ito; pero hindi layunin ng sumulat na gawing gabay ang aklat ng Mga Gawa para sa gawain ng ministeryo.
Hindi natin dapat isipin na kailangan nating gawin lahat ng bagay sa parehong paraan ng iglesia sa aklat ng Mga Gawa, ngunit marami tayong matututunan sa kung paano nila hinarap ang mga pagsubok.
Ipinapakita ng Mga Gawa na ang iglesia ay dapat patuloy na lumalawak sa pagpapahayag ng ebanghelyo, na laging sumusulong, hinaharap ang lahat ng suliranin sa pamamagitan ng kapangyarihan at karunungan ng Banal na Espiritu, at bumubuo ng mga istrukturang kailangan upang malutas ang mga praktikal na isyu.
[1]Sa ilang bahagi ng mundo ngayon mas ligtas para sa mga Kristiyano ang sumamba sa kanilang mga tahanan kaysa magtipon sa pampublikong gusali. Batay ito sa kalagayan ng bawat lugar, hindi ito isang pangkalahatang kautusan.
Anyo ng Panitikan: Kautusan sa Lumang Tipan
Ang Halaga ng Kautusan sa Lumang Tipan
Iniisip ng ilang Kristiyano na wala nang masyadong silbi ang Lumang Tipan para sa mga mananampalataya ngayon maliban sa pagiging halimbawa ng mga prinsipyo ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng kasaysayan. Akala nila na ang mga batas sa Lumang Tipan ay hindi na maisasabuhay ng mga Kristiyano sa ngayon.
Ilang beses isinulat ni Apostol Pablo ang tungkol sa pagbabagong gamit ng kautusan sa Lumang Tipan para sa mga mananampalataya. Sabi niya, inalis ng kamatayan ni Cristo ang parusa ng kautusan, at hindi dapat husgahan ang mga mananampalataya na hindi na sumusunod sa mga ritwal ng kautusan (Colosas 2:14-17). Sabi rin niya na ang mga apostol ay hindi na namumuhay sa ilalim ng mga utos ng mga Judio (Galacia 2:14-16). Tumanggi siyang pilitin ang isang Hentil na pastor na magpatuli (Galacia 2:3). Sabi niya na dapat sundin ng bawat tao ang kanyang konsensiya tungkol sa pagkain ng mga Judio at mga espesyal na araw, at hindi dapat maghusgahan ang mga mananampalataya tungkol dito (Roma 14). Sabi rin niya na ang mananampalataya ay patay na sa kautusan at ngayon ay naglilingkod sa Diyos sa paraang tumutupad sa layunin ng kautusan kahit hindi na sumusunod sa mismong mga detalye nito (Roma 7:4, 6). Ang pinakamahalaga, sinabi niya na walang sinuman ang maituturing na matuwid sa pamamagitan ng pagsunod sa mga gawa ng kautusan (Roma 3:20).
May mga sinabi rin ang Biblia tungkol sa kautusan sa Lumang Tipan na nagpapakita na ito ay mahalaga pa rin para sa mga mananampalataya. Dahil ang kautusan sa Lumang Tipan ay nagpapahayag ng kalikasan ng Diyos, ang taong umiibig sa Diyos ay iniibig din ang kanyang kautusan (tingnan ang Awit 1:2, Awit 119:7, 16, 70). Sinabi ni Pablo na ang kautusan ay banal, matuwid, at mabuti (Roma 7:12). Sinabi rin niya, “Ang lahat ng mga kasulatan ay kinasihan ng Diyos at mapapakinabangan sa pagtuturo, sa pagsaway, pagtutuwid, at sa pagsasanay sa katuwiran” (2 Timoteo 3:16). Noong panahon na sinabi niya ito, ang salitang kasulatan ay tumutukoy lalo na sa Lumang Tipan. Sinabi rin ni Pablo kay Timoteo na ang mga kasulatan ay magbibigay ng karunungan sa kanya tungo sa kaligtasan (2 Timoteo 3:15). Ipinapakita ng mga pahayag na ito na bilang mga mananampalataya, hindi natin dapat balewalain ang anumang bahagi ng Lumang Tipan. Kahit hindi tayo naliligtas sa pamamagitan ng pagsunod sa mga kautusan ng Diyos, gusto pa rin nating maunawaan ang kanyang kalooban para masiyahan siya sa ating buhay (2 Corinto 5:9-10).
Pag-uuri ng mga Kautusan sa Lumang Tipan
Upang matulungan tayo na maunawaan kung paano gagamitin ngayon ang kautusan sa Lumang Tipan, suriin natin ang ilan sa mga uri ng kautusan.
Seremonyal na mga kautusan ay tungkol sa mga paghahandog, ritwal, pagkain, at mga espesyal na araw. Sabi ni Pablo, natupad na ang mga kautusan na ito kay Cristo (Colosas 2:16-17). Ang aklat ng Hebreo ay nagpapaliwanag kung paano natin maiintindihan ang kahulugan ng mga seremonya sa Lumang Tipan. Halimbawa, ang mga bagay sa templo ay nililinis gamit ang dugo, na simbolo sa dugo ni Cristo na maglilinis sa mga mananampalataya (Hebreo 9:14, 21-24).
Panlipunang kautusan ay ibinigay sa Israel bilang isang bansa. Ang mga panlipunang kautusan ay hindi ipinatutupad ng bawat mamamayan, kundi ng mga itinalagang may awtoridad. Halimbawa, ang mga taong nagsasagawa ng pangkukulam ay kailangang patawan ng kamatayan (Exodo 22:18), ngunit ang paglilitis at pagpapatupad ng hatol ay ginagawa ng mga opisyal na may awtoridad, hindi ng bawat mamamayan. Inilalarawan sa Deuteronomio 17:2-12 ang proseso ng pamahalaang lokal sa pakikinig sa mga saksi at pagbibigay ng katarungan; may mas mataas na hukuman din para sa mga mas mahihirap na kaso.
Ang mga kautusan ng isang bansa ngayon ay maaaring iba na, at ang bawat mananampalataya ay hindi dapat personal na managot sa pagpapatupad ng mga panlipunang kautusan ng sinaunang Israel. Gayunpaman, itinuturo sa atin ng mga kautusan na ito ang tungkol sa katuwiran ng Diyos at sa katuwiran na inaasahan niya mula sa kanyang bayan. Halimbawa, itinuturo ng kautusan sa Exodo 22:18 na mali para sa isang tao na magsagawa ng pangkukulam. Ang iba pang mga panlipunang kautusan ay nagtuturo na nais ng Diyos na ang isang bansa ay kumalinga sa mga mahihirap at pigilan ang anumang uri ng kawalang-katarungan laban sa lahat ng uri ng tao (Deuteronomio 24:14-15, 17-22).
Ang tagapagpakahulugan ng Biblia ay kailangang unawain muna kung ano ang prinsipyo sa likod ng isang panlipunang kautusan sa Lumang Tipan, bago niya isipin kung paano ito maisasabuhay ng isang mananampalataya sa ngayon. Dapat natin tanungin, “Ano ang pinahahalagahan ng Diyos? Ano ang layunin ng Diyos? Anong pananaw ng Diyos ang ipinapakita ng kautusan na ito?” Pagkatapos noon, iisipin natin kung anong uri ng pagsasabuhay sa panahon natin ngayon ang magpapasaya sa Diyos.
Moral na mga kautusan ay nagsasaad ng permanenteng kahilingan ng Diyos para sa tamang pamumuhay. Ang moral na mga kautusang ay nagpapahayg tungkol sa katapatan, seksuwalidad, pagsamba sa diyus-diyosan, at iba pang mga isyu (Exodo 20:4-5, 13-16). Marami sa moral na mga kautusang ang inulit sa Bagong Tipan. Ang moral na mga kautusang ay naging pundasyon ng mga panlipunang kautusan ng mga bansa ngayon, bagaman ang mga kautusan ng mga bansa ay hindi ganap o palaging sumusunod sa mga kautusan ng Diyos. Ang mga kautusan ng Diyos para sa kanyang mga tao ay higit pa sa hinihingi ng lipunan.
Ang paghahati natin ng mga kautusan sa iba't ibang pag-uuri ay hindi perpekto. May mga sipi sa Lumang Tipan na kinapapalooban ng tatlong kategorya ng kautusan at may mga kautusan din na hindi madaling uriin. Kahit hindi perpekto ang ganitong pag-uuri, nakakatulong ito upang maunawaan natin kung paano isinasabuhay ang mga kautusan ng Lumang Tipan sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan.
Pagbibigay-Kahulugan sa Kautusan sa Lumang Tipan[1]
Kapag pinag-aarlaan mo ang kautusan sa Lumang Tipan, mahalagang isaalang-alang ang mas malawak na konteksto ng kautusan na iyong pinag-aaralan. Pansinin ang mga pangyayaring nakapaligid dito. Paano umaangkop ang kautusan na ito konteksto nito?
Pagkatapos ay itanong:
(1) Ano ba ang ibig sabihin ng tekstong ito sa mga orihinal na tagapakinig?
Upang maunawaan mo kung paano tinanggap ng Israel ang kautusan, itanong mo:
May kaugnayan ba sa pagitan ng kautusan at mga talatang nakapaligid dito?
Ang batas ba ay tugon sa isang tiyak na sitwasyon na may kaugnayan sa kasaysayan ng Israel?
Kaugnay ba ang kautusan sa sistema ng pagsasakripisyo sa Lumang Tipan?
(2) Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga unang tagapakinig ng Biblia noon sa atin ngayon?
Mas malaki ang kaibahan ng panahon natin sa panahon ng Lumang Tipan kaysa sa panahon natin ngayon at panahon ng Bagong Tipan. Halimbawa:
Hindi na tayo pumupunta sa nag-iisa, sentrong Templo; dahil nananahan na ang Banal na Espiritu sa bawat mananampalataya.
Hindi na rin tayo lumalapit sa Diyos sa pamamagitan ng mga sakripisyo; minsanan nang namatay si Cristo, para sa lahat (Hebreo 10:10).
Ang Salita ng Diyos ay hindi kautusan ng ating bansa. Tayo ay namumuhay na sa ilalim ng mga sekular na gobyerno.
(3) Anong mga prinsipyo ang itinuturo ng teksto na ito?
Ang tiyak na utos sa isang kautusan sa Lumang Tipan ay maaaring hindi na kailangang sundin sa panahon ngayon. Dapat nating hanapin ang permanenteng prinsipyo na itinuro ng kautusan. Ito ang tulay na nagdadala sa kasulatan mula sa sinaunang tagpuan patungo sa makabagong mundo. Ang prinsipyong ito ay magiging may kaugnayan kapwa sa Lumang Tipan na tagapakinig at sa isang kontemporaryong tagapakinig.
Ipahayag mo ang prinsipyong ito sa 1-2 pangungusap. Upang makasiguro na ang prinsipyo ay ayon sa Biblia, itanong ang mga ito:
Ang prinsipyong ito ba ay nagpapakita ng malinaw ng kautusan?
Ang prinsipyong ito ba ay maaari maisabuhay ng lahat ng tao sa anumang panahon at lugar?
Ang prinsipyong ito ba ay naaayon sa kabuuang turo ng kasulatan?
(4) Iniangkop ba ng Bagong Tipan ang prinsipyong ito sa anumang paraan?
Ang mga naunang tatlong tanong ay maaari mong gamitin sa pagpapakahulugan sa anumang sipi ng kasulatan. Idagdag mo ang huling tanong na ito lalo na są proseso ng pagpapakahulugan kapag pinag-aaralan mo ang Lumang Tipan. Kung nakakita ka ng prinsipyo sa sipi ng Lumang Tipan na para sa lahat ng panahon, nananatili pa rin ang prinsipyong ito ngayon. Gayunpaman, ipinapakita ng Bagong Tipan na iba na ang pagsasabuhay nito ngayon kaysa sa panahon ng Lumang Tipan.
Halimbawa, inuutos sa Exodo 20:14, “Huwag kang mangangalunya.” Sa Pangaral sa Bundok, pinalalim ni Jesus ang utos na ito at ipinakita na pati ang pag-iisip ng mahalay ay paglabag na rin (Mateo 5:28). Hindi kinansela ni Jesus ang prinsipyo ng Exodo 20:14; pinalalim niya ang pagsasabuhay dito.
[1]Ang bahaging ito ay inangkop mula sa J. Scott Duvall at J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012).
Anyo ng Panitikan: Tula
Maraming tula sa Biblia. Ang Job, Mga Awit, Mga Kawikaan, at Ang Awit ng Mga Awit ay halos puro tula, at ang Eclesiastes ay may bahagi rin ng tula. Marami ring tula sa mga aklat ng mga propeta. Ang tula ay isang paraan ng pagsulat na ginamit upang ipahayag ang matinding damdamin. Hindi ito idinisenyo upang magbigay ng detalyadong kasaysayan o upang lumikha ng lohikal na paliwanag. Sa tula, nakikinig tayo sa puso ng manunula; pinapakinggan natin nang mabuti ang damdamin na ipinapahayag sa tula.
Ang tula ay madalas gumagamit ng matalinghagang pananalita, at ang mga paglalarawan dito ay hindi laging dapat intindihin nang literal.
Narito ang isang halimbawa ng makatang pahayag mula sa Mga Awit: “[Ang Diyos] iyong iaakma sa kanilang mga mukha ang iyong mga pana” (Awit 21:12). Nauunawaan natin na wala namang literal na pana ang Diyos na ipapana sa kanila. Ang ibig sabihin ng manunulat ay kaya ng Diyos na talunin ang sinumang kalabanin siya. Ipinapaalala ng manunulat sa mga mananampalataya na magtiwala sa tagumpay ng Diyos.
Madalas na ginagamit ang tula upang malikhaing ipahayag ang mga katotohanang mas tuwirang itinuro sa ibang bahagi ng Biblia. Huwag bumuo ng isang doktrina o kaugalian batay lamang sa isang sipi ng tula kung hindi rin ito itinuturo sa mas tuwirang sipi.
Ang tulang Hebreo ay minsang gumagamit ng mga tunog na may kaayusan, ngunit hindi ito gumagamit ng tugma gaya ng tradisyunal na tulang Filipino. Ang pag-unawa sa mga katangian ng tulang Hebreo ay makatutulong sa iyo na higit na pahalagahan ang kagandahan nito.
Mga Katangian ng Tulang Hebreo
Paralelismo
Ang tulang Hebreo ay madalas nakabatay sa paralelismo. Dalawang magkatambal na pahayag ang ginagamit; ang ikalawang pahayag ay nagdadagdag ng kahulugan sa unang pahayag ngunit hindi ito laging nagpapakilala ng karagdagang punto.
May tatlong uri ng paralelismo:
Ang isang talata ay nagsasabi ng parehong bagay sa dalawang paraan. (Awit 25:4, Awit 103:10, at Mga Kawikaan 12:28).
Ang isang talata ay nagpapakita kung paano magkaiba ang dalawang bagay. (Awit 37:21, Mga Kawikaan 10:1, 7).
Ang isang talata ay gumagawa muna ng isang pahayag tapos ay dinadagdagan ito ng mas maraming detalye sa susunod na pahayag. (Awit 14:2, Awit 23:1, at Kawikaan 4:23).
Kapag binibigyang-kahulugan mo ang paralelismo, itanong mo kung ano ang idinagdag ng pangalawang linya sa unang linya. Pinalalakas ba nito ang unang linya, kinokontra ba nito ang unang linya, o nagbibigay ba ito ng bagong impormasyon?
Mga Tayutay
Bagamat lahat ng aklat sa Biblia ay may mga tayutay, mas madalas itong ginagamit sa mga tula. Ang mga tayutay na makikita sa tula ng mga Hebreo ay kinabibilangan ng:
1. Paghahalintulad ng dalawang bagay na may pagkakapareho gaya ng “Ang Panginoon ay aking pastol” (Awit 23:1).
2. Paggamit ng pagmamalabis upang mabigyang-diin ang isang punto. Ganito inilarawan ni David ang kanyang matinding dalamhati: “Bawat gabi ay pinalalangoy ko ang aking higaan, dinidilig ko ang aking higaan ng aking mga pagluha” (Awit 6:6).
3. Paglalarawan tungkol sa isang bagay na parang ito ay isang tao: “Ang karunungan ay sumisigaw nang malakas sa lansangan; kanyang inilalakas ang kanyang tinig sa mga pamilihan” (Mga Kawikaan 1:20).
4. Paglalarawan sa Diyos gamit ang mga katangian ng tao: “Ang mga talukap ng kanyang mata ay sumusubok sa mga anak ng mga tao” (Awit 11:4).
Kapag nagpapakahulugan sa mga ganitong tayutay, itanong mo kung ano ang ipinapakita ng larawang ginamit na hindi agad mauunawaan kung simpleng pangungusap lang ang ginamit. Halimbawa, “Ang Panginoon ay aking pastol” ay higit pa sa “Inaalagaan ako ng Diyos.” Ipinapakita nito ang kanyang pag-ibig, pamumuno, pag-ngangalaga laban sa ating mga kaaway, at disiplina kapag tayo ay lumalayo mula sa kanyang pag-aalaga.
Ang Aklat ng Mga Awit
Mga Uri ng Mga Awit
Mayroong ilang mga uri ng Mga Awit. Mga Awit ng papuring nagpaparangal sa Diyos para sa kanyang mga katangian, pagpapala, at pamamagitan (Awit 23, 29). Ang Mga Awit ay tungkol sa kautusan ng Diyos na nagpupuri sa karunungan at katuwiran ng Diyos (Awit 119). Ang Mga Awit ng kalungkutan ay nagpapahayag ng damdamin sa Diyos, paghingi sa kanya ng tulong, at pagpapasakop sa kanyang kalooban (Awit 3, 13, 22). Ang Mga Awit tungkol sa hari ay naglalarawan ng mga pagpapalang dumarating sa isang bansa sa pamamagitan ng isang hari na nagpaparangal sa Diyos, at ang Mga Awit na ito ay tumutukoy din sa paparating na kaharian ng mesyaniko (Awit 21, 72). Ang Mga Awit ng galit ay tumatawag sa Diyos na hatulan ang masasamang tao at ipagtanggol ang kanyang mga lingkod (Awit 69:21-28, Awit 59). Maaaring ilista ang iba pang uri ng Mga Awit.
Pagsasabuhay ng Mga Awit
Sinasabi ng Bagong Tipan ang ilang paraan kung paano gamitin ang Mga Awit. Ang Mga Awit ay nagpapahayag ng ating pagsamba sa Diyos (Efeso 5:19). Kapaki-pakinabang din ito sa pagtuturo ng aral at pagbibigay ng lakas ng loob (Colosas 3:16).
Hindi lahat ng ugali na ipinapahayag sa Mga Awit ay isang halimbawa ng ugali na dapat nating taglayin. Gayunpaman, natutunan natin mula sa Mga Awit na ang bawat ugali ay dapat isuko sa Diyos. Sa panalangin, maaari mong ipahayag sa Diyos ang anumang nararamdaman mo. Ang Mga Awit ay nagpapakita sa atin na maaaring maipanumbalik ng Diyos ang pananampalataya ng isang mananampalataya na nahihirapan sa panghihina ng loob, takot, o galit.
Anyo ng Panitikan: Karunungang Panitikan
Ang Job, Mga Kawikaan, Eclesiastes, at ilang bahagi ng Mga Awit at Santiago ay kabilang sa panitikang tinatawag na karunungan. Sa Mga Kawikaan at Eclesiastes, ang mga aral ay para sa mga kabataan na natututo pa lamang tungkol sa mga prinsipyo ng buhay.
Ang Aklat ng Job
Mahahabang sipi sa aklat ng Job ang nagpapakita ng mga salita ng iba’t ibang tao, kasama na si Job. Iba-iba ang opinyon na ipinapahayag ng mga nagsasalita. Ang isang nagpapakahulugan ng Biblia ay hindi dapat basta kumuha ng pahayag mula sa isa sa mga tao sa aklat at ituro ito bilang prinsipyong galing sa Biblia. Sinusuri ng aklat ng Job ang mga sinabi ng mga tao sa pamamagitan ng mga salita at pananaw ng Diyos. Sa Job 38-42, tumugon ang Diyos sa mga sinabi ng mga tao, at sa Job 1-2 ipinapakita rin ang pananaw ng Diyos sa nangyayari.
Anyo ng Panitikan: Kawikaan
Ang mga Kawikaan ay mga pagsusuri tungkol sa buhay na maikli at malinaw ang pagkakasabi. Sinasabi nito ang madalas mangyari, ngunit hindi ibig sabihin ay wala nang ibang posibleng mangyari.
Sa unang tingin, madali lang ipakahulugan ang isang kawikaan. Gayunpaman, ang anyo ng panitikan na ito ay may hamon. Ang isang kawikaan ay nagsasabi ng isang pangkalahatang prinsipyo tungkol sa buhay, ngunit hindi ito laging maisasabuhay sa bawat sitwasyon. Halimbawa, sabi sa Mga Kawikaan 21:17,
Ang umiibig sa kalayawan ay magiging dukha, ang umiibig sa alak at langis ay hindi sasagana.
Bilang pangkalahatang tuntunin, ang mga taong inuuna ang layaw kaysa sa pagtatrabaho ay madalas na nauuwi sa kahirapan. Totoo ito bilang isang pangkalahatang tuntunin, ngunit may mga maraming pagbubukod. May mga mayayamang tao na namana lang ang kanilang yaman at hindi na kailangang magtrabaho. Ginugugol nila ang kanilang araw sa pag-inom at paglilibang, ngunit mayaman pa rin sila. Mayroon namang mga taong masipag pero nananatiling mahirap. Itinuturo ng kawikaan ang isang pangkalahatang prinsipyo, hindi isang patakaran na laging totoo sa lahat ng pagkakataon.
Maraming kawikaan sa Biblia, hindi lang sa aklat ng Mga Kawikaan. Narito ang isang halimbawa ng kawikaan na sinabi ni Jesus: “…Sapagkat ang lahat ng humahawak ng tabak ay sa tabak mamatay” (Mateo 26:52). May mga mararahas na tao na hindi namatay sa marahas na paraan. Muli, ang kawikaan ay totoo bilang isang pangkalahatang pagsusuri, ngunit may mga pagkakataon na may mga pagbubukod dito.
Kapag ikaw ay nagpapakahulugan ng kawikaan, itanong mo ang mga ito:
(1) Ano ang pangkalahatang prinsipyo na itinuro sa kasulatan na ito?
Ang prinsipyo na makikita natin sa Mga Kawikaan 21:17 ay nagpapakita ng kahalagahan ng pagsisikap at disiplina. Karamihan sa mga kawikaan ay nagbubuod ng isang prinsipyo na kung ipapaliwanag nang buo ay kakailanganin ng isang buong talata.
(2) Anong mga pagbubukod sa prinsipyong ito ang umiiral?
Sa kaso ng Mga Kawikaan 21:17, makikita natin ang mga pagbubukod sa araw-araw na buhay. Hindi nito sinasalungat ang prinsipyo; ipinapakita lang nito na ang isang matalinong tao ay kailangang maunawaan na may mga pagbubukod sa mga pangkalahatang prinsipyo.
(3) Sino-sinong tao sa Biblia ang huwaran ng prinsipyong ito?
Kapag nagpapakahulugan tayo ng isang kawikaan, makakatulong kung makakahanap tayo ng tauhan sa Biblia na huwaran ng prinsipyong tinuturo ng kawikaan. Halimbawa, sinasabi sa Mga Kawikaan, “Kapag dumarating ang pagmamataas ay dumarating din ang kahihiyan; ngunit kasama ng mapagpakumbaba ay ang karunungan” (Mga Kawikaan 11:2). Ang pagmamataas ni Saul at ang mapagpakumbabang si David na umamin ng kasalanan ay nagpapakita kung paano nagiging totoo ang kawikaang ito sa tunay na buhay.
Ang Aklat ng Mga Kawikaan
Maraming bahagi ng Mga Kawikaan ay isinulat ni Solomon. Ang ipinahayag na layunin ng aklat ay ang tulungan ang tao na wala pa sa gulang na magkaroon ng karunungan at tulungan pa ang mga may karunungan na (Mga Kawikaan 1:4-5).
Ang aklat ng Mga Kawikaan ay nagpapahayag tungkol sa tatlong uri ng tao: Ang walang muwang ay taong nasa hustong gulang na ngunit kulang pa sa karanasan at pang-unawa sa buhay. Kailangang matuto siya ng karunungan upang siya ay hindi gumawa ng mga kamalian na magpapahamak sa kanya.
Ang marunong ay taong nakakaunawa kung paano mamuhay ayon sa mga prinsipyo ng Diyos. Ang mga tao ay kailangang magkaroon ng takot sa Diyos upang maging marunong (Mga Kawikaan 9:10). Ang taong marunong ay patuloy na natututo.
Ang hangal ay tumanggi sa karunungan (mga prinsipyo ng Diyos) at ayaw makinig. Ipinapakita niya ang masamang ugali at naghihirap dahil sa mga maling desisyon. Ang hangal ay hindi dahil sa kulang siya sa talino ngunit hindi niya nauunawaan ang buhay dahil tinanggihan niya ang gabay ng Diyos.
Ilang madalas na paksa sa aklat ng Mga Kawikaan ay (1) panganib ng pagiging tamad at kahalagahan ng kasipagan, (2) kapahamakan na resulta ng kasalanang sekswal, at (3) tamang pag-uugali sa iba’t ibang uri ng ugnayan.
Ang Aklat ng Eclesiastes
Ang aklat ng Eclesiastes ay isinulat ni Solomon (Eclesiastes 1:1).
Ang mensahe ng Eclesiastes: Kung hanggang dito lamang sa lupa ang buhay, walang hustisya at layunin ang buhay o anumang dakilang tagumpay.
Ipinapaliwanag ng Eclesiastes kung bakit ang buhay sa mundo ay hindi makakapagbigay sa mga tao ng tunay na kaligayahan at layunin. Sa buhay na ito:
Walang hustisya.
Lahat ng tao ay mamamatay at malilimutan.
Mas maginhawa pa ang buhay ng masasama.
Ang karunungan ang pinakamakapangyarihan ngunit kadalasang minamaliit ito.
Ang karunungan at kaalaman ay nagpapatindi ng pagdadalamhati.
Ipinapakita sa atin ng Eclesiastes na ang taong namumuhay na may pananaw na pangwalang-hanggan ay:
Magiging masaya ngunit seryoso pa rin tungkol sa mg isyu sa buhay.
Alam niya na darating din ang kamatayan.
Tinatangkilik ang magagandang bagay at kasiyahan sa mga ito ngunit may pananagutan pa rin sa Diyos.
Hindi niya hinahayaang maging pinakamahalaga ang anumang bagay dito sa lupa.
Ito ang naging pagwawakas ni Solomon: Dahil may darating na paghatol, maglingkod sa Diyos at sundin ang Kanyang mga utos mula pa sa kabataan.
Anyo ng Panitikan: Propesiya sa Lumang Tipan
Ang mga aklat ng mga propeta sa Lumang Tipan ay mga nakasulat na koleksyon ng mga mensaheng ipinangaral. 16 na propeta ang may mga mensahe na naitala sa kasulatan. Si Jeremias lamang ang may dalawang aklat. May ilang propetang sumulat ng mga aklat na wala sa kasulatan (1 Mga Cronica 29:29). At may daan-daang propeta rin na ayon sa alam natin ay walang isinulat.
Ang 16 na propetang ito ay naglingkod mula taong 760 hanggang 460 B.C. (Ang Israel ay bumagsak noong 722. Ang Juda ay bumagsak noong 587.) Sa panahong ito ng kasaysayan, ang pag-angat at pagbagsak ng ilang makapangyarihang kaharian sa mundo ay nakaapekto sa Israel sa larangan ng pulitika, ekonomiya, at relihiyon. Sa maraming pagkakataon, ang karamihan sa mga tao ng Israel at Juda ay lumabag sa tipan nila sa Diyos at sumamba sa mga diyus-diyosan.
Ang mga propeta ay tagapagtanggol ng tipan ng Diyos. Ipinaalala nila sa mga tao tungkol sa mga hinihingi ng Diyos. Noon pa, nangako ang Diyos na pagpapalain o isusumpa ang Israel depende kung susunod sila o susuway sa kanya (Levitico 26, Deuteronomio 28-32). Inihula ng mga propeta ang katuparan ng mga pangakong ito. Kasama sa mga pagpapala ng pagsunod ang buhay, kalusugan, kasaganaan, masaganang ani, kalayaan, at kaligtasan. Kasama naman sa mga sumpa ng pagsuway ang kamatayan, sakit, tagtuyot, taggutom, pagkasira ng mga bahay at siyudad, pagkatalo sa labanan, pagkatapon sa sariling bayan, pagkawala ng kalayaan, kahirapan, at kahihiyan.
Ang propesiya ay mensahe na nagmula sa Diyos. Ang propesiya ay pangangaral, tumutugon sa kasalukuyang sitwasyon at nananawagan ng agarang pagsunod. Madalas may hula sa mensahe ng mga propeta. Gayunpaman, ang propeta ay isang mangangaral. Ang kanyang mensahe ay tinatawag na propetiko ito man ay naglalaman ng hula o wala.
Sa maraming pagkakataon, hindi natin alam kung paano o kailan natupad ang isang hula sa propesiya. Pero hindi kailangan malaman ito para matuto tayo mula sa mga sipi na iyon. Madalas, ang katuparan ay hindi nangyari sa panahon ng propeta o ng mga unang nakarinig ng mensahe, ngunit ipinangaral pa rin ito para sa agarang pagsasabuhay at pagtugon. Itinuro ng mga propeta ang kaharian ng Diyos na darating bilang dahilan kung bakit kailangang magsisi at sumunod ang mga tao sa Diyos sa kasalukuyan (Habakuk 2:14).
Madalas kakaiba at dramatiko ang paraan ng mga propeta sa paghahatid ng mensahe. Ginagamit nila ang mga simbolo at kung minsan ay ipinapakita nila sa kilos. Gayunpaman, hindi nila ipinangaral na ang mga tao ay dapat gumawa ng bago at kakaiba, kundi ang sundin ang naipahayag na kautusan ng Diyos.
Ang pangangaral ng mga propeta, na layuning ibalik ang mga tao sa mga tuntunin ng tipan (ang kanilang ugnayan sa Diyos), ay maaari pa rin na maipangaral sa ngayon upang tawagin ang mga tao na bumalik sa tamang ugnayan nila sa Diyos.
Ang mga prediksyon (kahit ang mga matagal pang mangyayari sa hinaharap) ay binibigay upang magbunga agad ng pagbabago. Ang layunin ay himukin ang mga tao na magsisi at sumunod sa Diyos. Ganito rin ang layunin ng pangangaral ngayon.
May mga prediksyon na may kondisyon. Maaari pang makaiwas sa nakatakdang parusa ang mga makikinig sa pamamagitan ng pagsisisi (Jeremias 18:7-11, Jeremias 26:13-19). Ang mga nakinig kay Jonas sa Nineve ay hindi naparusahan kahit na ang mensahe ni Jonas ay walang ipinapahayag na awa (Jonas 3:4-5, 9-10).
Ang katuparan ng mga dakilang layunin ng Diyos ay hindi nakabatay sa anumang kondisyon; halimbawa, sa Isaias 43:5-6, ipinangako ng Diyos na ibabalik niya ang mga ipinatapon pabalik sa Israel sa pamamagitan ng kanyang sariling kapangyarihan, ngunit hindi sinabi sa sipi na may kailangang tuparin ang Israel upang mangyari ito. Gayunman, ang magiging bahagi ng isang tao sa mga pangyayaring ito ay nakadepende sa sarili niyang mga desisyon.
Ang mga aklat ng propesiya ay may mga sipi na naglalaman ng kwento ng kasaysayan, ngunit ang mga talumpati ay kadalasan na nasa anyong tula. Hindi mahirap tukuyin kung alin ang kwento ng kasaysayan na dapat ipakahulugan nang literal at alin ang mga tulang sipi na gumagamit ng mga simbolo.
Mga Mahahalagang Katawagan at Konsepto sa mga Propeta:
Pagsamba sa Diyus-diyosan: Ang pangunahing paglabag sa kasunduan sa Diyos.
Pangangalunya: Ang kasalanang madalas na kasama ng pagsamba sa diyus-diyosan at kadalasang ginagamit na talinghaga upang tukuyin ang pagsamba sa diyus-diyosan.
Mga Bansa: Tumutukoy sa mundo na wala sa tipan na ugnayan sa Diyos. Dalawang maliliit na tema:
1. Mga bansa na kadalasang lumalaban sa Israel.
2. Layunin ng Diyos na luwalhatiin siya ng Israel sa harap ng mga bansa.
Templo: Sentro ng presensya ng Diyos. Dalawa ang kaugnay na tema dito:
1. Ang paimbabaw na pagsamba ay walang galang sa Diyos.
2. Ang paglusob ng mga kaaway sa Templo ay nagpapakita ng lubos na pagkatalo ng Israel at pagkawala ng presensya ng Diyos.
Lupa o Mana: Ang espesyal na lugar na inilaan ng Diyos para sa mga Israelita upang sila ay pagpalain.
Pagkabihag: Ang pag-alis mula sa lugar na ibinigay ng Diyos, at ang pagkaalipin sa ibang mga bansa. Ang pagkabihag ay nangangahulugan na nawala na sa Israel ang pagpapala ng Diyos.
Ulan (at mag kaugnay na katawagan): Isang simbolo ng patuloy na pagpapala ng Diyos sa lupa. Ang kakulangan ng ulan ay tanda ng pagsalungat ng Diyos.
Ani (at mag kaugnay na katawagan): Pagpapala mula sa Diyos na kaugnay ng ulan at lupa.
Araw ng Panginoon: Isang hinaharap, biglaang paghuhukom ng Diyos na lilipulin ang masasama. Inisip ng Israel na ang paghatol ay para sa ibang mga bansa at natakot na marinig na sila ay hahatulan din.
Mga Kabayo: Kinakatawan ng puwersang militar.
Paglaya mula sa Egipto: Ang pangyayari sa kasaysayan na naging dahilan kung bakit naging bansa ang Israel at naging hari nila ang Diyos. Ang pagsamba sa diyus-diyosan ay insulto sa tipan na nabuo pagkatapos ng pagpapalaya.
Pagpapakahulugan sa Propetikong Panitikan
Ang propetikong panitikan ay isa sa pinakamahirap na uri ng panitikan na maipapakahulugan. Upang epektibong maipakahulugan ang propetikong panitikan, itanong ang mga ito:
(1) Ano ang sinabi ng propeta sa mundo niya?
Taliwas sa karaniwang paniniwala, ang propetikong panitikan ay hindi lang tumatalakay sa mga hula tungkol sa hinaharap. Ang propeta ay unang nagsasalita sa mga tao sa sarili niyang mundo.
Halimbawa, si Amos ay nangaral sa bansang Israel, na sumusuway sa Diyos. Ang mga tao ay mayaman at akala nila na kahit suwayin nila ang kautusan ng Diyos walang mangyayaring masama. Nagpahayag si Amos ng mensahe ng paghahatol: na hahtulan ng Diyos ang Israel dahil kinalimutan nila ang hustisya at katuwiran (Amos 5:7).
(2) Ano ang naging tugon ng mga tao sa kanyang mensahe?
Makikita ang naging tugon ng Israel kay Amos sa naging sagot ni Amazias, ang mataas na pari sa Bethel. Pinauwi niya si Amos sa Juda at sinabihan na huwag nang mangaral pa sa hilagang bahagi ng Israel (Amos 7:10-13).
(3) Anong prinsipyo mula sa mensahe ng propeta ang nangungusap pa rin sa ating mundo sa ngayon?
Kung paanong ang katarungan at katuwiran ang naging pamantayan ng Diyos para sa kanyang bayan sa sinaunang Israel, hinihingi pa rin ng Diyos ang katarungan at katuwiran mula sa kanyang mga anak sa ngayon. Hindi natin maaaring sambahin ang Diyos sa kanyang tahanan habang binabalewala ang kanyang panawagan na mamuhay nang matuwid (Amos 5:22-24).
Ang mga tanong na ito ay nagdadala ng katotohanan mula sa panahon ng propeta tungo sa panahon natin ngayon. Sa ating pagmamasid sa mundo ng propeta, makakasiguro tayo na ang ating pagpapakahulugan sa ngayon ay nag-uugat mula sa orihinal na mensahe.
Anyo ng Panitikan: Apokaliptikong Panitikan
Ang mga kasulatan na apokaliptiko ay kinabibilangan ng Daniel, Zacarias, Joel, Apocalipsis, at ilang mga sipi mula sa iba pang aklat sa Biblia.
Ang manunulat ng isang aklat sa apokaliptiko ay tumatanggap ng mensahe sa isang pangitain o panaginip. Ito ay may maraming simbolo. Madalas itong gumagamit ng mga hayop o kakaiba, halimaw na nilalang bilang mga simbolo.
Sa halip na ilarawan ang mga kaganapan ng magkakasunud-sunod, maaaring paulit-ulit na pag-uusapan ng sumulat ang tungkol sa parehong mga kaganapan/tagpo, na may iba't ibang mga detalye na isiniwalat sa bawat pagsasalaysay.
Ang karaniwang paraan ng pagpapakahulugan sa kasulatan ay ang literal na pag-unawa sa mga detalye maliban na lamang kung malinaw na nilayon ng manunulat na maging matalinghaga ang paglalarawan. Sa kaso ng apokaliptikong panitikan, dapat mapagtanto ng nagpapakahulugan na nilayon ng may-akda na maging matalinghaga ang karamihan sa mga detalye. Ang mga halimbawa ng malinaw na matalinghagang paglalarawan ay ang sa mga hayop at halimaw sa mga pangitain ni Daniel.
Halimbawa ng mga hayop na simbolo: Daniel 7:3-7, Apocalipsis 12:3, Apocalipsis 16:13, at Zacarias 6:1-3.
Ang mga sulat na apokaliptiko ay kadalasang tumatalakay sa pagsubok ng pananatili sa pananampalataya sa kabila ng kasamaan at kawalang-katarungan sa mundo ngayon. Inilalarawan nito ang isang pandaigdigang labanan na may matinding digmaan.
Ang mga sulat na apokaliptiko sa Biblia ay nagpapakita ng tiyak na tagumpay ng Diyos, na nagpaparusa sa kasamaan at nagbibigay gantimpala sa mabubuti. Ito ay nakatuon sa makapangyarihang Diyos na tumutulong sa kanyang mga tao.
Ang pangunahing mensahe ng sulat na apokaliptiko ay maaaring maunawaan kahit hindi lubos na nauunawaan ang lahat ng simbolo at kahit na ang nagpapakahulugan ay walang kakayahan na gumawa ng tiyak na talaan ng mga pangyayaring darating.
Halimbawa ng mga sipi na nagsasalaysay ng isang dakilang huling labanan: Joel 2:9-11, Apocalipsis 19:11-21, at Apocalipsis 20:7-9.
Mga halimbawa ng mga sipi na nagtuturo tungkol sa huling tagumpay at walang hanggang kaharian ng Diyos: Daniel 7:14, 27 at Zacarias 14:9.
Bukod sa mga aklat na apokaliptiko, may iba pang bahagi ng kasulatan na maituturing na apokaliptikong sulat dahil nagsasabi ito ng tungkol sa biglaang pamamagitan ng Diyos upang hatulan ang masasamang kapangyarihan at iligtas ang matuwid. Hindi lahat ng mga kasulatang ito ay may ibang katangian ng apokaliptikong sulat, tulad ng pangitain o simbolo ng hayop. (Halimbawa: Ezekiel 37-39, Isaias 24-27, Mateo 24, Marcos 13, Lucas 21, 2 Tesalonica 2, at 2 Pedro 3.)
Pangkalahatang Pagsasabuhay ng Kasulatang Apokaliptiko:
Ang tunay na lunas sa problema ng mundo ay hindi ang pag-unlad ng kultura o lipunan. Hindi ito pagbabagong pulitikal o rebolusyon. Ang lunas ay ang pakikialam ng Diyos. Sa kasalukuyan, ibinibigay niya ang pananampalataya, lakas, at awa sa kanyang mga tao. Sa hinaharap, darating siya upang bigla at ganap nang baguhin ang mundo.
Ang mga mananampalataya ay dapat magtiis nang may pananampalataya. Hindi kailangan na lubos na maintindihan ang buong plano ng Diyos o ang mga pangyayari sa mundo. Ang pananampalataya ay hindi nangangahulugang kaya nating hulaan ang mga mangyayari. Sa halip, ang totoong pananampalataya ay ang pagsunod sa Diyos sa lahat ng pagkakataon, dahil alam nating sa huli, ang pagsunod ay hindi masasayang.
Anyo ng Panitikan: Talinghaga
Ang talinghaga ay isang kasangkapan sa pagtuturo na gumagamit ng paghahambing ng katotohanang espirituwal sa mga bagay sa kalikasan o mga sitwasyon sa buhay. Ipinapakita ang pagkakatulad ng katotohanang espirituwal at likas na katotohanan upang mas madali nating maunawaan ang katotohanang espirituwal.
Ang paggamit ng mga talinghaga ay isa sa mga paboritong paraan ni Jesus sa pagtuturo (Mateo 13:34). Nagpahayag siya ng 30 talinghaga at gumamit ng marami pang matalinghagang paghahambing.
Sa pamamagitan ng mga talinghaga, nagturo si Jesus tungkol sa panalangin (ang Pariseo at ang maniningil ng buwis sa Templo, Lucas 18:9-14), pag-ibig sa kapwa (ang mabuting Samaritano, Lucas 10:29-37), ang kalikasan ng kaharian ng Diyos (mga talinghaga sa Mateo 13), at ang habag ng Diyos sa mga makasalanan (ang alibughang anak, Lucas 15:11-32).
Naging daan ang mga talinghaga na sawayin ni Jesus ang kanyang mga tagapakinig nang walang direktang paghaharap. Dahil kawili-wili ang mga talinghaga na sinabi ni Jesus, nabuksan nila ang mga tainga ng mga tagapakinig ni Jesus sa kanyang mga salita hanggang sa bigla silang nagulat nang mapagtanto nila na "Ako ang tinutukoy niya!" Ganoon din ang ginawa ng propetang si Nathan nang sabihin niya kay David ang isang talinghaga tungkol sa mga tupa ng isang dukha (2 Samuel 12:1–10). Hanggang sa sinabi ni Nathan na, “Ikaw ang lalaking iyon,” napagtanto ni David na ang talinghaga ay tungkol sa kanyang sarili.
Pagpapakahulugan ng mga Talinghaga
Dapat pansinin ng nagpapakahulugan ang mga sumusunod:
Paano sinimulan ang talinghaga?
Ano ang pagwawakas ng talinghaga?
Anong tugon o pagbabago sa ugali ang hinihingi ng talinghaga?
Ano ang magiging reaksyon ng orihinal na tagapakinig?
(1) Paano sinimulan ang talinghaga?
Si Jesus ay madalas na nagsasabi ng isang talinghaga bilang tugon sa isang tanong o isang saloobin. Ang pag-alam sa sitwasyon kung saan sinabi ang talinghaga ay nakakatulong sa nagpapakahulugan na maunawaan ang mensahe nito.
Kung ang pagpapakahulugan natin sa talinghaga ay walang direktang kaugnayan sa pag-uusap o sitwasyon na nag-udyok kay Jesus para sabihin ito, malamang na mali ang pagkaunawa natin.
Mga talinghaga bilang tugon sa isang tanong. Habang nag-uusap sila, tinanong si Jesus ng isang abogado, “Sino ang aking kapwa?” Maaari sanang sumagot si Jesus ng, “Ang nangangailangang tao na nasa iyong daraanan ang iyong kapwa—at responsibilidad mo.” Sa halip, ibinigay ni Jesus ang parehong sagot sa pamamagitan ng pagsasalaysay ng talinghaga ng mabuting Samaritano.
Mali ang naging paliwanag ni Augustine sa talinghaga dahil hindi niya pinansin ang tanong na sinasagot nito. Ganito ang pagpapakahulugan na ibinigay ni Augustine: Si Jesus (ang Samaritano) ang nagligtas kay Adan (ang lalaki) mula kay Satanas (ang mga tulisan) at dinala siya sa iglesia (ang bahay-panuluyan) para sa kaligtasan. Binigyan daw ni Jesus si Pablo (ang tagapamahala ng bahay-panuluyan) ng dalawang denaryo (ang pangakong buhay sa mundong ito at sa darating na buhay) para pagalingin ang kasalanan (ang mga sugat). Hindi tama ang paliwanag ni Augustine dahil wala itong kaugnayan sa pinag-uusapan nina Jesus at ng abogado.
Mga talinghagang tugon sa ugali. Sinasabi sa Lucas 15:1-3 na, “Noon, ang mga maniningil ng buwis at mga makasalanan ay lumalapit sa kanya upang makinig. Ang mga Fariseo at mga eskriba ay nagbulung-bulungan, na nagsasabi, “Tinatanggap ng taong ito ang mga makasalanan at kumakaing kasalo nila.”
Kaya't isinalaysay niya sa kanila ang talinghagang ito:
Isang pastol ang nawalan ng tupa. Tingnan mo kung gaano siya natuwa nang ito'y matagpuan!
Isang babae ang nawalan ng salaping pilak. Tingnan mo kung gaano siya natuwa nang ito'y matagpuan!
Isang ama ang nawalan ng anak. Tingnan mo kung gaano siya natuwa nang ito'y bumalik!
Sa pamamagitan ng tatlong talinghagang ito, parang sinasabi ni Jesus, “Hindi niyo dapat ikagulat na ako’y kumakain kasama ng mga makasalanan. Tingnan niyo kung gaano kasaya sa langit kapag may isang makasalanan na nagsisisi!”
Napakahalaga na tandaan ang pangunahing aral ng isang talinghaga ay laging may kaugnayan sa tanong o sitwasyong nag-udyok kay Jesus na sabihin ito.
(2) Ano ang pagwawakas ng talinghaga? Anong tugon o pagbabago sa ugali ang hinihingi ng talinghaga?
Karaniwang may isang malinaw na punto ang isang talinghaga, kahit may iba pang mga pagsasabuhay na posible. Ang bawat pangunahing tauhan sa talinghaga ay maaaring magpakita ng isang aral.
Nakita na natin ang pangunahing aral ng talinghaga ng alibughang anak: May malaking kagalakan sa langit sa isang makasalanang nagsisi. Sinasagot ng pangunahing puntong ito ang sitwasyong nagbigay inspirasyon sa talinghaga ni Jesus: ang ayaw ng mga Pariseo na magpatawad sa mga makasalanan. Ang bawat isa sa tatlong tauhan ay nagtuturo din ng isang aral na direktang nauugnay sa pangunahing punto ng talinghaga.
Tauhan
Aral
Ang alibughang anak
Mga makasalanan na nagbalik-loob sa Diyos sa pagsisisi ang makikitang handa sa kapatawaran
Ang mapagmahal na ama
Sa halip na ayaw magpatawad, ang ating makalangit na Ama ay nagagalak sa pagpapatawad
Ang nakakatandang kapatid na lalaki
Ang sang tao na ayaw magpatawad ay walang pagmamahal tulad ng Ama.
Ikinumpara ni Jesus ang hindi pagpapatawad ng nakatatandang kapatid sa pagpapatawad ng ama. Layunin ni Jesus na pagsabihan ang mga Pariseo tungkol sa kanilang hindi pagpapatawad. Nais niyang pagsisihan nila ang kanilang maling saloobin.
Ang isang nangangaral mula sa talinghagang ito ay maaaring magbigay-diin sa pagmamahal at pagpapatawad ng ama para sa layuning mahikayat ang isang makasalanan na magsisi. Maaari din niyang i ipangaral na ang mga mananampalataya ay dapat magkaroon ng saloobin ng pagpapatawad ng Diyos para sa mga hindi mananampalataya.
(3) Ano ang magiging reaksyon ng orihinal na tagapakinig?
Upang maunawaan kung paano makakaapekto ang isang talinghaga sa unang tagapakinig, dapat nating maunawaan ang kanilang kultura. Ang mga talinghaga ni Jesus ay madalas na sumasalungat sa inaasahang pamantayan ng kanyang kultura. Nagulat sila nito.
Halimbawa, isipin ulit ang talinghaga ng alibughang anak. Para sa mga tagapakinig ni Jesus napakalaking kawalang-galang para sa isang anak na hingin agad ang kanyang mana. Pagkatapos ay nilustay pa ng anak ang lahat ng kanyang mana. Inaasahan ng mga nakikinig na kapag bumalik ang anak, itataboy siya ng ama, hindi siya haharapin, at baka pa nga siya ay paluin at palayasin. Isipin mo kung gaano kalaki ang gulat ng mga nakikinig nang ang ama ay tumakbo para salubungin ang kanyang anak!
Sa talinghaga naman ng mabuting Samaritano, hindi sila nagulat na nilampasan lang ng pari at Levita ang sugatang lalaki, dahil alam nilang maraming pinuno ng templo ay mapagkunwari. Nirerespeto nila ang mga Pariseo, kaya inasahan nilang ang tutulong sa sugatang lalaki ay isang Pariseo. Isipin ang kanilang pagkagulat nang ang ikatlong tao ay isang Samaritano, isang taong hinamak nila dahil sa kanyang lahi at kawalan ng estado sa relihiyon!
Kung mas nauunawaan natin ang kultural na tagpuan ng parabula, mas malinaw na nakikita natin ang mensahe.
Mga Detalye at Simbolo sa mga Talinghaga
May ilang tagapagturo na nagkakamali sa pag-aakala na ang bawat detalye sa talinghaga ay may simbolikong kahulugan. Halimbawa, sa talinghaga ng mabuting Samaritano, may nagsabi na ang paglalakbay ng lalaki mula Jerusalem papuntang Jerico ay isang maling pagpili dahil siya ay patungo sa isang lungsod na isinumpa. Hindi ito tamang pagpapakahulugan ng talinghaga, dahil ang layunin ng talinghaga ay upang maipaliwanang kung paano magmahal ang isang tao sa kanyang kapwa. Ang mga detalye ay hindi simbolo ng kahit ano.
Sa talinghaga sa Marcos 4:30-32, iniisip ng ilan na ang mga ibon sa puno ay may malalim na kahulugan. Ngunit nabanggit lang ang mga ibon para ipakita na ang maliit na binhi ay lumaki at naging malaking puno na maaaring pahingahan ng mga ibon.
Sa talinghaga ng alibughang anak, hindi kailangang hanapan ng simbolikong kahulugan ang bawat detalye. Halimbawa, ang mga baboy ay hindi mga simbolo. Binanggit ang mga baboy para ipakita kung gaano kasama ang kalagayan ng anak: Ang isang batang Judio ay hindi karaniwang napapalapit sa mga baboy.
Bihira ang mga talinghagang may simbolikong detalye. Isang halimbawa ay ang talinghaga ng trigo at damo sa (Mateo 13:38-39). Alam nating may simbolo ito dahil sinabi mismo ni Jesus na ang mga detalye ay may ibig sabihin.
Pangangaral Gamit ang mga Talinghaga
Maaaring iakma ng isang mangangaral ang isang talinghaga sa isang pamilyar na sitwasyon sa kanyang sariling kultura. Gayunpaman, dapat siyang maglaan ng panahon upang maunawaan kung ano ang kahulugan ng talinghaga para sa mga unang tagapakinig. Kung hindi, hindi niya maipapahayag ang parehong mensahe sa kanyang mga tagapakinig.
Ang isang nagpapakahulugan ay hindi dapat gumamit ng talinghaga bilang batayan ng isang doktrina o pagsasabuhay na hindi sinusuportahan ng ibang malinaw na kasulatan.
Maraming aklat sa Bagong Tipan ay mga sulat mula kina Pablo, Santiago, Pedro, Juan, at Judas. Bagaman may pagkakaiba-iba sa pagitan ng mga sulat, ang ilang mga katangian ay karaniwan sa mga sulat. Ang mga sulat sa Bagong Tipan ay:
1. May awtoridad. Ang mga sulat ay pamalit sa presensya ng may-akda. Ang sulat ay kumakatawan sa awtoridad ng sumulat; ang awtoridad na ito ay kadalasang sinasabi sa unang bahagi ng sulat.[2]
2. Batay sa Sitwasyon. Ang mga sulat sa Bagong Tipan ay sinulat para sa isang tiyak na problema o sitwasyon. Halimbawa, ang Galacia ay sinulat sa iglesya na naniwala na ang kaligtasan ay nakadepende sa pagsunod sa batas ng mga Judio. Itinuro ni Pablo ang kalayaan kay Cristo. Sa kabaligtaran, ang simbahan sa Corinto ay labis na pinahihintulutan ang kalayaan—pinapayagan nila ang kasalanang sekswal. Sa 1 Corinto, binigyang-diin ni Pablo na ating responsibilidad ang pagsunod.
3. Para sa mga Mananampalataya. Ang mga sulat ay isinulat para sa mga iglesia sa iba’t ibang lugar (Roma) o para sa mga indibidwal na mananampalataya (Filemon) o para sa mga mananampalataya sa pangkalahatan (Judas). Hindi lahat ng tagatanggap ng mga sulat ay namumuhay sa isang malapit na ugnayan sa Diyos. Tinawag ni Pablo ang mga mananampalataya sa Corinto na magsisi sa ilang ginagawa nila; tinawag niya ang mga taga-Galacia na bumalik sa ebanghelyo; at sinabi ni Santiago sa mga mayayamang hindi makatarungan na asahan nila ang paghatol. Gayunman, ang mga sulat ay isinulat sa loob ng konteksto ng Kristiyanong pamilya ng pananampalataya.
Istruktura ng mga Sulat sa BT
Panimula
Pangalan at posisyon ng may-akda
Tagatanggap
Pagbati
Panimulang Panalangin
Katawan (Pangunahing mensahe ng sulat)
Pagwawakas (Maaaring kasama ang mga sumusunod)
Mga plano ng paglalakbay(Tito 3:12)
Mga papuri at pagbati (Roma 16)
Huling paalala (Colosas 4:16-17)
Pagpapala (Efeso 6:23-24)
Papuri sa Diyos (Judas 24-25)
Pagpapakahulugan sa mga Sulat
Kapag nakatanggap ka ng sulat mula sa isang kaibigan, ikaw ay uupo upang basahin ang buong sulat. Ganoon din ang gawin mo sa mga sulat sa Bagong Tipan. Basahin mo nang buo upang makita mo ang mensahe ng may-akda. Habang nagbabasa, gumawa ng listahan ng mga pagsusuri. Ang mas maraming mga detalye na iyong masususri, mas handa ka na magpakahulugan ang sulat.
May ilang mga katanungan na itatanong kapag nagbabasa tayo ng isang sulat na ayon sa Biblia:
(1) Sino ang tagatanggap ng sulat?
Habana mas nakikilala natin ang iglesia or tao na nakatanggap ng sulat, mas mauunawaan natin ang sulat. Kapag pinag-aaralan natin ang sulat ni Pablo, makakatulong kung sisimulan natin ang pag-aaral sa pamamagitan ng pagbasa ng mga tala sa Mga Gawa tungkol sa iglesiang tagatanggap ng sulat. Madalas nakakatulong ito para mas maunawaan natin ang sulat. Halimbawa:
Ang iglesya sa Filipos ay nagsimula sa gitna ng pag-uusig (Mga Gawa 16:12-40). Itinatampok nito ang tagubilin ni Pablo na dapat silang magsaya kahit sa mahihirap na kalagayan.
Ang Efeso (tulad ng ibang sulat ni Pablo) ay para sa mga mananampalataya. Nang ipinanalangin ni Pablo na ang lahat ng mananampalataya ay mapuno ng lahat ng kapuspusan ng Diyos, (Efeso 3:19) ipinapanalangin niya na ang mga anak ng Diyos ay tumanggap ng higit pang kapuspusan ng Diyos. Ipinapanalangin niya na ang mga Kristiyano ay maging “banal at walang dungis sa harapan niya [ng Diyos]” (Efeso 1:4).
(2) Sino ang may-akda? Ano ang ugnayan niya sa tagatanggap?
Kapag ikaw ay may natanggap na sulat, gusto mong malaman: "Sino ang sumulat nito?" Kung mas kilala mo ang may-akda, mas magiging kawili-wili ang liham. Katulad nito, kapag mas marami tayong nalalaman tungkol sa may-akda ng isang liham sa Biblia, mas mauunawaan natin ang kanyang mensahe.
Sa kaniyang mga sulat, binigyang-diin ni apostol Juan ang pag-ibig. Nakilala noon si John bilang isa sa mga “mga Anak ng Kulog” (Marcos 3:17). Noon, siya at ang kanyang kapatid ay humingi ng pahintulot ni Jesus na magpababa ng apoy mula sa langit (Lucas 9:54). Ang mga liham ni Juan, na isinulat kalaunan, ay nagpapakita sa atin na siya ay nabago sa pamamagitan ng pagpupuspos ng Banal na Espiritu noong Pentecostes.
Sumulat si Pedro para palakasin ang loob ng mga Kristiyanong dumaranas ng paghihirap. Sinabi niyang kaya nilang maging matatag sa harap ng tukso ni Satanas (1 Pedro 5:8-9). Sa unang bahagi ng buhay ni Pedro, itinanggi niya na kilala niya si Jesus dahil sa kanyang takot (Marcos 14:66-72). Ang mga liham ni Pedro ay nagpapakita sa atin ng pagbabagong nangyari sa kanyang buhay.
Ang pag-alam sa kaugnayan ng sumulat at ng tagatanggap ay kadalasang nakakatulong sa pagbasa ng isang sulat. Ang mainit na ugnayan ni Pablo sa iglesia sa Filipos ay makikita sa kabuuan ng kanyang masayang sulat. Sa kabilang banda, ang hindi pagkakasundo sa pagitan ni Pablo at ng mga suwail na miyembro sa Corinto ang nagbunsod sa matitinding pagsaway sa 1 at 2 Corinto.
(3) Ano ang mga pangyayari sa ang nagbigay ng inspirasyon sa sulat?
Alam natin ang mga pangyayari na nagbigay inspirasyon sa ilan sa mga liham ni Pablo. Ang 1 at 2 Corinto ay isinulat bilang tugon sa mga problema at mga tanong sa Corinto. Ang Filemon ay isinulat bilang isang pagsusumamo sa ngalan ng isang tumakas na alipin, si Onesimo.
Ang sulat sa mga taga-Galacia ay nagpapakita kung gaano kahalaga ang pagunawa sa kalagayan sa likod ng isang sulat. Pagkaraan lamang ng ilang talata sa Galacia, mapapatanong ka, “Ano ba ang nangyayari sa Galacia?” Sinimulan ni Pablo ang sulat niya sa pagsasabing, “Ako'y namamangha na napakabilis ninyong iniwan siya na tumawag sa inyo sa biyaya ni Cristo at bumaling kayo sa ibang ebanghelyo” (Galacia 1:6). Nging malinaw sa kalaunan na ang mga bagong mananampalatayang ito ay tumalikod sa ebanghelyo ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya. Sa halip, naniwala sila sa mensahe na ang tao ay pinapawalang-sala sa pamamagitan ng mga gawa. Ang matinding pananalita ni Pablo ay bunga ng kanyang pagmamahal sa mga taong ito. Inalay niya ang kanyang buhay sa pagpapahayag ng mensahe ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya lamang. Labis ang pagkagulat niya sa pagtalikod sa katotohanan at pagtanggap ang isang hugad na ebanghelyo ng mga taga-Galacia.
Anyo ng Panitikan: Paglalahad
Ang paglalahad ay maayos na pagtuturo. Ito ay kumikilos sa isang lohikal na paraan mula sa punto 1 hanggang punto 2. Ang anyo ng panitikan na ito ay karaniwan sa mga liham sa Bagong Tipan, lalo na sa mga sulat ni Pablo. Sa mga sulat na ito, malinaw na ipinapakita ni Pablo ang katotohanan tulad ng isang mahusay na guro.
Ang paglalahad ay gumagamit ng mga salitang nag-uugnay tulad ng kaya, at, o ngunit. Madalas din itong may mga tanong at sagot. Ang paglalahad ay nagbibigay ng malinaw at lohikal na pagpapahayag ng katotohanan.
Sa Colosas, ipinakita ni Pablo ang paglalahad tungkol sa kung sino si Cristo. Itinuturo ni Pablo na si Cristo ay mas mataas kaysa sa lahat ng pilosopiya at tradisyon ng tao. Si Pablo ay sumusunod sa lohikal na huwaran na ito:
1. Nagbigay si Pablo ng katibayan para sa kahigitan ni Cristo (Colosas 1:15-23)
Siya ang panganay sa lahat ng mga nilalang.
Sa pamamagitan niya nilalang ang lahat ng mga bagay.
Siya ang ulo ng katawan, ang iglesya.
Ang pagkakasundo ay dumarating sa pamamagitan niya.
2. Ipinaalala ni Pablo sa kanyang mga mambabasa ang kanyang layunin sa pagsusulat. Ang mensahe tungkol kay Cristo na niluwalhati ay ibinigay kay Pablo para dalhin sa mga Hentil (Colosas 1:24–2:5).
3. Nagbabala si Pablo laban sa mga turo na hindi kinikilala ang kahigitan ni Cristo (Colosas 2:6-23).
Ang turo na maliligtas ang mga tao sa pamamagitan ng pagsunod sa kautusan ng Diyos
Ang pagsasagawa ng mapanganib na pakikipag-ugnayan sa mga espiritu
Ang maling pagbibigay-diin sa pisikal na disiplina para sa mga espiritwal na resulta
4. Kaya, dahil sa kahigitan ni Cristo, ganito dapat ang pamumuhay ninyo (Colosas 3-4):
Ang pagpapasakop kay Kristo ay makakaapekto sa ating moral na pag-uugali.
Hindi na tayo mag-aasal ng imoral (Colosas 3:1-11).
Mamumuhay tayo sa kapayapaan at pagpapasalamat (Colosas 3:12-17).
Ang pagpapasakop kay Cristo ay makakaapekto sa ating ugnayan sa iba ng tao (Colosas 3:18–4:6).
5. Ang pangwakas na pagbati ay nagpapaalala sa mga mambabasa ng personal na pagmamalasakit ni Pablo para sa mga mananampalataya sa Colosas (Colosas 4:7-18).
Ang liham ni Pablo ay isang paglalahad ng doktrina ng pagkapanginoon ni Cristo. Itinuturo nito ang tungkol sa kalikasan ni Cristo at ang epekto ng katotohanang ito sa ating buhay bilang mga mananampalataya.
[1]Ang mga konsepto sa bahaging ito ay inangkop mula sa J. Scott Duvall at J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012).
[2]Halimbawa, nakasaad sa Efeso 1:1 ang apostolikong awtoridad ni Pablo: “Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos.”
(1) Ang tamang pagpapakahulugan ay nangangailangan na maunawaan natin ang anyo ng panitikan ng talatang pinag-aaralan natin.
(2) Ilan sa mga mahahalagang anyo ng panitikan na matatagpuan sa Biblia ay kinabibilangan ng:
Kasaysayan: Tapat na tala ng mga tunay na tao at totoong mga pangyayari sa kasaysayan.
Kapag nagpapakahulugan tayo ng kasaysayan, tanungin natin:
Ano ang kwento?
Sino ang mga tao sa kwento?
Ang kwento bang ito ng kasaysayan ay nagbibigay ng halimbawa na dapat tularan?
Ano ang mga prinsipyo ang itinuro ng makasaysayang kwento na ito?
Ang Kautusan sa Lumang Tipan
Ang kautusan sa Lumang Tipan ay mahalaga para sa mga mananampalataya sa Bagong Tipan dahil:
Ito ay pagpapahayag ng kalikasan ng Diyos.
Ito ay magbibigay ng karunungan sa atin tungo sa kaligtasan.
Tumutulong ito sa atin na malaman ang kalooban ng Diyos.
Makatutulong na isipin ang tungkol sa tatlong uri ng Kautusan sa Lumang Tipan:
Seremonyal na mga kautusan
Panlipunang kautusan
Moral na mga kautusan
Kapag nagpapakahulugan ng kautusan sa Lumang Tipan, itanong:
Ano ba ang ibig sabihin ng tekstong ito sa mga orihinal na tagapakinig?
Ano ang pagkakaiba sa pagitan ng mga unang tagapakinig ng Biblia noon sa atin ngayon?
Anong mga prinsipyo ang itinuturo ng teksto na ito?
Iniangkop ba ng Bagong Tipan ang prinsipyong ito sa anumang paraan?
Tula
Mga Katangian ng Tulang Hebreo
Paralelismo
Mga Tayutay
Karunungang Panitikan: nagtuturo kung paano gumagana ang buhay.
Mga Kawikaan — mga pangkalahatang pagsusuri ng buhay na nakasaad nang maikli at malinaw.
Kapag nagpapakahulugan ng Kawikaan, itanong:
Ano ang pangkalahatang prinsipyo na itinuro sa kasulatan na ito?
Anong mga pagbubukod sa prinsipyong ito ang umiiral?
Sino-sinong tao sa Biblia ang huwaran ng prinsipyong ito?
Ang propesiya sa Lumang Tipan ay mensahe mula sa Diyos.
Kapag nagpapakahulugan ng propesiya sa Lumang Tipan, itanong:
Ano ang sinabi ng propeta sa mundo niya?
Ano ang naging tugon ng mga tao sa kanyang mensahe?
Anong prinsipyo mula sa mensahe ng propeta ang nangungusap pa rin sa ating mundo sa ngayon?
Apokaliptikong Panitikan
Kapag nagpapakahulugan ng apokaliptikong panitikan, tandaan:
Ito ay may maraming simbolo.
Hindi ito laging sunod-sunod ayon sa panahon.
Maaari itong paulit-ulit na naglalarawan ng parehong mga kaganapan, na nagbibigay ng iba't ibang mga detalye.
Ang pinakamahalagang tema ng apokaliptikong panitikan ay:
Ang pagsubok na panatilihin ang pananampalataya sa gitna ng masamang mundo.
Ang makapangyarihang Diyos na tumutulong sa kanyang bayan.
Talinghaga: pagtuturo na naghahambing sa katotohanang espiritwal sa mga bagay sa kalikasan o mga kalagayan sa buhay. Kadalasan ang mga talinghaga ay sinabi bilang tugon sa isang tanong o isang saloobin.
Kapag nagpapakahulugan ng talinghaga, itanong:
Paano sinimulan ang talinghaga?
Ano ang pagwawakas ng talinghaga?
Anong tugon o pagbabago sa ugali ang hinihingi ng talinghaga?
Ano ang magiging reaksyon ng orihinal na tagapakinig?
Sulat
Ang mga sulat sa Bagong Tipan ay:
May awtoridad
Batay sa sitwasyon
Isinusulat para sa mga mananampalataya
Kapag nagpapakahulugan ng mga sulat, itanong:
Sino ang tagatanggap ng sulat?
Sino ang may-akda? Ano ang ugnayan niya sa tagatanggap?
Ano ang mga pangyayari sa ang nagbigay ng inspirasyon sa sulat?
Paglalahad: maayos na pagtuturo
Takdang-Aralin sa Aralin 6
Sa Aralin 1, pumili ka ng isang bahagi ng kasulatan na pag-aaralan mo sa buong kurso. Ano ang anyo ng panitikan ng bahagi ng Kasulatan na pinili mo? Gamitin mo ang mga impormasyon sa araling ito para mas maunawaan mo ang tungkol sa iyong piniling bahagi. Sagutin mo ang mga tanong sa pag-unawa na may kinalaman sa tiyak na anyo ng panitikang iyong pinag-aaralan.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.