Naalala mo pa ba si Hun Hao mula sa Aralin 1? Araw-araw siyang nagbabasa ng Biblia ngunit hindi niya naririnig ang boses ng Diyos sa pamamagitan ng kanyang binabasa. Ano ang mali? Si Hun Hao ay walang proseso para sa pagpapakahulugan ng kung ano ang kanyang binabasa. Siya ay nagbabasa ngunit hindi nakakaunawa.
[1]Ang Mga Gawa 8 ay nagsasabi ng kuwento tungkol sa isang lalaki na nagbabasa pero hindi niya nauunawaan ang binabasa niya. Si Felipe, isang deakono sa unang iglesya, ay pinangunahan ng Banal na Espiritu papunta sa daang disyerto na mula Jerusalem patungong Gaza. Doon niya nakasalubong ang isang opisyal na taga-Etiopia na pauwi mula sa pagsamba sa Templo sa Jerusalem. Binabasa ng opisyal ang aklat ni Isaias habang siya ay naglalakbay.
Tinanong ni Felipe ang opisyal na ito, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” (Mga Gawa 8:30). Tumugon ang opisyal, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” (Mga Gawa 8:31). Habang ipinapaliwanag ni Felipe ang Salita ng Diyos, ang lalaki ay sumampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos at nagpabautismo bilang bagong mananampalataya.
Ang malaman kung paano dapat ipakahulugan ang ating binabasa ay napakahalaga. Sa mga susunod na aralin pag-aaralan natin ang proseso ng pagpapakahulugan sa kasulatan. Matututo tayo ng mga praktikal na hakbang para sa pagpapakahulugan.
[1]“Bigyan mo ako ng pang-unawa upang aking maingatan ang kautusan mo, at akin itong susundin ng buong puso ko.” - Awit 119:34
Ang Kahalagahan ng Pagpapakahulugan
May tatlong hukom na nag-uusap tungkol sa kanilang trabaho sa korte. Sabi ng unang hukom, “May mga taong may sala at may mga taong inosente. Tinutukoy ko lang kung sino sila.” Naniniwala ang hukom na ito na may tiyak na katotohanan. May mga taong may sala at may inosente, at ang trabaho ng isang hukom ay sabihin lang kung ano ang totoo.
Sabi naman ng pangalawang hukom, “May mga taong may sala at may inosente. Sinusubukan kong malaman kung ang taong ito ba ay may sala o inosente.” Naniniwala rin ang hukom na may tiyak na katotohanan, ngunit naiintindihan din niya na maaari siyang magkamali sa kanyang opinyon tungkol sa isang tao.
Sabi ng pangatlong hukom, “Ang tao ay walang sala o inosente hangga’t hindi ko sinasabi ang aking hatol.” Ang hukom na ito ay hindi naniniwala sa tiyak na katotohanan. Naniniwala siya na ang kanyang pahayag ay sapat na para gawing totoo ang isang bagay.
Nakakalungkot, dahil maraming Kristiyano ngayon ang naniniwala na ang kasulatan ay walang tiyak na kahulugan. Sinasabi nila, “Yung totoo sa iyo ay maaaring hindi totoo para sa akin.” Sa pananaw na ito, ang bawat mambabasa ang lumilikha ng sarili nilang “katotohanan”. Akala nila ang pahayag sa Biblia ay mangangahulugan ng kahit ano na gusto nilang ipakahulugan.
Tulad ng pangalawang hukom sa kwento, kailangang maintindihan ng Kristiyano ang dalawang mahalagang bagay:
1. Ang ibig sabihin ng kasulatan ay tiyak, at ang ating trabaho ay ang subukan na maunawaan ang katotohanan ng Diyos sa teksto.
2. Ang ating pag-unawa ay limitado. Dahil dito, maaaring maging mali ang ating pagpapakahulugan. Tayo ay dapat na mapagpakumbaba.
Sa yugto ng pagsusuri, ang tanong natin ay, “Ano ang nakikita ko sa teksto?” Sa pagpapakahulugan naman, ang tanong natin ay, “Ano ang ibig sabihin ng teksto?” Mamaya, titignan natin ang pagsasabuhay ng kasulatan na ito.
Sinisimulan natin ang proseso ng pagpapakahulugan sa tanong na, “Ano ang ibig sabihin ng may-akda?” Inihahanda tayo nito para sa susunod na tanong, “Ano ang ibig sabihin ng kasulatang ito sa akin?”
Mga Hamon sa Tamang Pagpapakahulugan
Maraming hamon sa isang modernong mambabasa sa pagpapakahulugan ng isang sinaunang teksto tulad ng Biblia. Ang haba ng panahon at distansya na naghihiwalay sa atin at sa orihinal na may-akda ang nagpapahirap sa pagpapakahulugan. Magkaiba ang wika natin. Magkaiba rin ang kultura natin kaysa sa kultura ng mga may-akda ng Biblia.
Ang larawang ito ay nagpapakita ng mga hamon sa pagpapakahulugan ng Biblia para sa panahon natin ngayon. Ang Biblia ay isinulat para sa sinaunang mundo (1). Ang mga unang mambabasa ay nabuhay sa ibang kultura kaysa sa atin ngayon. Ang ilog (2) na naghihiwalay sa kanilang mundo sa ngayon ang nagpapahirap para sa atin na maunawaan ang Biblia. Ang ilog na ito ay gawa ng mga pagkakaiba sa pagitan ng ating kultura at ng mundo ng Biblia. Ano ang mga pagkakaiba sa pagitan ng isang modernong mambabasa at ng orihinal na may-akda?
Mga Pagkakaiba sa Wika
Ang Biblia ay isinulat sa tatlong wika: Hebreo, Griego, at Aramaiko. Ngayon, binabasa natin ang Biblia sa sarili nating wika. Kaya nagkakaroon ng distansya sa pagitan natin at ng may-akda. Ang sinumang marunong magsalita ng ibang wika ay nakakaunawa kung gaano kahirap ang pagkakaiba ng wika.
Mga Pagkakaiba sa Kultura
Katulad ng kahirapan sa pagkakaiba ng wika ay ang kahirapan ng pagkakaiba ng kultura. Ang mga taong may-akda ng kasulatan ay bahagi ng isang kultura na maaaring ibang-iba sa ating mundo. Sa pag-aaral natin ng kasulatan, dapat nating itanong, “Ano ang matututuhan ko tungkol sa kultura ng sinaunang daigdig na tutulong sa akin na mas maunawaan at mabigyang-kahulugan ang mensahe ng Biblia?”
Hindi Bihasa sa Heograpiya
Ang mga pangyayari sa Biblia ay nangyari sa tunay na mga tao sa tunay na mga lugar. Kapag alam natin ang heograpiya, mas madali nating matawid ang ilog na naghihiwalay sa mundo nila at mundo natin.
Ang kaalaman na ang daan mula Jerico hanggang Jerusalem ay dumadaan sa mapanganib na bulubunduking lugar ang nagpapaliwanag kung bakit naging maingat ang pari at ang Levita (Lucas 10:31-32). Ipinapakita rin dito kung gaano kahanga-hanga ang habag ng isang Samaritano na isinugal ang sarili niyang kaligtasan upang tulungan ang isang taong nasugatan (Lucas 10:33-34).
May mga mambabasang nagtanong, “Bakit nagduda ang mga alagad sa kakayahan ni Jesus na pakainin ang 4,000 sa Marcos 8, pagkatapos niyang pakainin ang 5,000 sa Marcos 6?” Isang mapa ang nagbibigay ng sagot. Sa Marcos 7, naglakbay si Jesus patungong Decapolis, isang lugar na tinitirhan ng mga Hentil. Ang tanong ng mga alagad ay hindi “Kaya ba ni Jesus pakainin ang mga taong ito?” kundi “Papakainin ba niya ang mga ito?” Hindi sila naniniwala na karapat-dapat din ang mga Hentil na makatanggap ng parehong himala. Hindi pa nila nauunawaan na dumating si Jesus para sa lahat ng tao.
Marcos 6
Marcos 7
Marcos 8
Lugar
Galilea
PAGLALAKBAY
Decapolis
Mga Tao
Mga Judio
-
Mga Hentil
Sinasabi sa Marcos 4 kung paano pinatahimik ni Jesus ang isang malakas na bagyo sa Dagat ng Galilea. Sa isang aklat ng mga mapa sa mga lugar sa Biblia, malalaman natin na ang Dagat ng Galilea ay isang malaking lawa, na nasa 210 metro ang lalim mula sa lebel ng dagat. Dahil sa mas mataas na paligid ng lawa na parang imbudo, ang hangin ay madalas na bumubuo ang malalakas na bagyo sa loob lamang ng ilang minuto. Bilang mga mangingisda na buong buhay na nagtrabaho sa dagat na ito, sanay na ang mga disipulo sa mga malalakas na bagyo. Kaya nang matakot sila para sa kanilang mga buhay ang ibig sabihin ay hindi ito isang ordinaryong bagyo. Isa itong sobrang lakas na bagyo, ngunit ilang salita lang ang sinabi ni Jesus ang nagpanumbalik sa katahimikan ng dagat. Kaya't hindi na nakapagtataka na sinabi nila, "Sino nga ito, na pati ang hangin at ang dagat ay sumusunod sa kanya?" (Marcos 4:36-41).
Hindi Bihasa sa mga Anyo ng Panitikan
Bawat uri ng panitikan sa Biblia ay dapat basahin sa iba’t ibang paraan. Kapag binabasa natin ang Roma, kailangang sundan natin nang maigi ang paliwanag ni Pablo kung paano tayo ginagawang matuwid sa harap ng Diyos. Kapag naman parabula ang binabasa natin, nakikinig tayo sa isang tagapagsalaysay na nagtuturo gamit ang isang kahanga-hangang kwento.
Pagwawakas
Tingnan mong muli ang larawan. Kahit may ilog ng pagkakaiba sa wika, kultura, heograpiya, at panitikan na naghihiwalay sa atin, ang Biblia ay may mensaheng para sa lahat ng kultura. Ito ang tulay (3) na tumatawid sa ilog. Ang tulay na ito ay binubuo ng mga prinsipyo na itinuturo ng Biblia. Ang mga prinsipyong ito ay totoo at naaangkop para sa lahat ng kultura sa lahat ng panahon.
Ang mapa (4) ay nagtuturo sa atin na alamin kung nasaan tayo sa kwento ng Biblia. Sa pagdating ni Cristo, natupad ang maraming hula at kautusan sa Lumang Tipan. Kapag naaalala natin ito mababago nito kung paano tayo nagpapakahulugan at isinasabuhay ang mga sipi na ito sa kasulatan.
Sa wakas, dumating tayo sa mundo natin ngayon (5). Sa hakbang na ito, tatanungin natin kung paano ang prinsipyo na nakita natin (3) ay maisasabuhay sa ating mundo.
Babalikan natin ang larawang ito sa mga susunod na mga aralin. Sa ngayon, ikaw ay dapat na magkaroon ng kamalayan sa mga hakbang.
[1]Larawan: “Interpreting the Bible” iginuhit ni Anna Boggs, makukuha mula sa https://www.flickr.com/photos/sgc-ibrary/52377290578, licensed under CC BY 2.0. Concept from J. Scott Duvall and J. Daniel Hays, Grasping God’s Word (Grand Rapids: Zondervan, 2012)
Mga Karaniwang Pagkakamali ng mga Nagpapakahulugan ng Biblia
May mga ilang pagkakamali ang karaniwang magagawa ng mga nagpapakahulugan ng Biblia.
Maling Pagbasa ng Teksto
Ang ilang mga mangangaral ay nangaral na sinabi ni Pablo na, “Ang pera ang ugat ng lahat ng kasamaan.” Ngunit hindi ‘yan ang sinabi ni Pablo! Sinabi niya, “Sapagkat ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng kasamaan” (1 Timoteo 6:10). Maaaring may pera ka ngunit ito ay hindi mo minamahal, at posible rin na mahalin ang pera kahit konti lang ang meron ka. Ang babala ni Pablo ay hindi talaga tungkol sa pera; kundi tungkol sa puso na pinamumunuan ng pag-ibig sa pera.
May mga Kristiyanong mali sa pagkabasa ng Awit 37:4 na nagsasabing, “Ipinapangako ng Diyos na ibibigay niya ang gusto ng puso ko. Gusto kong yumaman, kaya yayaman ako.” Sinabi ng Salmista na, “Sa Panginoon ikaw ay magpakaligaya, at ang mga nasa ng iyong puso sa iyo’y ibibigay niya.” Ang pangako sa awit ay kung ang kaligayahan natin ay ang Panginoon, ang ibibigay ng Diyos ang magpapasaya sa atin – ang Panginoon. Nang maglaon, sinabi rin ni Jesus na kung tayo ay nagugutom at nauuhaw, tayo’y bubusugin – ng katuwiran (Mateo 5:6). Hindi ito pangako ng kaunlaran sa pananalapi; ito ay isang pangako ng isang bagay na mas mabuti – espirituwal na kaunlaran.
Ang unang hakbang na ating natutunan sa kursong ito ay pagsusuri. Kailangang tama ang ating mga pagsusuri, dahil kung hindi, mali rin ang magiging pagpapakahulugan natin. Mag-ingat tayong huwag maliin ang pagkakabasa sa teksto. May nagsabi na ang unang tatlong hakbang sa pag-aaral ng Biblia ay:
1. Basahin mo ang teksto.
2. Basahin mo ulit ang teksto.
3. Pagkatapos ng Hakbang 2, basahin mo ulit ang teksto!
Pagbaluktot ng Ibig Sabihin ng Teksto
Sa buong kasaysayan, may mga huwad na tagapagturo na binabaluktot ang kasulatan para ipagtanggol ang kanilang kamalian. Nagbabala si Pablo na ang ilang mga tao ay babaluktutin ang kanyang turo sa pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya lamang upang ipagtanggol ang kanilang pagnanais na magpatuloy sa sinasadyang kasalanan (Roma 6:1-2). May mga panahon na ginamit ng mga tao ang kasulatan para ipagtanggol ang pang-aalipin o pagpatay ng gobyerno sa isang lahi. Sa panahon ngayon, may mga ebanghelista na binabaluktot ang mga pangako ng Diyos at ginagawa itong mensahe ng kasaganaan na salungat sa tunay na turo ng kasulatan.
Si Pedro ay nagbabala din laban sa mga taong bumabaluktot ng kasulatan na ikapapahamak nila (2 Pedro 3:16). Ganoon din si Santiago, nagbabala siya na mabigat ang responsibilidad ng mga nagtuturo (Santiago 3:1). Tayo na nagtuturo ng Biblia ay kailangang mag-ingat na hindi natin baluktutin ang kasulatan para suportahan ang mga huwad na ideya.
Pagbibigay ng Kathang-isip na Kahulugan
Ang kwento ng tatlong hukom ay nagpapakita ng isa pang karaniwang pagkakamali sa mga nagpapakahulugan ng Biblia: ang ideya na ang kahulugan ng kasulatan ay nanggagaling lamang sa sariling imahinasyon ng mambabasa. May mga tao na ang tinatanong lamang ay, “Ano ba ang nararamdaman ko na ibig sabihin ng kasulatan?” Bagamat mahalaga ang damdamin, ang tunay na katotohanan ng kasulatan ay nasa mismong sinulat ng may-akda, hindi sa nararamdaman ko tungkol sa sinulat niya.
Sobrang Tiwala sa Sarili
Masyadong nagtitiwala ang isang nagpapakahulugan sa kanyang sariling katwiran kung inaakala niya na hindi siya maaaring magkamali. Nag-aaral tayo ng Salita para malaman natin ang tamang kahulugan ng teksto; gayunpaman, tayo ay dapat na magkaroon ng kababaang-loob na aminin kung tayo ay mali. Walang sinuman ang nagtataglay ng lahat ng kasagutan.
Napakahalaga ng kababaang-loob sa pagpapakahulugan. Habang pinag-aaralan mo ang Biblia, makikita mo na may mga bahagi na hindi pagkakasunduan ng kahit na mga tapat na Kristiyano. Hindi ibig sabihin nito na may isang grupo na sadyang binabaluktot ang kasulatan; maaaring ito ay tapat na hindi pagkakaintindihan ng dalawang grupo na pareho namang naniniwala sa katotohanan ng kasulatan. Kaya tayo ay dapat na mapagpakumbaba sa ating pagpapakahulugan at igalang din natin ang ibang opinyon ng mga tao.
Ikaw Naman
Nasa ibaba ang ilang maling pahayag na sinasabi ng mga tao, na nag-aakalang sinisipi nila ang kasulatan. Upang magkaroon ng higit na pagpapahalaga sa maingat na pagbabasa, hanapin ang teksto na binaluktot sa bawat halimbawa at pansinin kung ano talaga ang sinasabi ng Biblia. Ang unang halimbawa ay nakumpleto na para sa iyo.
SGC exists to equip rising Christian leaders around the world by providing free, high-quality theological resources. We gladly grant permission for you to print and distribute our courses under these simple guidelines:
No Changes – Course content must not be altered in any way.
No Profit Sales – Printed copies may not be sold for profit.
Free Use for Ministry – Churches, schools, and other training ministries may freely print and distribute copies—even if they charge tuition.
No Unauthorized Translations – Please contact us before translating any course into another language.
All materials remain the copyrighted property of Shepherds Global Classroom. We simply ask that you honor the integrity of the content and mission.