► May salita ka bang alam sa iyong wika na may maraming kahulugan? Kapag ginagamit ang salitang iyon, paano mo nalalaman kung ano ang ibig sabihin ng mga ito?
Isa sa pinakamahalagang bahagi ng pagpapakahulugan ng Biblia ay ang pag-aaral ng konteksto ng sipi na ating pinag-aaralan. Sa araling ito, matututunan natin kung paano pag-aaralan ang makasaysayan-kultural na konteksto at ang kontekstong ayon sa Biblia na nakapaligid sa isang sipi.[1]
[1]Much of the material in this lesson comes from Chapters 6-7 of J. Scott Duvall at J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012).
Ang Makasaysayan -Kultural na Konteksto
► Basahin ang 2 Timoteo 4:6-22.
Sinabi ni Pablo kay Timoteo, “Magsikap kang pumarito bago dumating ang taglamig” (2 Timoteo 4:21). Pakinggan ang kahilingan ni Pablo sa liwanag ng sumusunod na pinagmulan:
Nakakulong si Pablo sa Roma at malapit na siyang patayin dahil sa kanyang pananampalataya.
Si Timoteo ay nagmiministeryo sa Efeso, daan-daang kilometro ang layo mula kay Pablo.
Mapanganib ang paglalakbay sa dagat pagsapit ng taglagas at imposible na sa panahon ng taglamig. Para makarating si Timothy bago ang taglamig, kailangan niyang umalis kaagad pagkatapos niyang matanggap ang liham na ito.
Ang konteksto ng kasaysayan ay nagdaragdag sa ating pagpapahalaga sa damdamin sa likod ng kahilingan ni Pablo. Higit pa ang sinasabi ni Pablo kaysa sa, "Pakibisita kapag ito ay maginhawa." Nagsusumamo siya sa kaniyang espirituwal na anak, "Gusto kitang makitang muli bago ako mamatay. Kung maghihintay ka hanggang taglamig, magiging imposible ang paglalakbay. Mangyaring pumunta bago maging huli ang lahat." Ang sulat ay may parehong mensahe kahit na wala kang alam sa makasaysayang konteksto, ngunit ang konteksto ay nagpapakita ng tindi ng kahilingan ni Pablo.
Mahalaga ang konteksto sa kasaysayan at kultura dahil hindi ibinigay ng Diyos ang Biblia sa iisang wika na nauunawan ng lahat sa mundo. Dalawang pahayag tungkol sa kasulatan ang mahalaga:
1. Ang mga prinsipyo ng kasulatan ay totoo para sa bawat tao sa bawat lugar sa bawat panahon.
2. Ang mga prinsipyo ng kasulatan ay ibinigay sa isang tiyak na tao sa isang tiyak na lugar sa isang tiyak na panahon.
Ito ang mga pagkakaibang pangkasaysayan at pangkultura na naghihiwalay sa mundo natin at sa sinaunang mundo.
3
Ang tulay
Ang prinsipyo na itinuro sa teksto
4
Ang mapa
Ang kaugnayan ng Bagong Tipan (para sa mga sipi sa Lumang Tipan)
5
Ang ating bayan
Ang pagsasabuhay ng prinsipyo sa ating mundo ngayon
Kung mas nauunawaan natin ang kasaysayan at kultural na pinagmulan ng kasulatan, mas mauunawaan natin ang mga pangkalahatang prinsipyo ng Biblia.
Habang pinag-aaralan natin ang makasaysayan-kultural na konteksto, binabasa natin ang Biblia sa “kanilang bayan” upang maunawaan ang mensahe para sa orihinal na tagapakinig. Tinitingnan din natin ang “ilog” – mga pagkakaibang kultural na naghihiwalay sa ating mundo at sa sinaunang mundo. Kapag mas nauunawaan natin ang mundo ng Biblia, mas malinaw nating maririnig ang Salita ng Diyos na nagsasalita sa ating mundo ngayon.
Mahalaga ang pagbasa ng kasulatan sa orihinal nitong konteksto dahil ito ang pundasyon para sa isang mahalagang prinsipyo sa pagpapakahulugan ng Biblia: Ang anumang wastong pagpapakahulugan ng isang teksto sa Biblia ngayon ay dapat naaayon sa orihinal na mensahe ng teksto. Hindi ako dapat maghanap ng kahulugan na salungat sa orihinal na mensahe ng teksto.
Ano ang makasaysayan-kultural na konteksto? Ang makasaysayan-kultural na konteksto ay anumang bagay na nasa labas ng teksto na makakatulong sa atin upang maunawaan ang mismong teksto. Kasama rito ang mga sagot sa mga tanong tulad ng:
Ano ang buhay ng mga Israelita sa disyerto (ang konteksto para sa Exodo—Deuteronomio)?
Ano ang kultura ng Palestina noong unang siglo (ang konteksto para sa mga Ebanghelyo)?
Sino ang mga huwad na tagapagturo na naging sanhi ng kalungkutan kay Pablo sa Galacia at Filipos?
Ang ilang mga tanong na maaaring itanong kapag pinag-aaralan ang makasaysayan at kultural na konteksto ay kinabibilangan ng:
(1) Ano ba ang alam natin tungkol sa sumulat ng Biblia?
Dahil ang Diyos ay nangusap sa pamamagitan ng mga taong may-akda, ang kaalaman sa mga may-akda ay nakakatulong sa atin upang mas maunawaan natin ang Salita ng Diyos.
Kapag binabasa mo ang mga sulat ni Pablo, isipin mo ang kanyang buhay bago siya maligtas. Kapag sinasabi niya ang tungkol sa dati niyang "pagtitiwala sa laman" (Filipos 3:4-6), tandaan na mataas ang tingin sa mga Pariseo noon dahil masipag sila sa pagsunod sa Kautusan. Habang naaalala natin ang kanilang pagpapaimbabaw at pagtanggi na tanggapin si Jesus, dapat din nating alalahanin ang kanilang pagmamahal sa mga detalye ng kautusan ng Diyos.
Sa kabilang banda, kapag sinabi ni Pablo na siya ang "pangunahin” sa mga makasalanan (1 Timoteo 1:15), tandaan na dati siyang taga-usig ng iglesia at marami siyang Kristiyanong ipinahuli at ipinapatay. Hindi niya nakakalimutan ang masamang buhay niya bago niya makilala si Cristo sa daan papuntang Damasco.
Kapag binabasa natin ang Exodo, alamin natin ang mga pribilehiyo ni Moises sa palasyo ni Faraon. Kung iisipin natin ang marangyang buhay sa palasyo, mas malinaw sa atin ang sinabi sa Hebreo 11:25, "...na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan." Habang nakikita natin ang mga pagkakataong pang-edukasyon at pangkultura na tinatamasa ng kabataang si Moises, nakikita natin na inihahanda ng Diyos ang kanyang lingkod na pamunuan ang isang dakilang bansa.
(2) Ano ba ang alam natin tungkol sa tagapakinig sa Biblia?
Kasabay ng pag-aaral tungkol sa may-akda ng Biblia, dapat tayong matuto hangga't maaari tungkol sa orihinal na tagapakinig.
Maraming bahagi ng 1 at 2 Cronica ay inulit mula sa Samuel at Kings. Bakit kaya? Isinulat ang Cronica pagkatapos makabalik ng mga Israelita mula sa pagkabihag. Ipinapakita sa Kings kung bakit hinayaan ng Diyos na maparusahan ang Israel, ngunit sa Cronica naman, ipinakita na hindi iniwan ng Diyos ang kanyang bayan.
Si Jeremias ay nangaral noong panahon bago masira ang Jerusalem. Habang binabasa mo ang mga salita niya tungkol sa paparating na paghatol, tandaan mo na malapit na itong mangyari. ngunit sinabi rin ni Jeremias na may magandang plano ang Diyos para sa Israel: “Sapagkat nalalaman ko ang aking mga panukala para sa inyo, sabi ng Panginoon, mga panukala para sa ikabubuti at hindi sa ikasasama, upang bigyan kayo ng kinabukasan at ng pag-asa” (Jeremias 29:11). Ibinigay ng Diyos ang pangakong ito habang malapit nang dalhin sa ibang bayan ang mga Israelita bilang bihag. Kasama sa plano ng Diyos para sa kanyang mga tao ang mga paghatol na magdadala sa kanila sa pagsisisi.
Ang liham na 1 Juan ay isinulat para sa mga Kristiyanong humaharap sa huwad na katuruan: na ang espiritu lamang ang mabuti at masama ang mga bagay na materyal. Ayon sa mga huwad na guro, si Jesus ay hindi talaga tao; kundi nagmukhang tao lamang. Ipinaalala ni Juan na si Jesus ay may pisikal na katawan: "Yaong buhat sa pasimula, na aming narinig, nakita ng aming mga mata, aming napagmasdan, at nahipo ng aming mga kamay" (1 Juan 1:1).
Sinabi rin ng mga huwad na guro na ang kaligtasan ay dumating sa pamamagitan ng lihim na kaalaman na nahayag sa iilang tao lamang. Ipinakita ni Juan na dapat tayong sumunod upang magkaroon ng tunay na kaalaman sa Diyos; “At sa ganito'y nalalaman natin na siya'y kilala natin, kung tinutupad natin ang kanyang mga utos” (1 Juan 2:3). Ang kaalaman na nagdudulot ng buhay na walang hanggan ay kinapapalooban ng pag-ibig; “Nalalaman nating tayo'y dumaan na mula sa kamatayan patungo sa buhay, sapagkat iniibig natin ang isa't isa” (1 Juan 3:14).
(3) Ano ba ang alam natin tungkol sa makasaysayang tagpuan ng aklat?
Isipin ang isang mangangaral na nagsasabi, "Ngayon ay mangangaral ako kung paano dapat magkaroon ng asawa ang isang Kristiyano. Sinasabi sa atin ng Mga Hukom 21:20-21 na dapat tayong pumunta sa isang kalapit na nayon at maghintay sa mga kakahuyan. Kapag dumaan ang isa sa mga dalaga mula sa nayon, kunin siya at dalhin sa bahay. Ito ang huwaran ng Biblia sa pagpili ng mapapangasawa." Dapat mong pagdudahan ang pagsasabuhay ng kasulatan ng mangangaral na ito!
Ano ang mali sa pagsasabuhay ng mangangaral? Sinasabi sa Mga Hukom na ang mga lalaki mula sa lipi ng Benjamin ay kumuha ng mga asawa sa ganitong paraan sa isang pagkakataon. Sinasabi pa nga na ginawa nila ito sa mabuting dahilan — para mapanatili ang isa sa mga tribo ng Israel. Gayunpaman, binalewala ng mangangaral ang konteksto ng kasaysayan. Ang kwentong ito ay nasa huling bahagi ng Mga Hukom, isang aklat na nagpapakita kung paano bumagsak ang Israel mula sa plano ng Diyos patungo sa kaguluhan. Sa halip na ipakita ang plano ng Diyos para sa pag-aasawa, ang kwentong ito ay nagpapakita kung ano ang nangyayari kapag ang bayan ng Diyos ay nagrerebelde.
Minsan kaunti lang ang alam natin tungkol sa may-akda o sa mga tagapakinig, ngunit alam natin ang tungkol sa pangkalahatang makasaysayan na tagpuan. Hindi natin alam kung sino ang sumulat ng aklat ng Ruth, ngunit alam natin na ang mga pangyayari ay naganap noong panahon ng paghahari ng mga hukom (Ruth 1:1). Ito ay panahon ng kaguluhan sa Israel (Mga Hukom 21:25). Sa gitna ng kataksilan ng Israel sa Diyos, itinatampok naman ng aklat ng Ruth ang katapatan ni Ruth, isang biyudang Moabita.
Ikinuwento rin kung paano buong-pusong pinakasalan ni Boaz si Ruth upang bigyan ng legal na tagapagmana ang mga namatay na anak ni Naomi. Bilang kamag-anak na tagapagligtas, isinakripisyo ni Boaz ang sarili niyang karapatan sa mana para maibigay ang isang anak para kay Naomi. Sa paggawa nito, nagkaroon si Boaz ng bahagi sa talaan ng angkan ni David (Mateo 1:6, 16).
Ang makasaysayang pinagmulan ay mahalaga kapag nagpapakahulugan sa aklat ng Jonas.
Ang Nineve ay kabisera ng Asiria, ang pinakamapanganib na kaaway ng Israel.
Sa halos parehong panahon na nangangaral si Jonas sa Nineve, sina Amos at Hoseas naman ay nagbabala na darating ang hatol ng Diyos sa Israel sa kamay ng mga Asirio.
Kung titingnan sa mata ng tao, maiintindihan ang pag-aatubili ni Jonas na mangaral sa mga Asirio. Ngunit ipinapakita ng aklat ng Jonas ang pananaw ng Diyos, ang pananaw ng isang Diyos na nagmamahal sa lahat ng tao nang walang kinikilingan.
(4) Ano ba ang alam natin tungkol sa kultural na tagpuan ng aklat?
Tinitingnan din ng makasaysayan-kultural na konteksto ng kasulatan ang mga kaugalian ng mga tao noon sa mundo ng Biblia. Mas nauunawaan natin ang mga talinghaga ni Jesus kapag binabasa natin ito ayon sa tagpuan ng mga kaugalian noong unang siglo sa Palestina:
Ang talinghaga ng mabuting Samaritano (Lucas 10:30-35) ay nakakagulat para sa mga Judiong tagapakinig. Ang mga nakikinig kay Jesus ay hindi magtataka kung ang mga pinuno ng relihiyon ay hindi tumulong sa isang lalaking nasugatan sa daan. Gayunpaman, inaasahan nila na ang tutulong sana ay isang rabbi o isang Pariseo. Sa halip, itinuro ni Jesus ang isang kinamumuhiang Samaritano bilang halimbawa ng tunay na pag-ibig.
Sa talinghaga ng alibughang anak (Lucas 15:11-32), kailangan nating tandaan na ang mga amang Judio noon ay mga kagalang-galang. Inaasahan ng mga nakikinig noon na maririnig nila na hindi tatanggapin ng ama ang anak, o kung tatanggapin man, bilang isang alipin lamang. Ngunit sa halip, isinantabi ng ama ang kanyang dignidad dahil sa labis na tuwa sa pagbabalik ng kanyang nawawalang anak. Ang kilos na ito ay nakakagulat kaya tinawag ng ilang kulturang silangan ang kuwentong ito na “Talinghaga ng Tumatakbong Ama.” Sa parehong paraan, ang ating makalangit na Ama ay hindi naghihintay para sa atin na makamit ang kapatawaran; sa halip, hinahanap niya ang mga rebeldeng makasalanan. Ito ay larawan ng labis na pag-ibig ng ating Ama.
Ang mga sulat ni Pablo ay dapat basahin nang may pagsasaalang-alang sa mga kalagayang pangkultura noong unang siglo. Ang Efeso 5:21–6:9 ay nakagugulat sa mga mambabasa ni Pablo. Ang utos ni Pablo na ang isang babae ay magpasakop sa kanyang asawa ay normal; ang kanyang utos na sundin ng mga asawang lalaki ang mapagsakripisyong halimbawa ni Kristo ay hindi karaniwan sa mga tagapakinig ng Roma. Inaasahang susundin ng mga anak ang kanilang mga magulang, ngunit walang sinuman sa daigdig ng Roma ang nagsabi sa mga ama na huwag pukawin ang kanilang mga anak sa galit.
Nang sinabi ni Pablo sa mga taga-Filipos na mamuhay sila na para bang ang kanilang pagkamamamayan ay nasa langit (Filipos 3:20), sinusulatan niya ang isang lungsod na may espesyal na pribilehiyo ng pagkamamamayan sa Imperyong Romano. Dahil ang lungsod ay itinayo bilang kolonya para sa mga retiradong sundalo, mataas ang pagpapahalaga ng mga mamamayan ng Filipos sa kanilang pagkamamamayan. Pinaalalahanan sila ni Pablo na ang tunay nilang pagkamamamayan ay nasa langit, hindi sa isang lungsod sa lupa. Ang pag-alam sa kasaysayan at kultura na pinagmulan ay nakakatulong para mas maunawaan ang Filipos.
Pagtuklas sa ng Makasaysayan-Kultural na Konteksto
Gaya ng nakita natin, ang pag-aaral natin sa makasaysayan-kultural na konteksto ng isang sipi ay nagsisimula sa pamamagitan ng pagtatanong. Paano natin matutuklasan ang mga sagot sa ating mga tanong? Sa appendise ng kursong ito ipinaliwanag ang ilang mga sanggunian sa pag-aaral ng Biblia na makakapagbigay ng mga sagot. Iminumungkahi rin namin ang paggamit ng mga pambungad na kurso sa Lumang Tipan at Bagong Tipan na ginawa ng Shepherds Global Classroom. Ang mga kursong ito ay nagbibigay ng pinagmulan para sa bawat aklat ng Biblia.
[1]Larawan: “Interpreting the Bible” iginuhit ni Anna Boggs, makukuha mula sa https://www.flickr.com/photos/sgc-library/52377290578, licensed under CC BY 2.0. Concept from J. Scott Duvall and J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012)
Ang Biblikal na Konteksto
Isa pang mahalagang konsiderasyon sa pagpapakahulugan ng Biblia ay ang nakapaligid na konteksto. Mahalagang itanong natin, “Paano nauugnay ang talata, kabanata, at aklat na ito sa kabuuan ng Biblia?”
Isipin mong may nakita kang kapirasong papel na may isang pangungusap na galing sa isang liham. Ang sabi sa papel ay, “Oo, okay ang 7.” Ano ang ibig sabihin nito?
Baka may tipanan ang sumulat at kinukumpirma niya na okay ang alas-7 ng gabi para sa kanilang pagkikita.
Baka nagtanong ang asawa ng sumulat, “Ilan ang dapat kong imbitahin sa hapunan sa Biyernes?” Tumugon siya, “OK na ang pito (na tao).”
Baka may ibinebentang aklat ang sumulat sa halagang ₱8.00. May humiling na, “Maaari mo bang babaan ang presyo sa ₱7.00?” Tumugon ang manunulat ng, “Oo, OK na ang ₱7.”
Mauunawaan lamang natin ang isang pangungusap kung alam natin ang konteksto nito. Binabasa natin ang isang pangungusap batay sa buong talata. Binabasa naman natin ang talata sa konteksto ng buong sulat. Sa mas malawak na pananaw, maaari nating basahin ang sulat bilang bahagi ng mga sulat na nagpalitan sa pagitan ng dalawang tao.
Ganito rin ang kasulatan. Dapat basahin ang bawat talata ayon sa konteksto ng nakapaligid na mga talata, kabanata, at aklat. Ang konteksto ay mula sa isang bahagi ng sipi hanggang sa buong Biblia.
Para maunawaan nang tama ang isang talata, kailangan nating tingnan ang konteksto na nakapaligid dito. Ang Awit 1:3 ay nagbibigay ng magandang pangako para sa taong nagagalak sa kautusan ng Diyos. Inihalintulad siya sa isang punong kahoy na laging nadidiligan at namumunga. "Sa lahat ng kanyang ginagawa ay nagtatagumpay siya." May mga tao na inaangkin ito bilang pangako ng materyal na kasaganaan para sa bawat tapat na mananampalataya.
Gayunpaman, kapag binasa natin ang buong Awit 1, malinaw na hindi materyal na pagpapala ang tinutukoy kundi ang espiritwal na bunga mula sa pagsunod sa kautusan ng Panginoon. Nagtatapos ang Awit sa isang pangako na: “Sapagkat ang lakad ng matuwid ang Panginoon ang nakakaalam, ngunit mapapahamak ang lakad ng makasalanan” (Awit 1:6). Ang kaibahan ay sa pagitan ng isang landas na kilala (sinusubaybayan at pinahintulutan) ng Diyos at isang landas na hahantong sa kapahamakan.
Habang sinusundan natin ang iba pang bahagi ng Mga Awit at ng buong Biblia, makikita nating kumpirmado ang mensaheng ito. Ang tunay na kasaganaan ng isang mananampalataya ay hindi nasusukat sa yaman, kundi sa pagsang-ayon ng Diyos. Ito ang totoong kasaganaan.
Upang basahin ang isang bahagi sa tamang konteksto, sundin ang tatlong hakbang:
1. Alamin kung paano nahahati sa mga talata ang aklat. Ano ang agarang konteksto ng binabasa mong talata?
2. Ibuod ang pangunahing ideya ng talata sa isa o dalawang pangungusap. Makakatulong ito para mas maunawaan mo ang mensahe ng buong bahagi.
3. Basahin ang buong aklat at itanong, “Paano umaakma ang talatang aking pinag-aaralan sa kabuuang mensahe ng aklat?”
Buong Biblia > buong aklat > talata o kabanata > talata
Ang Biblia > mga sulat ni Pablo > Roma > Roma 12-15 > Roma 12:1-2
Sa Roma 12:1-2, hinihikayat tayo sa ganap na pagsuko sa Diyos.
Kaya nga, mga kapatid, isinasamo ko sa inyo, alang-alang sa mga kahabagan ng Diyos, na inyong ialay ang inyong mga katawan na isang handog na buháy, banal, na kasiya-siya sa Diyos, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod. Huwag ninyong tularan ang sanlibutang ito; kundi magbago kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kasiya-siya, at lubos na kalooban ng Diyos.
Ito ang simula ng bahagi (Roma 12–15) na nagpapakita kung paano makikita sa araw-araw na buhay ng isang Kristiyano ang pagsuko na ito. Kung titingnan ang mas malawak na konteksto, ang Roma 12–15 ay sumusunod pagkatapos ng 11 kabanata ng pagtuturo tungkol sa doktrina na nagpapaliwanag kung paano tayo itinuturing na matuwid sa harap ng Diyos.
Bukod sa konteksto ng Roma, makikita sa bawat sulat ni Pablo ang kanyang malasakit na maisabuhay talaga ng mga Kristiyano ang kanilang pananampalataya. Sa huli, ang Roma 12:1-2 ay akma sa kabuuang mensahe ng Biblia tungkol sa pagsunod at pagsuko sa Diyos. Halimbawa, ang mga salita sa Roma 12:1-2 ay sumasalamin sa wika ng paghahandog sa Levitico. Kapag mas nauunawaan natin ang mas malawak na konteksto ng Biblia, mas tumitindi ang dating ng mga salita ni Pablo.
Ikaw Naman
► Basahin ang sumusunod na mga talata pati ang kanilang agarang konteksto. Talakayin kung paano naapektuhan ng konteksto ang iyong pagkaunawa sa talata.
1. Basahin ang Mateo 18:20. Ano ang ibig sabihin nito?
2. Ngayon basahin naman ang Mateo 18:15-20. Naaapektuhan ba nito ang kahulugan ng 18:20?
1. Basahin ang Roma 8:28. Ano ang ipinapangako nito?
2. Ngayon basahin naman ang Roma 8:28-30. Ano ang mabuting pangako sa 8:28?
1. Basahin ang Apocalipsis 3:20. Sino ang inanyayahan dito?
2. Ngayon basahin naman ang Apocalipsis 3:14-21. Para kanino talaga ang paanyayang ito?
Mga Karaniwang Pagkakamali sa Pag-aaral ng Konteksto
Para tapusin ang araling ito, dapat nating pag-isipan ang ilang karaniwang pagkakamali na nagagawa ng mga nagpapakahulugan ng Biblia pagdating sa pag-aaral ng konteksto ng kasulatan.
Gamit ang Maling Impormasyon
May isang mag-aaral ang nagbigay ng isang pahayag tungkol sa Mateo 19:23-24. Sinabi niya na may isang maliit na pintuan sa Jerusalem noong panahon ni Jesus na tinawag na “Butas ng isang Karayom.” Ang pintuang ito ay napakababa na kailangang alisin ang pasanin ng kamelyo para makadaan ito.
May dalawang problema sa pahayag na ito ng mag-aaral:
1. Walang makasaysayang katibayan na may ganitong pintuan sa panahon ni Jesus. Ang ibig sabihin ng “butas ng isang karayom” noong panahon ni Jesus ay pareho rin ng ibig sabihin nito ngayon, ang butas ng isang karayom na ginagamit sa pananahi.
2. Dahil mali ang impormasyon tungkol sa pinagmulan, mali rin naging pagwawakas ng mag-aaral tungkol sa teksto. Lumabas sa kanyang paliwanag na kailangan nating alisin lahat ng sobra sa ating buhay para lang makapasok tayo sa kaharian ng langit.
Gayunpaman, hindi itinuturo ni Jesus na napakahirap para sa mayayaman at makapangyarihan na makapasok sa kaharian ng Diyos; ang itinuturo niya ay imposibleng mangyari ito! Kaya naman lubhang namangha ang mga alagad na sila ay tumugon ng, “Kung gayon, sino kaya ang maliligtas?”
Hindi sumagot si Jesus ng, “Mahirap, ngunit kung magsisikap kayo nang husto, makakapasok kayo.” Tumugon siya gamit ang magandang balita ng ebanghelyo: “Sa mga tao, ito ay hindi maaaring mangyari, ngunit sa Diyos, ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.” Sa pag-aaral ng konteksto, huwag mong hayaan na iligaw ka ng mga maling impormasyon.
Unahin ang Pag-aaral ng Konteksto kaysa sa Mensahe
Ang pangalawang panganib ay nagpapahintulot sa pag-aaral ng konteksto na maging mas mahalaga kaysa sa mensahe ng teksto. Pinaalalahanan ni Pablo ang mga Kristiyano sa Corinto na ang maling uri ng kaalaman ay nagdudulot ng kayabangan, ngunit sa pag-ibig ay nakikinabang ang iba (1 Corinto 8:1).[1] Posible na maging sobrang abala sa mga detalye ng konteksto na makalimutan na natin ang mensahe ng teksto na ating pinag-aaralan.
Maaaring matutunan ng isang tao ang lahat tungkol sa kultura ng mga Samaritano ngunit makalimutan naman ang layunin ng talinghaga ng mabuting Samaritano: "Humayo ka, at gayundin ang gawin mo" (Lucas 10:37). Sa ganitong kaso, mawawalang saysay ang lahat ng natutunan natin. Mag-aral upang maunawaan ang mensahe ng kasulatan, hindi para lang mabaon sa pag-aaral para sa sarili nitong layunin. Mag-aral upang makapangaral at makapagturo nang mas epektibo, hindi lang upang maipagmalaki ang dami ng ating nalalaman!
[1]Hindi laban si Pablo sa kaalaman; isinulat niya ang kanyang mga sulat upang makapagbigay ng mabuting pagtuturo para sa mga bagong iglesia. Gayunpaman, ang mapagmataas na “kaalaman” ng mga taga-Corinto ay humantong sa kapahamakan, hindi ng pagpapatibay.
(1) Ang pag-aaral ng konteksto ng anumang sipi sa Kasulatan ay kinakailangan para sa tamang pagpapakahulugan.
(2) Ang makasaysayan-kultural na konteksto ay tumutukoy sa kalagayang pangkultura noong panahon ng Biblia. Titanong nito:
Ano ba ang alam natin tungkol sa sumulat ng Biblia?
Ano ba ang alam natin tungkol sa tagapakinig sa Biblia?
Ano ba ang alam natin tungkol sa makasaysayang tagpuan ng aklat?
Ano ba ang alam natin tungkol sa kultural na tagpuan ng aklat?
(3) Ang biblikal na konteksto ay nagtatanong kung paano nauugnay ang isang talata sa kabuuan ng kasulatan.
Takdang-Aralin sa Aralin 5
Sa Aralin 1, pumili ka ng isang bahagi ng kasulatan na pag-aaralan mo sa buong kurso.
Pag-aralan ang makasaysayan-kultural at biblikal na konteksto ng sipi na pinili mo. Maghanda ng isang pahina ng mga tala kung saan sasagutin mo ang pinakamaraming tanong na kaya mo mula sa tinalakay sa araling ito tungkol sa konteksto.
Itanong:
Sino ang may-akda?
Kailan siya sumulat?
Ano ang kanyang pinagmulan?
Sino ang kanyang mga tagapakinig?
Anong mga problema ang hinarap nila?
Ano ang mga kalagayan na nakapaligid sa sipi na ito?
Anong mga pangyayaring pangkasaysayan ang naganap noong panahon ng aklat na ito?
Anong mga bagay sa kultura ang makakatulong para maipaliwanang ang aklat?
Basahin ang nakapaligid na kabanata upang matukoy ang konteksto ng Biblia sa bahagi ng sipi na ito.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.