Ang Biblia ay puno ng kahulugan, ngunit nakalulungkot, may ilang mga tao na nagbabasa ng kasulatan nang hindi nauunawaan ang mensahe nito.[1] Ang Biblia ay binubuo ng mga aklat, mga kabanata, mga talata, at mga salita. Ang pag-unawa sa kahulugan ng mga salita ay tumutulong sa atin na mapakahulugan nang tama ang sipi na ating pinag-aaralan. Ang araling ito ay tungkol sa kung paano pag-aralan ang mga salita. Pinag-aaralan natin ang isang salita upang maunawaan kung ano ang ibig sabihin nito sa isang tiyak na konteksto ng Biblia.
Minsan may mga tao na nag-aaral ng mga orihinal na salitang Griyego at Hebreo ng Biblia gamit ang mga sanggunian sa pag-aaral ng Biblia. Ang mga sanggunian na ginagamit para sa ganitong klase ng pag-aaral ng salita ay hindi madaling mahanap, kaya hindi na natin ito tatalakayin sa araling ito. Sa halip, pag-aaralan natin kung paano pag-aralan ang mga salita sa ating lokal na pagsasalin ng Biblia.
Gagamit tayo ng tatlong hakbang para pag-aaral ng salita:
1. Pumili ng mga salitang pag-aaralan.
2. Ilista ang lahat ng posibleng kahulugan ng bawat salitang napili.
3. Alamin kung ano ang kahulugan ng bawat salitang napili ayon sa konteksto ng sipi.
[1]Karamihan sa impormasyong nasa aralin na ito ay mula sa Kabanata 9 ng J. Scott Duvall at J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012).
Mga Karaniwang Pagkakamali sa Pag-aaral ng Salita
Habang nagsisimula tayong magsagawa ng mga pag-aaral ng salita, may ilang mga pagkakamali na dapat nating iwasan. Ang mga pagkakamaling ito ay kadalasang humahantong sa mga maling pagpapakahulugan.
Hindi Pagsasaalang-alang sa Dating Kahulugan ng Salita
Minsan nagbabago ang gamit ng isang salita habang lumilipas ang panahon. Kung ang pagsasalin ng ating Biblia ay ginawa maraming taon na ang nakaraan, kailangan nating magkaroon ng kamalayan dahil maaaring iba na ang kahulugan ng ilang salita sa Biblia kumpara sa kahulugan ng mga salita ngayon. Kung hindi natin nauunawaan kung paano ginamit ang salita noon, maaari tayong magkaroon ng maling pagkaunawa tungkol sa sinasabi ng talata na ating pinag-aaralan. (Hindi naman ito gaanong isyu kung ang Biblia na binabasa natin ay bagong salin lamang sa mga nakaraang taon.)
► Pag-usapan ang tungkol sa isang salita sa iyong wika na iba ang ibig sabihin ngayon sa kung ano ang ibig sabihin noon.
Pagpapalagay na ang Salita ay May Parehong Kahulugan sa Bawat Konteksto
Gumamit ang mga may-akda ng Biblia ng mga salitang may higit pa sa isang posibleng kahulugan. Ang parehong salita ay maaaring gamitin na may isang kahulugan sa isang konteksto, at may ibang kahulugan sa iba pang konteksto. Kailangan nating tingnan ang konteksto kung saan ginamit ang salita upang malaman kung aling kahulugan ang tamang kahulugan sa talatang ating pinag-aaralan.
Proseso ng Pag-aaral ng Salita
Hakbang Isa: Pumili ng mga Salita mula sa Sipi na Pag-aaralan
Hindi natin kailangang pag-aralan nang malalim ang bawat salita sa Biblia. Minsan malinaw na ang kahulugan ng isang salita. Halimbawa, noong sinabi sa Biblia na kumuha si David ng limang bato (1 Samuel 17:40), hindi na natin kailangang pag-aralan pa nang malalim ang salitang bato para maintindihan ang ibig sabihin nito.
Sa pagpili ng mga salitang pag-aaralan, hanapin ang:
► Basahin ang Roma 12:1-2 at bilugan ang mga mahalagang salita para pag-aralan. Sa tabi ng salita, lagyan ng marka kung bakit mo ito pinili:
1 = Mahalagang salita
2 = Inulit na salita
3 = Tayutay
4 = Malabo o mahirap na salita
Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod. Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.
Ang ilang mga salita na maaaring namarkahan mo ay ang:
4 = Malabo o mahirap na salita: makatuwirang paglilingkod
Hakbang Dalawa: Gumawa ng Listahan ng mga Posibleng Kahulugan ng Salita
Sa halos lahat ng wika, may mga salita na ginagamit sa maraming paraan, na may magkaibang kahulugan. Karaniwang alam ng isang tagapakinig kung ano ang ibig sabihin ng isang tagapagsalita dahil sa konteksto. Ngunit minsan, ang mga nakakatawa o malubhang hindi pagkakaunawaan ay nangyayari kapag hindi isinasaalang-alang ng isang tagapakinig ang konteksto at mali tungkol sa kung ano ang ibig sabihin ng nagsasalita.
► Makakaisip ka ba ang isang pagkakataon kung kailan nagkamali ang isang tao dahil hindi nila naiintindihan ang ibig sabihin ng isang salita?
Sa ikalawang hakbang na ito, dapat nating subukang isipin ang bawat posibleng paraan na magagamit ang salita. Kung luma na ang ating pagsasalin ng ating Biblia, dapat din nating isipin kung may karagdagang kahulugan ang salita noon.[1] Kung mayroon tayong diksyunaryo, makakatulong ito sa atin na gumawa ng listahan ng lahat ng posibleng kahulugan. Kung nag-aaral tayo kasama ng ibang tao, makakatulong din sila sa atin na mag-isip ng mga kahulugan na hindi natin naisip.
Kung posible, tingnan din ang ibang pagsasalin ng Biblia upang makita kung pareho ang salitang ginamit.[2] Kung gumamit ng ang pagsasalin ng ibang salita, ihambing ang mga salita upang makita kung ano ang mga pagkakaiba. Magkatulad ba ang kanilang kahulugan? Kung hindi, paano nagkaiba ang mga ito? Nagbabago ba ang kahulugan ng sipi kung iba ang salitang ginamit?
► Ang ialay isa sa mga salitang minarkahan natin para pag-aralan mula sa Roma 12:1-2. Magtulungan kayong gumawa ng listahan ng lahat ng posibleng kahulugan ng salitang ialay.
Hakbang Tatlo: Tukuyin ang Kahulugan ng Salita Base sa Konteksto
Pagkatapos tingnan ang iba’t ibang gamit ng salita at gumawa ng listahan ng mga kahulugan, handa ka nang tuklasin kung ano talaga ang kahulugan ng sipi na pinag-aaralan mo. Ang konteksto ang gagabay sa iyo. Tandaan, hindi nais ng may-akda na gamitin ang kakaibang kahulugan na kakaunti lang ang makakaalam. Nais ng may-akda na maunawaan siya ng mambabasa.
Tiningnan natin ang kahalagahan ng konteksto sa Aralin 5, kaya hindi na tayo magbabalik-aral nang detalyado ang bahaging ito. Upang ibuod ang papel ng konteksto: Tinitingnan natin ang nakapaligid na taludtod, kabanata, at aklat upang matukoy ang pinakamahusay na kahulugan para sa isang salita.
May ilang tanong na maaaring pag-isipan habang tinitingnan ang konteksto at subukang tuklasin ang kahulugan ng salita.
(1) May pagkakasalungat o paghahambing ba sa sipi na tumutulong upang matukoy ang salita?
► Basahin ang Juan 3:16: “Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya'y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.” Magtulungan kayong gumawa ng listahan ng lahat ng posibleng kahulugan ng mapahamak. (Maaaring gumamit ng diksyunaryo kung meron.) Ngayon, pag-isipan ang kabaligtaran sa talata. Angmapahamak ay kabaligtaran ng magkaroon ng buhay na walang hanggan. Sa inyong listahan, ano ang malamang na pakay ni Jesus sa pangungusap na ito?
(2) Paano ginagamit ng may-akda ang salitang ito sa ibang bahagi ng kanyang sulat?
Ang salitang sanlibutan ay ginamit din sa Juan 3:16. Ang salitang sanlibutan ay maaaring magkaroon ng iba’t ibang kahulugan:
Ang pisikal na mundo
Lahat ng tao
Mga kilalang sibilisadong bansa
Pangkalahatang lipunan na tumatanggi sa Diyos
Ginamit ng mga manunulat ang sanlibutan upang tukuyin ang bawat isa sa mga bagay na ito sa iba't ibang bahagi ng kasulatan. Upang malaman kung anong kahulugan ng sanlibutan sa Juan 3:16, dapat nating tingnan ang iba pang mga halimbawa ng paggamit ni Juan ng salita.
Juan 1:10, “Siya noon ay nasa sanlibutan at ang sanlibutan ay ginawa sa pamamagitan niya, gayunma'y hindi siya nakilala ng sanlibutan.” Ang talatang ito ay tungkol kay Jesus. Hindi siya nakilala ng sanlibutan.
Juan 7:7, “Hindi kayo maaaring kapootan ng sanlibutan, ngunit ako'y kinapopootan nito, sapagkat ako'y nagpapatotoo laban dito na masasama ang kanyang mga gawa.” Si Jesus ang nagsasalita sa talatang ito. Kinapopootan siya ng sanlibutan.
Juan 14:17, “Ito ang Espiritu ng katotohanan na hindi kayang tanggapin ng sanlibutan; sapagkat siya'y hindi nito nakikita o nakikilala man. Siya'y nakikilala ninyo, sapagkat siya'y nananatiling kasama ninyo at siya ay mapapasa inyo.” Hindi tinatanggap ng sanlibutan ang Espiritu ng katotohanan.
1 Juan 2:15-17, “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan, ni ang mga bagay na nasa sanlibutan. Ang pag-ibig ng Ama ay wala sa sinumang umiibig sa sanlibutan. Sapagkat ang lahat na nasa sanlibutan, ang masamang pagnanasa ng laman, ang pagnanasa ng mga mata, at ang pagmamataas sa buhay, ay hindi mula sa Ama kundi sa sanlibutan. Ang sanlibutan at ang pagnanasa nito ay lumilipas, ngunit ang gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” Ang mga halaga at hangarin ng mundo ay ganap na kabaligtaran ng sa Diyos.
Karaniwang ginagamit ni Apostol Juan ang katagang sanlibutan upang tukuyin ang pangkalahatang lipunan na tumatanggi sa Diyos. Ipinakikita nito ang lawak ng pangako ni Jesus: Gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa mga hiwalay sa kaniyang sarili anupat ibinigay niya ang kaniyang Anak upang ang lahat ay maligtas.
(3) Ano ang ipinapakita ng konteksto tungkol sa kahulugan ng salita?
► Tingnan ang Lucas 1:68-79.
Sa Lucas 1:71, nananalangin si Zacarias na maligtas ang Israel. Ano ang tinutukoy niya? Ano ang ibig sabihin ng maligtas sa talatang ito?
Ang konsepto ng kaligtasan ay higit pa sa isang kahulugan sa kasulatan. Maaaring ito ay:
Pagkaligtas mula sa kaaway o panganib
Pagkaligtas mula sa sakit
Pagkaligtas mula sa kasalanan
Ang pinakamalapit na konteksto (Lucas 1:68-74) ay nagpapakita na ang salitang maligtas ay tumutukoy sa pagliligtas mula sa kaaway. Ang pagliligtas (kaligtasan) ay katuparan ng pangako ng Diyos kay Abraham (Lucas 1:73).
Pagkatapos ng ilang talata, ginamit ni Lucas ang kaligtasan sa mas malalim na kahulugan (Lucas 1:77). Sa pamumuno ng Banal na Espiritu, nakita ni Zacarias na ang kanyang anak ay tatawaging propeta ng Kataas-taasan. Ang anak ni Zacarias ang magbibigay ng kaalaman tungkol sa kaligtasan sa bayan ng Panginoon sa pamamagitan ng kapatawaran ng kanilang mga kasalanan. Dito, ang kaligtasan ay konektado sa kapatawaran ng kasalanan.
Iba’t ibang kahulugan ng kaligtasan ang ginamit sa panalanging ito. Malalaman natin ang tamang kahulugan mula sa konteksto.
[1]Kung gumagamit tayo ng mas lumang salin ng Biblia, ang paggamit sa mas bagong salin ay maaari ring makapagbigay sa atin ng pananaw tungkol sa posibleng kahulugan ng isang salita sa tiyak na konteksto.
[2]Tingnan ang apendise para sa listahan ng mga website kung saan maaari mong basahin ang Biblia sa iba't ibang mga wika at salin.
Mga Gawain sa Pagsasanay
Paalala sa namumuno ng klase: Maglaan ng sapat na oras sa klase para sa mga gawaing pagsasanay na ito. Kung karaniwang isang oras lang ang bawat sesyon ng klase, gamitin ang buong oras na iyon para sa mga pagsasanay. May nakalaang tagal ng oras para sa bawat gawain. Ang sama-samang pagsasanay sa loob ng klase ay makakatulong sa mga mag-aaral na maisabuhay ang mga ideyang kanilang natutunan. Ang paggawa ng pag-aaral ng salita kasama ang iba ay makakatulong din upang makita nila ang ibang pananaw at detalye na maaaring hindi nila mapansin kung sila lang ang gagawa nito.
Para sa mga gawain ng maliliit na grupo, pagsamahin ang tatlong mag-aaral sa bawat grupo. Pagsamahin uli ang buong grupo sa huling limang minuto ng klase upang talakayin kung ano ang mga natutunan.
► Gawain ng maliit na grupo (20 minuto). Sa inyong grupo, humanap ng ilang talata kung saan ginamit ang isang salita sa iba’t ibang kahulugan. Narito ang ilang mga ideya: bahay, pangitain, araw, bunga. Kapag may nahanap na kayong mga talata na gumagamit ng parehong salita sa iba’t ibang paraan, gumawa kayo ng listahan ng lahat ng maaaring gamit ng salitang iyon. Paano nakakatulong ang pag-aaral ng salita para sa tamang pagpapakahulugan sa bawat talata?
► Gawain ng buong grupo (10 minuto). Balikan ang Roma 12:1 at ang listahan ninyo ng mga posibleng kahulugan ng salitang ialay. Gamitin ang mga tanong na tinalakay sa itaas upang matukoy kung alin sa mga kahulugang iyon ang ginamit sa talatang iyon.
► Gawain ng maliit na grupo (30 minuto). Sa inyong grupo, magsanay sa proseso ng pag-aaral ng salita. Namarkahan na ninyo ang mga salita sa Roma 12:1-2 na dapat pag-aralan nang mabuti. Para sa bawat isa sa mga salitang iyon, ilista ang bawat posibleng kahulugan at tukuyin kung aling kahulugan mayroon ang salita sa kontekstong iyon..
Isang Natatanging Kaso: Matalinghagang Wika
Sa Aralin 6, tiningnan natin nang sandali ang paggamit ng matalinghagang wika. Kahit gaano pa kaingat ang pag-aaral ng salita, magiging mali pa rin ang ating pagwawakas kung mali ang pag-unawa sa matalinghagang wika ng may-akda. Sa mga talinghaga, hindi literal na kahulugan ng salita ang mahalaga, kundi ang ideya na sinisimbolo nito.[1]
Lahat tayo ay gumagamit ng matalinghagang wika. Isipin mo na ang isang kaibigang Amerikano ay nagpapakita sa'yo ng mga larawan ng kanyang hardin. Namangha ka sa ganda ng kanyang mga tanim at tinanong mo siya, “Paano mo napalago nang ganyan kagaganda ang mga halaman?” Sumagot siya, “Mayroon akong berdeng hinlalaki.” Hindi niya ibig sabihin na literal na berde ang hinlalaki niya. Gumamit siya ng isang tayutay sa Ingles na ang ibig sabihin ay, “May kakaiba akong kakayahan sa pagpapalago ng mga halaman.”
► Ano ang mga halimbawa ng kasabihan sa wika ninyo na hindi literal ang ibig sabihin?
Minsan ginagamit ang isang salita para kumatawan sa ibang bagay. Hindi ito pareho sa pagkakaroon ng maraming kahulugan ng isang salita. Halimbawa, sa Biblia may mga taong tinawag na aso (Apocalipsis 22:15). Ang pahayag na ito ay pagpuna sa mga taong may ugaling hindi dapat tularan gaya ng mga ugali ng aso. Ang salitang aso ay nananatiling tumutukoy sa hayop na tinatawag nating aso, pero ginamit ito sa isang talinghaga para tukuyin ang mga tao. Tinawag ni Jesus si Simon sa pangalang Pedro, na ang ibig sabihin ay bato, dahil si Pedro ay may katangian ng isang bato na maganda para sa isang tao na taglayin (Mateo 16:18). Ginamit ni Jesus ang karaniwang kahulugan ng salitang bato para ipakita na si Simon ay parang isang bato sa isang tiyak na paraan.
Tinawag ni Jesus si Herodes na isang alamid (Lucas 13:32). Hindi natin kailangang alamin ang literal na mga kahulugan ng alamid para malaman kung anong hayop ang tinutukoy ni Jesus. Isa itong matalinghagang pahayag, kaya dapat natin unawain kung ano ang gustong ipahiwatig ni Jesus tungkol kay Herodes nang tawagin siya na isang alamid. Ang ibig sabihin ni Jesus ay matalino si Herodes ngunit hindi mapagkakatiwalaan dahil sa masama niyang ugali.
► Ano ang hayop na ginagamit sa wika ninyo para pintasan ang isang tao?
Paano natin malalaman kung ang isang pahayag ay literal o talinghaga? Narito ang dalawang patnubay na dapat isaalang-alang:
1. Gamitin ang matalinghagang kahulugan kapag sinabi mismo ng sipi na gawin ito. Sa Genesis 37 ay may dalawang panaginip. Sa Biblia, karaniwan na ang panaginip ay may dalang matalinghagang mensahe. Dahil dito, hindi natin dapat isipin na ang panaginip ni Jose ay nangangahulugan na literal na yuyuko ang mga bigkis ng trigo, o na luluhod ang araw, buwan, at mga bituin sa harap ni Jose. Sa halip, ang pahayag na ito ay isang panaginip na nagsasabi sa atin na asahan ang isang matalinghagang wika. Sa kasong ito, ang pagpapakahulugan ay ibinigay sa Genesis 37:8 at 10.
2. Gamitin ang matalinghagang kahulugan kung ang literal na kahulugan ay imposible o walang katotohanan. Sa Apocalipsis 1:16, nagpakita ang Panginoon na may matalim na espadang may dalawang talim na lumalabas sa kanyang bibig. Sa aklat na puno ng larawan, tila hindi ito ang literal na larawan ni Jesus! Habang tayo ay nagpapatuloy sa Apocalipsis, makikita natin ang larawan ni Jesus na may malaking espada na may dalawang talim ay tumutukoy sa pangwakas na tagumpay na siyang mensahe ng Diyos laban sa kapangyarihan ng kasamaan.
Tandaan natin na ibinigay ng Diyos ang kanyang Salita upang ipahayag ang katotohanan, hindi para ito'y itago. Karamihan sa matalinghagang wika sa Biblia ay madaling maintindihan. Nakita natin ang listahan ng mga tayutay sa Aralin 6. Makakatulong ito upang mas maintindihan mo kung paano mapapakahulugan ang isang matalinghagang wika. Pagkatapos mo makilala ang tayutay na ginamit, itanong mo, “Bakit ito ang larawang ginamit ng Diyos? Anong katotohanan ang nais iparating sa pamamagitan ng larawang ito?”
Minsan ginagamit ang isang salita sa matalinghagang paraan at nagiging permanenteng simbolo. Noong sinabi ni Jesus, “Pinapakinggan ng aking mga tupa ang aking tinig…” (Juan 10:27), alam ng mga nakikinig na ang tinutukoy niya ay ang mga taong sumusunod sa kanya, at ginagamit din ng Biblia ang simbolo na ito sa ibang bahagi (gaya ng sa Awit 23). Sa Apocalipsis 5, lumilitaw ang Leon sa lipi ni Juda sa harap ng trono ng Diyos. Ipinaliliwanag ng isang diksyunaryo ng Biblia na ang “Leon sa lipi ni Juda” ay isang pantawag na tumutukoy sa Mesiyas. Kapag alam mo na ito, itatanong mo, “Bakit ginamit ni Juan ang pantawag na ito? Ano ang sinasabi ng pantawag na ito tungkol kay Jesus?” Ang pagkilala sa tayutay ay nakakatulong upang maunawaan natin ang larawan ni Juan tungkol sa kapangyarihan ng pagtubos ni Jesus.
Ang katotohanan na ang mga may-akda ng Biblia kung minsan ay gumagamit ng matalinghagang wika ay hindi nangangahulugan na hindi natin dapat ipakahulugan ang kasulatan nang literal. Sa halip, sa kaalaman na ginagamit minsan ang matalinghagang wika, dapat nating sikaping unawain ang teksto sa paraang nilayon ng may-akda. Hindi natin dapat gamitin ang ating mga imahinasyon upang gumawa ng isang pahayag sa Biblia na nangangahulugan ng isang bagay na hindi ang sinusubukang sabihin ng manunulat.
[1]Ang impormasyon sa bahaging ito ay inangkop mula sa Kabanata 36 ng Howard G. Hendricks at William D. Hendricks, Living by the Book (Chicago: Moody Publishers, 2007).
Pagwawakas
Ipinangako ng manunulat ng Mga Kawikaan ang taong naghahanap ng karunungan; “kung kagaya ng pilak, ito'y iyong hahanapin, at tulad ng nakatagong kayamanan, ito'y sasaliksikin, kung magkagayo'y ang takot sa Panginoon ay iyong mauunawaan, at ang kaalaman sa Diyos ay iyong matatagpuan” (Mga Kawikaan 2:4-5). Wala nang mas dakilang pinanggagalingan ng karunungan kundi ang Salita ng Diyos. Ang pag-aaral mo ng kasulatan ay may gantimpala na walang hanggan.
(1) Ang pag-aaral ng salita ay ang pagsisiyasat ng mga mahalagang salita sa isang sipi na may layunin na matuklasan ang kahulugan ng mga ito ayon sa konteksto. Ang pag-aaral ng salita ay tumutulong sa atin na mapakahulugan nang tama ang sipi na ating pinag-aaralan.
(2) Dalawang karaniwang pagkakamali na dapat iwasan sa mga pag-aaral ng salita:
Hindi pagsasaalang-alang sa dating kahulugan ng salita
Pagpapalagay na ang salita ay may parehong kahulugan sa bawat konteksto
(3) Ang proseso ng pag-aaral ng salita:
Pumili ng mga salitang pag-aaralan.
Mga salitang mahalaga para sa kahulugan ng sipi
Mga inulit na salita
Mga tayutay
Mga malabo o mahirap na salita
Ilista ang lahat ng posibleng kahulugan ng bawat salitang napili.
Alamin kung ano ang kahulugan ng bawat salitang napili ayon sa konteksto ng sipi.
(4) Mga tanong na makakatulong sa iyo na malaman ang kahulugan ng salita ayon sa konteksto:
May pagkakasalungat o paghahambing ba sa sipi na tumutulong upang matukoy ang salita?
Paano ginagamit ng may-akda ang salitang ito sa ibang bahagi ng kanyang sulat?
Ano ang ipinapakita ng konteksto tungkol sa kahulugan ng salita?
(5) Mga bagay na dapat tandaan sa pag-aaral ng matalinghagang wika:
Ang ideyang kinakatawan ng simbolo ang mahalaga.
Ang isang matalinghagang larawan, parirala, o salita ay kumakatawan sa ibang bagay.
Ang matalinghagang wika ay nagbibigay pansin sa mga katangian ng kinakatawan nito.
Dapat nating sikaping unawain ang teksto sa paraang nilayon ng may-akda na nais ipaunawa ng may-akda—kung ang kahulugan man ay literal o matalinghaga.
(6) Kailan dapat ipakahulugan ang isang pahayag sa kasulatan bilang isang talinghaga:
Kapag sinabi mismo ng sipi na gawin ito
Kung ang literal na kahulugan ay imposible o walang katotohanan
Mga Takdang-Aralin sa Aralin 7
(1) Sa Aralin 1, pumili ka ng isang bahagi ng kasulatan na pag-aaralan mo sa buong kurso. Mula sa bahagi ng kasulatan na iyon, gumawa ng listahan ng mga salitang sa tingin mo ay mahalagang pag-aralan. Hanapin ang mga mahalagang salita, inulit na salita, tayutay, o malabo o mahirap na salita. Pag-aralan ang bawat salita gamit ang prosesong ipinaliwanag sa araling ito. Para sa bawat salita, gumawa ng listahan ng lahat ng posibleng kahulugan. Isaalang-alang ang konteksto. Tukuyin ang kahulugan ng bawat salita ayon sa konteksto ng talatang iyong pinag-aaralan.
(2) Isaalang-alang ang bawat salita na iyong pinag-aralan. Balikan mo ang listahan na iyong ginawa para sa mga posibleng kahulugan ng bawat salita. Paano maaaring magdulot ng maling pagpapakahulugan ng sipi ang hindi wastong pag-unawa sa kahulugan ng iyong pag-aaral ng salita? Sumulat ng 2-4 na pangungusap ng iyong pagninilay.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.