Mga Relihiyon sa Mundo at Mga Kulto

Mga Relihiyon sa Mundo at Mga Kulto

Panimula

► Bakit umiiral ang mga hindi pagkakasundo sa mga relihiyon? Kinakailangan ba ang di-pagkakasundo sa relihiyon, o maaari ba itong maiwasan?

► Pagkatapos ng maikling pagtatalakayan tungkol sa mga tanong na ito, dapat hanapin ng klase ang sumusunod na mga reperensiya sa Kasulatan: 1 Timoteo 3:15, Judas 3, 2 Timoteo 2:17, Mateo 16:6 at 16:12, Tito 1:9, at 1 Pedro 3:15. Maikling talakayin kung ano ang ipinahihiwatig ng mga talata na ito tungkol sa hindi pagkakasundo ng mga relihiyon.

Sinabi ni Hesus sa babaeng Samaritana malapit sa balon na ang suliranin sa pagsamba ng mga taga-Samaria ay hindi nila nalalaman kung sino ang kanilang sinasamba (Juan 4:22). Ang konsepto ng Dios ng isang tao ang kanyang pinakamahalagang katangian at tiyak na pundasyon ng kanyang buong relihiyon. Walang mas seryosong pagkakamali kaysa sa pagkakaroon ng maling pagkaunawa tungkol sa kung sino/ano ang Dios.

Imposibleng sambahin ang Dios nang walang anumang bagay na pinaniniwalaan tungkol sa kanya. Kapag mali ang konsepto ng isang tao tungkol sa Dios, pararangalan niya ang mga katangiang hindi taglay ng Dios at mabibigo siyang parangalan ang mga katangiang taglay ng Dios. Ang mismong katangian ng taong sumasamba ay magbabago upang umayon sa katangian na iniisip nilang taglay ng Dios.

Hindi maaaring ilagay ng tao ang kanyang pananampalataya kay Hesus para sa kanyang kaligtasan nang walang pinaniniwalaan tungkol sa kanya. Kung naniniwala ang tao sa mga maling bagay tungkol kay Hesus, mayroon siyang doktrina na hindi sumusuporta sa ebanghelyo. Maaari siyang maniwala sa isang maling ebanghelyo na hindi makapagliligtas sa kanya.

May tungkulin ang iglesya na itatag ang katotohanan. Sinabi ni Apostol Pablo na ang iglesya ang “haligi at pundasyon ng katotohanan.”[1]

Upang itatag ang katotohanan, ang iglesya ay may tungkulin na ipaliwanag at ipagtanggol ito. Sinasabi sa atin ni Apostol Judas na kapag ang mga tao ay nagtuturo ng maling doktrina, tayo ay dapat “manindigan para sa pananampalataya na noon ay dinala sa mga pinabanal.”[2]

Ang maling doktrina ay katulad ng isang karamdaman na nagkakalat ng kanyang mga resulta.[3] Ang doktrina ay inihambing sa lebadura, na unti-unting umiepekto sa isang masa ng tinapay.[4]

Tinatawag ng Dios ang mga pastor na maging mga tagapanguna sa pagtatanggol sa katotohanan. Sinabi ni Pablo kay Tito na ang isang pastor ay inaasahang “magagawa sa pamamagitan ng matuwid na doktrina na makahikayat at makumbinsi ang sinomang sumasalungat.”[5] Sinabi rin niya na dahil sa mga manlilinlang, mga buong pamilya ang nailalayo sa katotohanan.

Ang kursong ito ay hindi tungkol sa mga doktrinang humahati sa iba’t-ibang iglesyang Kristiyano at naging mga kategoryang tulad ng Methodista, Baptist, o Pentecostal. Sa pangkalahatan ang mga iglesyang ito ay nagkakasundo sa mga pangunahing doktrinang biblikal na tinukoy sa Handbook ng Doktrina na nasa dulo ng kursong ito. Sa halip, ang kursong ito ay tumitingin sa mga grupong pangrelihiyon na tumatanggi sa mga doktrina na siyang pundasyon ng pananampalatayang Kristiyano.

Sa leksiyong ito pag-aaralan natin ang pitong mahahalagang bahagi ng paghahanda sa mga Kristiyano para maharap ang mga hindi pagkakasundo sa relihiyon.


[1]1 Timoteo 3:15
[2]Judas 3
[3]2 Timoteo 2:17
[4]Mateo 16:6
[5]Tito 1:9